Ayon kay Zarak Khan |
Ang lumalaking impluwensya ng Tsina sa Bangladesh, kabilang ang mga proyektong malapit sa sensitibong hilagang-silangang koridor ng India, ay tumutulak sa papasok na pamahalaan ng Dhaka sa maselang pagbalanse sa geopolitika.
Itinuloy ng pansamantalang pamahalaan ng Bangladesh ang mga bagong kasunduan sa Tsina malapit sa border ng Bangladesh at India, isang hakbang na ikinababahala ng New Delhi at lalong nagpapatindi ng tensyon sa rehiyon.
Ang mga pangyayari ay nagaganap sa gitna ng sensitibong transisyon ng bagong pamunuan ng Bangladesh kasunod ng Pebrero 12 na halalan. Nagwagi ang Bangladesh Nationalist Party (BNP) sa pamumuno ni Tarique Rahman, na agad bumuo ng bagong gobyerno makalipas ang ilang araw.
Nahaharap ito sa isang maagang pagsubok sa patakarang panlabas habang sinusubukan nitong pamahalaan ang mga inaasahan ng India at Tsina nang hindi naiipit samatinding hidwaan sa pagitan ng dalawang pinakamalakas na bansa sa Asya.
![Binisita noong Enero ni Chinese Ambassador to Bangladesh Yao Wen (ikalawa mula sa kanan) ang Teesta River project site. Patuloy na nababahala ang India sa partisipasyon ng Tsina sa estratehikong proyektong ito malapit sa hangganan ng India at Bangladesh. [Chinese embassy in Bangladesh/Facebook]](/gc9/images/2026/02/24/54774-focus_photo_2-370_237.webp)
Noong Enero 27, lumagda ng kasunduan ang Bangladeshi air force sa China Electronics Technology Group Corporation International (CETC), isang kumpanya ng defense electronics na pag-aari ng estadong Tsina, upang itayo ang planta para sa paggawa ng mga unmanned aerial vehicle sa Bangladesh, ayon sa isang anunsyong militar sa X.
Kasama sa pasilidad ang paglilipat ng teknolohiya na inaasahang "susuporta sa mga operasyong militar … at mga misyon sa pagtugon sa sakuna," ayon sa pahayag.
Ikinababahala ng mga opisyal ng India ang planong pagtatayo ng pasilidad sa distrito ng Chittagong, isang teritoryong dati nang nakalaan para sa industriya ng India.
Sa lapit ng Chittagong sa hilagang-silangan ng India at sa Bay of Bengal, ang pagtatayo ng pabrika ng drone doon kasama ang Tsina ay direktang banta sa estratehiko at ekonomikong interes ng New Delhi, ayon sa pananaw ng India.
Noong Enero, binisita ni Chinese Ambassador to Bangladesh Yao Wen ang lugar ng Teesta River Comprehensive Management and Restoration Project, na pinag-uusapan ng Bangladesh at Beijing. Masusing binabantayan ng mga opisyal ng India ang partisipasyon ng Tsina sa sensitibong proyekto sa tubig malapit sa hangganan ng Bangladesh at India. Humigit-kumulang 10 milyong Indian at 30 milyong Bangladeshi ang naninirahan sa paligid ng ilog.
Noong nakaraang taon, nakakuha ang Tsina ng humigit-kumulang $400 milyong kasunduan para imoderno ang daungan ng Mongla sa Bangladesh, na nagbibigay sa Beijing ng isa pang foothold sa Bay of Bengal, isang rehiyon na itinuturing ng India na kritikal sa seguridad nito.
Nabahala ang India
Itinuturing ng mga mambabatas ng India ang mga kasunduang Dhaka-Beijing bilang bahagi ng estratehiya ng Tsina na palibutan ang India. Nababahala sila sa mga banta sa seguridad malapit sa kanilang sensitibong hilagang-silangang koridor at sa 4,096 kilometrong hangganan ng India at Bangladesh.
Ang hilagang-silangang koridor ang tanging daanang panlupa na nag-uugnay sa mainland ng India at walong estado sa hilagang-silangang India.
Binibigyang-kahulugan ng New Delhi ang mga kasunduang ito bilang "bahagi ng isang malawakang plano ng Beijing na pumasok sa mga ekosistemang militar ng mga karatig-bansa sa pamamagitan ng imprastraktura, paglilipat ng teknolohiya, at mga pasilidad sa produksyon," iniulat ng Indian outlet Firstpost noong Enero 28.
Mula nang mapatalsik ang dating lider ng Bangladesh na si Sheikh Hasina noong 2024, ang mga kumpanyang Tsino ay nagbigay na ng daan-daang milyong dolyar na pondo sa Bangladesh, iniulat ng Reuters noong Pebrero 6.
Tumindi ang pagkabahala ng India mula noong malawakang protesta sa Bangladesh noong 2024, nang tumakas patungong India si Hasina, na malawakang itinuring kaalyado ng New Delhi. Ang pagpapatalsik sa kanya ay nagdulot ng lamat sa ugnayan ng India at Bangladesh. Kaugnay nito, ang pagkupkop ng India kay Hasina ay ikinagalit ng pansamantalang pamahalaan ng Bangladesh noong 2024-2026.
Paglapit ng Dhaka sa Tsina
Ang pansamantalang administrasyong iyon, sa pamumuno ng Nobel laureate na si Muhammad Yunus, ay masiglang nakipag-ugnayan sa Tsina at Pakistan sa loob ng isa't kalahating taon nitong panunungkulan.
Pinili ni Yunus na unang bumisita sa Tsina sa halip na sa India, kung saan nakaseguro siya ng $2.1 bilyon na pautang, pamumuhunan, at tulong. Ipinakita ng kanyang paglalakbay anglumalaking impluwensya ng Beijing sa landas ng pag-unlad ng Bangladesh.
“Patuloy na pinalalakas ng Tsina ang impluwensya nito kapwa sa harapan at sa likod ng eksena, at nakikinabang sa krisis sa ugnayang India-Bangladesh,” sinabi ni Constantino Xavier, isang senior fellow sa New Delhi think tank Center for Social and Economic Progress, sa Reuters.
Ang Bangladesh ngayon ay naging "sentral sa estratehikong pag-iisip ng Tsina hinggil sa Bay of Bengal, at lumalakas ang kumpyansa ng Tsina na gagampanan ng Bangladesh ang pro-Tsina na papel sa estratehiyang ito," sinabi ni Joshua Kurlantzick, isang senior fellow sa Council on Foreign Relations na nakabase sa US, sa AFP noong Pebrero 8.
Pagbabalanse ng Dhaka
Para sa papasok na pamahalaan ng Bangladesh, isang mahirap na gawain sa pagbabalanse ang naghihintay. Ngunit ang India ay nananatiling imposibleng balewalain sa Dhaka.
Kasunod ng tagumpay ng BNP sa halalan noong Pebrero 12, ang patakarang panlabas ay mahigpit na gagabayan ng "mas malaking interes ng Bangladesh at ng mga mamamayan nito" sa mga pakikipag-ugnayan sa Tsina, India, at Pakistan, sinabi ni Rahman ng BNP sa mga reporter.
Ang pagpapaigting ng ugnayan sa Beijing ay hindi pagtalikod sa New Delhi, dahil nananatiling lubos na umaasa ang Bangladesh sa India pagdating sa kalakalan, konektibidad, at panrehiyong katatagan, ayon sa mga analyst sa Dhaka.
"Kailangan ng Bangladesh ang parehong Tsina at India, at dapat itong tingnan sa praktikal na pananaw," sinabi ni Lailufar Yasmin, isang propesor ng international relations sa Dhaka University, sa Reuters.
"Habang maaaring bumuti ang ugnayan sa Tsina, anumang partido na uupo sa kapangyarihan ay hindi mangangahas na maging pabaya para balewalain ang India," dagdag niya.
![Naglagda ng kasunduan noong Enero 27 ang mga opisyal ng Bangladeshi air force at China Electronics Technology Group Corporation International para itayo ang isang pabrika ng drone sa Bangladesh. [Defense Research Forum/X]](/gc9/images/2026/02/24/54773-photo_1-370_237.webp)