Seguridad

Australia, hinihimok ng think tank na gumamit ng 'di-pangkaraniwang' paraan laban sa China at Russia

Kailangang ng Australia ng mga taktikang gerilya at di-pantay na pakikidigma laban sa mas malalaking populasyon ng China at Russia, ayon sa isang pag-aaral.

Makikita rito ang pabalat ng espesyal na ulat ng Australian Strategic Policy Institute (ASPI) na inilabas noong Oktubre 15, na naglalahad ng mga rekomendasyon para sa estratehiya ng Australia sa depensa, kabilang na ang pangangailangan ng 'di-pangkaraniwang pagpigil' sa mga lumalaking bantang pandaigdig. [ASPI]
Makikita rito ang pabalat ng espesyal na ulat ng Australian Strategic Policy Institute (ASPI) na inilabas noong Oktubre 15, na naglalahad ng mga rekomendasyon para sa estratehiya ng Australia sa depensa, kabilang na ang pangangailangan ng 'di-pangkaraniwang pagpigil' sa mga lumalaking bantang pandaigdig. [ASPI]

Ayon sa AFP at Focus |

SYDNEY -- Dapat matuto ang Australia mula sa mga nakaraang pag-aalsang gerilya at magpatupad ng mga patakaran ng "di-pangkaraniwang pagpigil" sa pagharap sa mga banta mula sa China , Russia, at iba pang panig ng mundo, ayon sa isa sa mga nangungunang think tank ng bansa sa isang ulat na inilabas noong Oktubre 15 .

Ang Australia ay may populasyong 27 milyon lamang, kumpara sa 1 bilyon ng China at 140 milyon ng Russia.

Inilabas ng Australian Strategic Policy Institute (ASPI) ang ulat noong Oktubre 15, dahil sa matagal pang paghihintay ng Australia sa mga submarine na binili nito.

Sa ilalim ng tripartite na kasunduan ng AUKUS kasama ang United States at United Kingdom, makakakuha ang Australia ng hindi bababa sa tatlong Virginia-class na submarine mula sa United States sa loob ng 15 taon, na sa kalaunan ay balak din gumawa ng sarili nitong submarine.

Samantala, nahaharap ang Canberra sa malaking kakulangan sa depensa nito, babala ng ulat ng walang kinikilingang ASPI, na tumatanggap ng pondo mula sa defense ministry ng Canberra pati na rin sa US State Department.

"Ang nakagawiang pag-asa ng Australia sa mga 'mahuhusay at makapangyarihang kaibigan' at sa kanilang pinalawig na pananakot ng nuklear ay tila hindi na garantisado," ayon sa mga may-akda.

"May mga pagpipilian ang Australia upang punan ang kasalukuyang kakulangan sa pagpigil: kailangan lang nating tumingin sa iba pa, bukod sa mga pangkaraniwang paraan," sabi nila.

Masyadong maliit para sa mga tuwirang pagtutuos

Bagama’t batid ng ASPI ang "kahinaan" ng Australia (sa bilang) laban sa mga higanteng katunggali tulad ng China, sinabi nitong ipinakita ng mga nakaraang gerilyang digmaan gaya ng paghihimagsik ng mga Chechen laban sa Russia noong 1990s na kaya ng mga mas maliit na grupo na magdulot ng matinding pinsala sa mas malalaking kalaban.

"Ipinapakita ng kasaysayan na ang mga makabagong konsepto at di-pantay na kakayahan ay maaaring gamitin upang makamit ang pagpigil bago at habang nagaganap ang labanan," ayon sa mga may-akda.

"Ang mga konsepto ng pagpigil ng Australia ay hindi tumutugon sa mga uri ng kompetisyon na kasalukuyang isinasagawa ng China at ng iba pang mga rehimeng awtokratiko tulad ng Russia, North Korea, at Iran," babala nila.

Tinukoy ng ASPI ang lumalawak na paggamit ng Beijing ng tinatawag na mga "gray-zone" tactics -- tulad ng cyber warfare, pamimilit at subersiyon na hindi maituturing na tuwirang digmaan -- bilang patunay na kailangan ng Australia ng patakarang maayos at maaaring baguhin upang tumugon ayon sa sitwasyon.

Maging isang porcupine o isang nakalalasong hipon

Ayon sa ASPI, maaaring matuto ang Canberra mula sa paglalarawan ni dating pinuno ng Singapore na si Lee Kuan Yew sa kanilang lungsod-estado bilang isang “nakalalasong hipon,” gayundin sa mga estratehiyang “porcupine” ng Switzerland at ng mga bansang Baltic.

Nananawagan ang ASPI na ibalik ang posisyon ng National Security Adviser na may malawak na kapangyarihan at awtoridad sa mga ahensya ng paniniktik ng Canberra, pati na rin ang mga reporma sa mga batas hinggil sa paniniktik at depensa upang maisakatuparan ang mga bagong patakaran.

Upang matugunan ang kakulangan nito sa kompetisyon, dapat matuto ang Australia mula sa mga aral ng estratehiya sa kasaysayan at suportahan ang mga pagsisikap sa depensa ng rehiyon. Ang mga hakbang na iyon ay nangangailangan ng pagbabago sa patakarang pangrehiyon ng Australia, gaya ng binanggit sa papel ng ASPI: "Ang estratehikong saligan para sa di-pangkaraniwang pagpigil ay ang pangangailangang paunlarin ang seguridad kasama ang Asia ... sa halip na seguridad laban sa Asya… o sa loob ng Asia.”

Ang Australia ay nagsasagawa ng mabilis na pagpapalakas ng militar upang patatagin ang depensa nito laban sa China, na siyang pinakamalaking kasosyo nito sa kalakalan.

Plano ng Canberra na unti-unting taasan ang ginagastos nito para sa depensa hanggang 2.4% ng gross domestic product, na malayo pa rin sa hinihinging 3.5% ng US.

Ang AUKUS submarine program pa lamang ay maaaring umabot ng gastos sa bansa ng hanggang 368 bilyong AUD ($239 bilyon) sa susunod na 30 taon, batay sa mga prediksyon ng pamahalaan ng Australia.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *