Agham at Teknolohiya

TSMC, sinimulan ang mass production ng 2nm chips

Ipinakita ng higanteng kumpanya sa Taiwan sa paggawa ng chip na TSMC ang kahalagahan nito sa buong mundo, sa kabila ng patuloy na pagbabanta ng Tsina na salakayin ang isla.

Ipinapakita sa litratong ito na kuha noong Enero 29, 2021 ang isang lalaki na naglalakad sa harap ng punong-tanggapan ng higanteng kumpanya ng Taiwan sa paggawa ng chip na TSMC sa Hsinchu. Ayon sa isang pahayag ng kumpanya noong Disyembre, sinimulan na nito ang malawakang produksyon ng kanilang makabagong 2nm semiconductor chips. [Sam Yeh/AFP]
Ipinapakita sa litratong ito na kuha noong Enero 29, 2021 ang isang lalaki na naglalakad sa harap ng punong-tanggapan ng higanteng kumpanya ng Taiwan sa paggawa ng chip na TSMC sa Hsinchu. Ayon sa isang pahayag ng kumpanya noong Disyembre, sinimulan na nito ang malawakang produksyon ng kanilang makabagong 2nm semiconductor chips. [Sam Yeh/AFP]

Ayon sa AFP at Focus |

TAIPEI -- Ang Taiwanese tech giant na TSMC ay nagsimula na ng malawakang produksyon ng kanilang makabagong 2-nanometer (2nm) semiconductor chips, ayon sa pahayag ng kumpanya noong Disyembre.

Ang TSMC ang pinakamalaking kontratang gumagawa ng chips sa buong mundo, na ginagamit sa lahat mula sa mga smartphone hanggang sa mga missile, at kabilang sa mga kliyente nito ang Nvidia at Apple.

"Sinimulan na ang malakihang produksyon ng 2nm (N2) technology ng TSMC noong 4Q25 [ikaapat na quarter ng 2025] ayon sa plano," ayon sa isang walang petsang pahayag ng TSMC sa kanilang website.

Ayon sa kumpanya, ang mga chip ay magiging "pinakamakabagong teknolohiya sa industriya ng semiconductor pagdating sa dami ng circuit at tipid sa kuryente."

Ipinapakita sa isang ilustrasyon ang A14 chip technology ng TSMC na may NanoFlex architecture, na inilabas noong 2025 at layong palakasin ang performance ng AI at kahusayan sa paggamit ng enerhiya, na nakatakdang magsimula ng malawakang produksyon bandang 2028. [Website ng TSMC]
Ipinapakita sa isang ilustrasyon ang A14 chip technology ng TSMC na may NanoFlex architecture, na inilabas noong 2025 at layong palakasin ang performance ng AI at kahusayan sa paggamit ng enerhiya, na nakatakdang magsimula ng malawakang produksyon bandang 2028. [Website ng TSMC]

"Ang N2 technology, na may nangungunang nanosheet transistor structure, ay may mataas na performance at power benefits upang matugunan ang tumataas na pangangailangan para sa mas mabibilis at malalakas na chip, pero tipid sa kuryente."

Mas mabilis at mas tipid sa kuryente ang mga makabagong 2nm chip kumpara sa mga nakaraang henerasyon, at iba ang kanilang design para magkasya ang mas marami pang pangunahing bahagi na tinatawag na transistor.

Ayon sa US computing giant na IBM, makakatulong ang teknolohiyang ito para pabilisin ang mga laptop, bawasan ang carbon footprint ng mga data center, at mas mabilis makita ng mga self-driving car ang mga bagay."

Sistema ng AI

Para sa artificial intelligence (AI), "parehong nakikinabang dito ang mga consumer device -- na nagpapabilis at nagpapahusay ng AI sa mismong device -- at ang mga AI chip sa data center, na mas epektibong nakakapagpatakbo ng malalaking modelo," sabi ni Jan Frederik Slijkerman, senior sector strategist sa Dutch bank na ING.

Ang mga chips ay gagawin sa pasilidad ng TSMC na "Fab 20" sa Hsinchu at sa "Fab 22" sa Kaohsiung.

Ayon kay Slijkerman, ang paggawa ng 2nm chips, na pinakabago sa industriya, ay "napakahirap at napakamahal," na nangangailangan ng "mga makabagong lithography machine, malalim na kaalaman sa proseso ng produksyon, at malaking puhunan."

Iilan lang na kumpanya ang may kakayahang gumawa nito. Bukod sa TSMC, gumagawa rin ng 2nm chips ang Samsung sa South Korea at Intel sa US.

Pero nangunguna pa rin ang TSMC, habang ang dalawa ay "nasa stage pa ng pagpapabuti ng produksyon" at wala pang malalaking kliyente, ayon kay Joanne Chiao, analyst ng TrendForce.

Higit sa kalahati ng mga semiconductor sa buong mundo, at halos lahat ng pinakamodernong mga chip na ginagamit sa AI technology, ay gawa sa Taiwan.

Nakinabang nang husto ang TSMC sa pagdami ng investment sa AI, habang ang mga kumpanyang tulad ng Nvidia at Apple ay naglalaan ng bilyun-bilyong dolyar sa mga chip, server, at data center.

Ayon sa US research firm na Gartner, patuloy na tumataas ang gastusin para sa AI sa buong mundo at inaasahang aabot sa humigit-kumulang $1.5 trilyon sa 2025 at tataas pa ito sa mahigit $2 trilyon sa 2026, halos 2% ng GDP ng buong mundo.

Estratehikong panangga

Matagal nang itinuturing ang pangunguna ng Taiwan sa industriya ng chip bilang isang "silicon shield" na nagpoprotekta rito mula sa posibleng pananakop o blockade ng Tsina, na inaangkin ang isla bilang teritoryo nito. Nagsisilbi rin itong mahalagang dahilan para ipagtanggol ng Estados Unidos ang isla.

Hindi laging madali para sa TSMC ang proseso sa paggawa ng maraming 2nm chips.

Noong Agosto, inakusahan ng mga prosecutor sa Taiwan ang tatlong suspek na nagnakaw ng mga trade secret tungkol sa 2nm chips para tulungan ang Tokyo Electron, isang kumpanya sa Japan na gumagawa ng kagamitan para sa TSMC.

"Kasama sa kasong ito ang mga kritikal na pangunahing teknolohiya na mahalaga sa panustos ng industriya ng Taiwan," ayon sa tanggapan ng mga high prosecutor noong panahong iyon.

Kasama rin sa usapin ang geopolitics at mga trade war.

Ayon sa ulat ng Nikkei Asia noong nakaraang summer, hindi gagamit ang TSMC ng kagamitang mula sa Tsina sa paggawa ng 2nm chips para maiwasan ang posibleng pagkaantala mula sa mga restriksyon ng US.

Ayon sa TSMC, plano nitong pabilisin ang produksyon ng 2nm chips sa Estados Unidos, na kasalukuyang nakatakdang magsimula "sa pagtatapos ng dekada."

Kasabay nito, ang banta ng pag-atake ng Tsina ay nagpalala ng mga pangamba sa posibleng pagkaantala ng mga pandaigdigang supply chain at nagpatindi ng pangangailangan na palawakin ang produksyon ng chips sa labas ng Taiwan.

Pinalibutan ng mga jet fighter at barkong pandigma ng China ang Taiwan noong nakaraang linggo sa isinagawang live-fire drills na layong magsanay ng blockade sa mga pangunahing daungan ng demokratikong isla at pag-atake sa mga target sa dagat.

Kinondena ng Taipei ang dalawang araw na pagsasanay at sinabing "lubhang nakakagalit at walang ingat" at sinabi ring hindi nito naipatupad ang blockade.

Namuhunan ang TSMC sa mga pasilidad ng paggawa ng chip sa Estados Unidos, Japan, at Germany para matugunan ang tumataas na pangangailangan sa buong mundo.

Ngunit sinabi ni Taiwanese Deputy Foreign Minister Francois Chih-chung Wu sa isang panayam sa AFP noong Disyembre, na plano ng Taiwan na patuloy na gumawa ng "pinakamakabagong" chips sa sariling bansa at manatiling "mahalaga" sa industriya ng semiconductor buong mundo.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link