Diplomasya

India, nabawi ang diplomatikong ugnayan sa Maldives matapos lumapit sa China

Ang pagbisita ni Indian Prime Minister Narendra Modi sa Maldives ay nagmarka ng isang diplomatikong pagbabago sa gitna ng nagbabagong alyansa.

Sinusuri ni Indian Prime Minister Narendra Modi (ikalawa mula sa kaliwa) ang isang guard of honor ng Republic Square sa Malé, Maldives, noong Hulyo 25. Inalok ng India ang Maldives ng $565 million upang palakasin ang mga puwersa at imprastrukturang pandepensa nito dahil bagama't maliit, ito ay nasa estratehikong lokasyon. [Mohamed Afrah/AFP]
Sinusuri ni Indian Prime Minister Narendra Modi (ikalawa mula sa kaliwa) ang isang guard of honor ng Republic Square sa Malé, Maldives, noong Hulyo 25. Inalok ng India ang Maldives ng $565 million upang palakasin ang mga puwersa at imprastrukturang pandepensa nito dahil bagama't maliit, ito ay nasa estratehikong lokasyon. [Mohamed Afrah/AFP]

Ayon sa Focus |

Ang kamakailang pagbisita ni Indian Prime Minister Narendra Modi sa Maldives ay nagmarka ng isang diplomatikong pagbabago, matapos ang ilang buwan ng tensyon sa pagitan ng dalawang magkalapit na bansa.

Dumalo si Modi bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng kalayaan ng Malé. Siya ang kauna-unahang pinuno ng ibang bansang tinanggap bilang panauhin ni Pangulong Mohamed Muizzu mula nang mahalal ito noong Nobyembre 2023.

Ang dalawang araw na pagbisita ni Modi, na natapos noong Hulyo 26, ay kasabay ng anibersaryo ng diplomatikong ugnayan sa pagitan ng India at Maldives, at nagsilbing hudyat ng pagluwag ng tensyong dulot ng kampanyang “India Out” ni Muizzu at ng kanyang pagkiling sa China.

Ang India at China, na kapwa kilala bilang pinakamalalaking nagpapahiram ng pondo sa Maldives, ay patuloy na nagkukumpitensiya upang maimpluwensyahan ang kapuluang nasa isang estratehikong lokasyon.

Si Mohamed Muizzu, pangulo ng Maldives (kanan), ay kinuhaan ng reaksyon habang nagtatanim ng puno si Indian Prime Minister Narendra Modi (gitna) sa kanyang pagbisita sa Malé noong Hulyo 25. [Mohamed Afrah/AFP]
Si Mohamed Muizzu, pangulo ng Maldives (kanan), ay kinuhaan ng reaksyon habang nagtatanim ng puno si Indian Prime Minister Narendra Modi (gitna) sa kanyang pagbisita sa Malé noong Hulyo 25. [Mohamed Afrah/AFP]

Mula nang maluklok si Muizzu bilang pangulo, pinalalim ng Maldives ang ugnayan nito sa China, kabilang ang paglagda sa isang free trade agreement at ang pakikilahok sa Belt and Road Initiative (BRI).

Ang BRI ay isang programa sa pagtatayo ng imprastruktura na pinopondohan ng China upang mapadali ang pagluwas ng mga hilaw na materyales mula sa mga mahihirap na bansa patungo sa China.

Noong Enero 2024, binisita muna ni Muizzu ang China bago ang India, isang hakbang na itinuring ng mga nasa New Delhi bilang diplomatikong pagmamaliit.

Subalit sa isang Indo-Maldivian na piging noong Hulyo 25, ipinahayag ni Muizzu ang kagustuhang makipagtulungan sa India.

"Ang India ay matagal nang tumatayo bilang pinakamalapit at pinakapinagkakatiwalaang katuwang ng Maldives," aniya.

"Lubos naming pinahahalagahan ang pagiging kaibigang bansa ng India at nagpapasalamat kami sa napapanahong pagbibigay nito ng tulong sa mga panahong nangangailangan kami," dagdag niya.

'Isang malinaw na landas'

Ayon sa mga tagapagmasid, mahalaga ang pagbisita ni Modi para sa ambisyon ng India na kontrolin ang mga karagatan at mga ruta ng pagpapadala sa Indian Ocean, sa gitna ng pakikipagkarera sa karibal nito sa rehiyon, ang China.

Sa kanyang pagbisita, inihayag ni Modi ang pag-aalok ng India ng line of credit para sa Maldives na nagkakahalaga ng $565 milyon, kasama ang pagpapababa ng mga tuntunin sa pagbabayad ng mga naunang utang -- mula $51 milyon ay naging $29 milyon na lamang kada taon.

Pinasinayaan rin niya ang ilang proyekto sa imprastruktura na pinopondohan ng India, kabilang ang isang 4,000-unit na housing complex at ang bagong punong-tanggapan ng Defense Ministry.

"Nananatiling nakatuon ang India sa pagsuporta sa mga adhikain ng mga Maldivian," sabi ni Modi sa isang tweet.

"Ang pagtutulungan sa larangan ng depensa at seguridad ay simbolo ng pagtitiwala sa isa’t isa. Ang pagpapatayo ng gusali ng Defense Ministry … ay konkretong patunay ng pagtitiwala. Ito ay simbolo ng aming matatag na samahan,” ani Modi sa isang news conference sa Malé.

Sinimulan nilang talakayin ang isang posibleng kasunduan sa kalakalan, at nilagdaan ng dalawang bansa ang mga kasunduan sa pangisdaan, turismo, digital development, at pangangalagang pangkalusugan.

Ang pagbisita ni Modi ay nagbukas ng “malinaw na landas para sa kinabukasan ng ugnayan [ng Maldives at India],” ayon sa post ni Muizzu sa X matapos umalis ni Modi.

Kahinaan ng ekonomiya

Malaki ang naging papel ng kahinaan ng ekonomiya ng Maldives sa kanilang pakikipaghanay.

Sa kabila ng kanilang sektor ng luxury tourism, nahaharap ang bansa sa krisis dahil sa matinding pagkakautang. Umakyat ang kabuuang utang nito mula $3 bilyon noong 2018 hanggang $8.2 bilyon pagsapit ng 2024, at inaasahang lalampas sa $11 bilyon pagsapit ng 2029.

Karamihan sa panlabas na utang nito, na ngayo'y may kabuuang $3.4 bilyon, ay sa China at India, ayon sa iniulat ng Economic Times noong Marso.

Matindi ang pasaning pinansiyal ng Maldives. Aabot sa $600 milyon ang kailangang bayaran ng bansa sa 2025 at $1 bilyon sa 2026. Noong nakaraang Disyembre, bumaba sa mas mababa sa $65 milyon ang foreign exchange reserves nito, matapos maging negatibo nang panandalian noong Agosto.

Ang China–Maldives Free Trade Agreement, na ipinatupad noong Enero, ay nagpalala sa trade deficit ng bansa. Mahigit 97% ng kalakalang Sino-Maldivian ay mula sa China, samantalang hindi pa umaabot sa 3% ang mula sa Maldives.

"Nakabibigla ang lawak ng suliranin sa utang,” isinulat ng human rights advocate na si Dimitra Staikou sa Medium noong Marso.

"Kung walang mangyayaring makabuluhang pandaigdig na panghihimasok o debt restructuring, nanganganib ang Maldives na matulad sa kalapit nitong bansang Sri Lanka, na ngayo'y nasa sitwasyon ng sovereign default," dagdag niya.

Ang pagtanggal ng mga taripa sa 91% ng mga produkto mula China ay nagbigay ng “pribilehiyo [sa China] na kakaunti lamang ang kapalit na benepisyo, dahil sa kakaunti ring produktong iniluluwas ng bansa,” puna ni Staikou.

Estratehikong pagbabalanse

Nag-iiwan ang China ng mga palatandaan ng presensya nito sa Maldives sa pamamagitan ng malalaking proyektong pang-imprastruktura, gaya ng China-Maldives Friendship Bridge at pagpapalawak ng paliparan sa Hulhulé, na lalo pang nagpapalalim sa impluwensiya nito sa bansa.

Ang pagpapaunlad ng ugnayan nito sa Maldives ay nagdudulot ng mga kapakinabangan sa Beijing, sapagkat nakapuwesto ang Maldives sa mahahalagang ruta ng kalakalan sa Indian Ocean na dinadaanan ng karamihan sa inaangkat na langis ng China.

Sinisikap ng China na panatilihin ang mabuting ugnayan nito sa Malé upang matiyak na hindi nito mawawala ang access sa Persian Gulf, ayon sa isang brief na inilathala ng Council on Foreign Relations noong Mayo 2024.

Sa kabilang banda, gumagamit ang India ng pamamaraang nakatuon sa pagpapaunlad sa ilalim ng kanilang patakarang Neighborhood First. Nagbibigay ito ng tulong pinansyal at sumusuporta sa mga pangunahing inisyatiba, kabilang ang The Greater Malé Connectivity Project, ang pinakamalaking plano sa imprastruktura sa bansa, ayon sa ulat.

Bagama’t noong una ay sinikap ni Muizzu na bawasan ang pag-asa sa India para sa mahahalagang kagamitan at serbisyo, sa mga nagdaang buwan ay pinaiigting na ng kanyang pamahalaan ang pakikipag-ugnayan sa New Delhi.

Maging ang turismo ay naging punto ng tensyon. Matapos unahin ni Muizzu ang Beijing, inihayag ni Modi sa publiko ang Lakshadweep Islands ng India bilang isang destinasyong panturista.

Ang naging bunga nito ay ang biglaang pagbagsak ng bilang ng mga booking mula sa mga turistang Indian patungong Maldives. Naitala ang pagbaba ng 33%, isang malaking dagok para sa ekonomiyang umaasa ng halos 30% ng GDP mula sa turismo.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *