Seguridad

Japan nakatuklas daw ng rare earth sa deep-sea mission

Isang barkong inatasang bawasan ang pagdepende ng Japan sa rare earth ng Tsina ang nakatuklas ng mahalagang deposito sa lalim na 6,000 metro, ayon sa Tokyo. Ang matagumpay na pagmimina ay makapagpapahina sa isang paboritong sandatang pang-ekonomiya ng Tsina.

Ang deep-sea drilling vessel ng Japan, ang Chikyu, ay makikita sa daungan ng Shimizu, prefektura ng Shizuoka, Setyembre 11, 2013. Sinabi ng gobyerno ng Japan noong Pebrero 2 na isang test mission ang nakakuha ng sediment na may rare earth mula sa lalim na 6,000 metro habang nilalayon nitong pigilan ang pagdepende sa Tsina. [Toshifumi Kitamura/AFP]
Ang deep-sea drilling vessel ng Japan, ang Chikyu, ay makikita sa daungan ng Shimizu, prefektura ng Shizuoka, Setyembre 11, 2013. Sinabi ng gobyerno ng Japan noong Pebrero 2 na isang test mission ang nakakuha ng sediment na may rare earth mula sa lalim na 6,000 metro habang nilalayon nitong pigilan ang pagdepende sa Tsina. [Toshifumi Kitamura/AFP]

Ayon sa AFP |

TOKYO -- Nakakuha ang Japan ng sediment na naglalaman ng rare earth mula sa lalim ng karagatan na 6,000 metro sa isang test mission ng Japan, ayon sa gobyerno ng Japan noong Pebrero 2, habang sinisikap nitong bawasan ang pagdepende sa Tsina para sa mahahalagang mineral.

Ayon sa Japan, ang misyon ang unang pagtatangka sa buong mundo na makakuha ng rare earth mula sa kailaliman ng dagat sa ganitong lalim.

"Susuriin pa ang mga detalye, kabilang na ang eksaktong dami ng rare earth na nilalaman ng sample," ayon kay government spokesman Kei Sato, na tinawag itong "makabuluhang tagumpay kapwa sa aspeto ng seguridad sa ekonomiya at komprehensibong pag-unlad sa karagatan."

Nakolekta ang sample ng isang deep-sea scientific drilling boat na tinatawag na Chikyu, na naglayag noong Enero patungong malayong isla ng Minami Torishima sa Pasipiko, kung saan may posibilidad na naglalaman ang nakapalibot na tubig ng mayamang deposito ng mahahalagang mineral.

Nangyayari ito habang pinaiigting ng Tsina -- ang pinakamalaking supplier ng rare earth sa buong mundo -- ang pressure laban sa karatig-bansa, matapos ipahayag ni Punong Ministro Sanae Takaichi noong Nobyembre na maaaring tumugon ang Tokyo sa pamamagitan ng militar sa isang pag-atake sa Taiwan. Nangako ang Beijing na sasakupin ang islang may demokratikong pamahalaan gamit ang puwersa kung kinakailangan.

Ipinagbawal ng Beijing ang pag-export sa Japan ng mga “dual-use” na produkto na maaaring magamit sa militar, na nagdudulot ng pangamba sa Japan na maaari nitong hadlangan ang supply ng rare earth, na ilan sa mga ito ay kabilang sa listahan ng Tsina ng naturang mga kalakal.

Ang mga rare earth -- 17 uri ng metal na mahirap kunin mula sa crust ng Earth -- ay ginagamit sa lahat mula sa mga de-kuryenteng sasakyan hanggang sa mga hard drive, wind turbine at missile.

Ang lugar sa paligid ng Minami Torishima, na nasa katubigang pang-ekonomiya ng Japan, ay tinatayang naglalaman ng mahigit 16 milyong tonelada ng rare earths, na ayon sa pahayagang pang-negosyo na Nikkei, ito ang pangatlong pinakamalaking reserba sa buong mundo.

Ang mayamang deposito ay tinatayang naglalaman ng sapat na dysprosium para sa 730 taon, na ginagamit sa mga matitibay na magnet sa mga phone at de-kuryenteng sasakyan, at sapat naman na yttrium para sa 780 taon, na ginagamit sa mga laser, ayon sa Nikkei.

Mga alalahanin sa kalikasan

Ngunit ang deep-sea mining ay nagbabantang sirain ang ecosystem ng dagat at makakaapekto sa ilalim ng dagat, ayon sa mga environmentalist,.

Isinusulong ng International Seabed Authority, na may hurisdiksyon sa ilalim ng dagat na nasa labas ng pambansang karagatan, ang pagpapatibay ng isang pandaigdigang patakaran para pangasiwaan ang pagmimina sa malalalim na bahagi ng karagatan.

Gayunpaman, isinagawa ang test mission ng Japan sa loob ng teritoryal na katubigan ng bansa.

"Kung matagumpay na makakakuha ang Japan ng mga rare earth sa paligid ng Minami Torishima nang palagian, masisiguro nito ang domestic supply chain para sa mga pangunahing industriya," sinabi ni Takahiro Kamisuna, research associate sa International Institute for Strategic Studies, sa AFP.

"Gayundin, magiging mahalagang estratehikong asset ito para sa pamahalaan ni Takaichi upang mabawasan nang malaki ang pagdepende ng supply chain sa Tsina.”

Matagal nang ginagamit ng Beijing ang kalamangan nito sa rare earth para sa pampulitikang kapangyarihan, kabilang na ang trade war nito sa Washington.

Halos two-third ng produksyon ng pagmimina ng rare earth ay mula sa Tsina, at umaabot sa 92 porsiyento ng pandaigdigang refined output, ayon sa International Energy Agency.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link