Ayon kay Wu Qiaoxi |
Ang pakikialam ng China sa digmaang sibil sa Burma at lumalawak na impluwensya nito sa bansang winasak ng digmaan ay nagbunsod ng mga pagprotesta sa ibang bansa at nagdulot ng pangamba sa Kanluran.
Mula nang kudeta ng militar noong 2021, hindi bababa sa 6,000 sibilyan ang napatay, mahigit 3.5 milyong tao ang nawalan ng tirahan, at 15 milyong tao ang nagugutom, kabilang ang 2 milyong nanganganib sa matinding taggutom, ayon sa mga pagtataya ng United Nations (UN).
Apat na taong kaguluhang pampulitika ang sumira sa ekonomiya ng Burma at naging ugat ng kaguluhan sa rehiyon, na kinabibilangan ng produksiyon ng droga, human trafficking, at malawakang panloloko at ilegal na gawain sa mga border.
Kung walang katapusan ang karahasan, patuloy ang Burma sa "landas ng sariling pagkawasak," babala ni Julie Bishop, UN Special Envoy sa Burma, noong Hunyo 10.
![Nagprotesta noong Hunyo 8 ang mga Burmese sa Japan, kabilang ang mga mula sa etnikong Rakhine, laban sa panghihimasok ng pamahalaang Chinese sa mga hidwaang sibil sa Burma upang makamit ang dominasyon sa rehiyon. [Chanapai247/x.com]](/gc9/images/2025/06/16/50805-burmese_protest_tokyo-370_237.webp)
Habang iniuurong ng mga bansa sa Kanluran at mga karatig-bansa ang kanilang mga pamumuhunan dahil sa mga panganib sa karapatang pantao at pulitika, patuloy naman na namumuhunan ang China, nakikipag-ugnayan sa rehimeng militar at sa mga puwersang oposisyon, ayon sa mga tagamasid.
"Sa kabila ng nagaganap na digmaang sibil, itinuloy pa rin ng China ang mga proyekto o mga pamumuhunan, na nagbigay sa kanila ng access sa likas na yaman at mga oportunidad sa pamumuhunan na tinuturing ng ibang bansa na masyadong mapanganib, at lumilikha ng pampinansyal na impluwensya," ayon sa pagsusuri ng Janes na inilathala noong Hunyo 5.
"Sa Kanluran, madalas ilarawan ang digmaang sibil [sa Burma] bilang isang 'nakalimutang hidwaan,'" isinulat ni Ye Myo Hein, isang mananaliksik sa Wilson Center sa Washington DC, sa Foreign Affairs noong Abril.
"Ngunit para sa China, ang Burma ay isang mahalagang larangan ng labanan kung saan nagtatagpo ang rehiyonal na ambisyon ng Beijing, mga interes sa ekonomiya, at mga alalahanin sa seguridad."
Ang impluwensya ng China sa Burma ay nagdulot ng mga pagpoprotesta mula sa mga dayuhang mamamayan doon.
Noong Hunyo 8, nagsagawa ng mga pagpoprotesta ang mga Burmese sa Japan, sa Tokyo, Osaka, at Nagoya, upang tutulan ang tinuturing nilang "sinadyang dominasyon" ng Beijing sa kanilang bayan para sa sariling kapakinabangan.
"Kaming mga Burmese na naninirahan sa Japan, ay nagpoprotesta upang agad na itigil ang panghihimasok ng pamahalaang Chinese sa mga panloob na usapin [ng Burma] at ang pagsuporta nito sa teroristang militar na ilegal na kinontrol ang bansa," ayon kay James Than Lwin, pinuno ng protesta.
Iba't ibang estratehiya
Isa sa mga pangunahing prayoridad ng Beijing sa Burma ay ang makuha ang 2,500-kilometrong haba ng pipeline ng langis at gas na umaabot mula sa Indian Ocean hanggang timog ng China.
Ang lupang daanang ito ay maaaring magsilbing mahalagang alternatibong ruta para sa suplay ng enerhiya sakaling sumiklab ang labanan sa Taiwan Strait at malagay sa panganib ang pagpapadala ng langis na dumaraan sa Strait of Malacca, ayon sa artikulo ng The Economist noong Hunyo 5.
Ang China, ang pangalawang pinakamalaking importer ng langis sa mundo, ay dumaraan sa Strait of Malacca para sa mahigit 70% ng mga padala nitong krudo.
Matagal nang itinuturing ng Beijing ang makitid na daanan na ito bilang isang estratehikong kahinaan dahil sa mga pangamba tungkol sa posibleng paghaharang at pananakot. Ang paggamit ng ruta sa lupa sa Burma ay bahagi ng mas malawak nitong pagsisikap na bawasan ang pagdepende sa mga daanang dagat na maaaring magkaroon sila ng problema.
Upang makamit ito, gumagamit ang Beijing ng iba't ibang estratrehiya: nakikipag-ugnayan sa lahat ng panig, nagbibigay ng tulong militar, at gumagamit ng panggigipit at mga insentibo upang itugma ang mga ito sa mga interes ng China.
Bukod sa seguridad ng enerhiya, layunin din ng China na patatagin ang mga operasyon ng pagmimina, protektahan ang mga imprastruktura ng Belt and Road Initiative (BRI), sugpuin ang mga panloloko sa mga border na pumupuntirya sa mga Chinese at limitahan ang impluwensiya ng Kanluran sa Burma.
Ang BRI ay isang proyekto na pinondohan ng China para magtayo ng mga pantalan, riles ng tren, at iba pang imprastruktura upang pabilisin ang pag-export ng mga raw material mula sa mga mahihirap na bansa papuntang China.
Makapangyarihang tagapagpasya
Ngunit, tumitindi ang hidwaan.
Tinatayang kontrolado ng military junta ang halos 21% lamang ng teritoryo ng Burma, ayon sa BBC noong Disyembre. Ang lumalalang sitwasyon sa seguridad ay naglalagay sa panganib ng mga proyektong suportado ng China.
Mukhang napagtanto ng Beijing na hindi kayang protektahan ng junta lamang ang mga interes nito, kaya sila na ang direktang kumikilos, kabilang ang pagtatatag ng isang joint security company upang pangalagaan ang mga pamumuhunan ng China sa Burma -- lalo na sa kahabaan ng China-Myanmar Economic Corridor -- at pag-aayos ng mga pag-uusap para sa tigil-putukan sa pagitan ng rehimen at mga armadong grupong etniko.
Noong Pebrero 18, ipinasa ng Burma ang Batas sa Pribadong Serbisyo ng Seguridad, na nagpapahintulot sa mga tauhang militar ng China na mag-operate nang nagkukunwaring private security, ayon sa The Irrawaddy.
Sa unang pagkakataon, sumama noong Hunyo ang mga security personnel ng China sa mga sundalong Burmese upang bantayan ang isang planta ng langis malapit sa pantalan ng Kyaukphyu sa Rakhine.
Samantala, pinipilit ng Beijing ang junta na magsagawa ng halalan sa bandang huli ng taon, na tinatawag ng mga tagamasid na pagtatangkang pagmukhaing lehitimo ang pamahalaan ng junta.
Gayunman, ayon sa kanila, ang "pekeng halalan" na ito ay maaaring magdulot ng mas malawak na karahasan at lalo pang makagulo sa mga rehiyong nasa border ng Bangladesh, China, India, Laos, at Thailand.
Ang papel ng China sa Burma ay nagbabago mula sa pagiging pangunahing mamumuhunan -- ngayon ay isa ng makapangyarihang tagapagpasya sa rehiyon.
Mula sa pakikipag-ugnayang militar, impluwensyang pang-ekonomiya, at pampulitikang panggigipit, pinatatatag ngayon ng Beijing ang estratehikong posisyon nito at pinalalawak ang kapangyarihan sa magugulong karatig-bansa nito.