Ayon sa AFP at Focus |
TAIPEI, Taiwan -- Ang paparating na pagbisita sa Tsina ng lider ng oposisyon sa Taiwan na si Cheng Li-wun, ay nagdulot ng magkakahalong reaksyon sa loob ng bansa, habang nagbabala ang mga kritiko tungkol sa mga panganib sa politika at itinuturing naman ito ng mga tagasuporta bilang hakbang patungo sa katatagan.
Pangungunahan ni Cheng ang isang delegasyon ng Kuomintang (KMT) patungong Tsina sa Abril 7 -- ang kauna-unahang pagbisita ng isang kasalukuyang chairperson ng partido mula noong 2016 -- kung saan inaasahan niyang makipagpulong kay Chinese President Xi Jinping.
Minsang naging masigasig na tagapagtaguyod ng kalayaan ng Taiwan, ngayon ay nakikita ni Cheng ang kanyang sarili bilang tagapagtatag ng kapayapaan sa pamumuno ng pinakamalaking partido-oposisyon nito.
Ang 56 taong gulang na dating talk show host at mambabatas ay yumanig sa politika ng Taiwan mula sa kanyang hindi inaasahang pag-akyat noong nakaraang Nobyembre sa tuktok ng Kuomintang (KMT), na matagal nang nagtataguyod ng mas malapit na ugnayang pang-ekonomiya at mga palitang kultural sa Beijing. Hayagang binati ni Xi si Cheng sa kanyang tagumpay noong panahong iyon, na nagpatibay sa maagang pag-endorso ng Beijing sa kanyang pamumuno.
![Si Cheng Li-wun kasama ang mga lion dance performer sa isang Lunar New Year gathering sa Kuomintang Party (KMT) headquarters sa Taipei noong Pebrero 22. [Cheng Li-wun/Facebook]](/gc9/images/2026/04/06/55453-641338166_1442945350527516_3680743766700791489_n-370_237.webp)
Inakusahan sa pagiging labis na pabor sa Tsina
Inaakusahan si Cheng ng mga kritiko, pati na sa loob ng KMT, ng pagiging masyadong pabor sa Tsina, na ummangkin sa Taowan bilang bahagi ng teritoryo nito at nagbantang gagamit ng puwersa upang makuha ito.
May ilan sa KMT na nag-aalala na ang kanyang malakas at madalas na pagpapahayag, na kadalasan ay tumutugma sa tono ng Beijing, ay maaaring manakot sa mga botanteng nasa gitnang posisyon sa lokal na halalan ngayong taon at sa halalan ng pagkapangulo sa 2028, at magpahina sa ugnayan sa Estados Unidos -- ang pangunahing tagapagtaguyod ng seguridad ng Taiwan.
Sa isang panayam kamakailan sa mga dayuhang media, sinabi ni Cheng na ang pag-uusap kay Xi ay may "makabuluhang simbolikong kahulugan" at maaaring maging "pundasyon" para sa mapayapang ugnayan sa buong Taiwan Strait.
Paglipat ng paninindigan
Lumaki si Cheng sa isang nayon para sa mga miyembro ng pwersa ng KMT at kanilang mga pamilya, marami sa kanila ang tumakas patunong Taiwan matapos matalo ang KMT sa Chinese civil war laban sa mga gerilyang Komunista noong 1949.
Sa kabila ng kanyang pinagmulan, naging matinding kritiko si Cheng sa KMT noong kanyang kabataan. Isa siyang estudyanteng aktibista at miyembro ng Democratic Progressive Party (DPP), at masigasig na nangampanya para sa kalayaan ng Taiwan.
Umalis siya sa DPP matapos mawalan ng tiwala dahil sa hidwaan sa loob ng partido at matuklasang “isang kasinungalingan ang kalayaan ng Taiwan.”
Noong 2005, sumali siya sa KMT.
Malawakang itinuturing na hindi inaasahang kandidato sa nakaraang halalan para sa chairperson ng KMT si Cheng dahil sa kanyang mga posisyon tungkol sa Tsina, na higit sa nakasanayan ng maraming miyembro, at ginulat niya ang pamunuan ng partido nang talunin niya ang kanyang mga lalaking karibal.
Agad na nangako si Cheng na pag-isahin ang partido at "gawing mas mabuti at mas matatag ang ating bayan."
Nagdulot ng kontrobersiya si Cheng dahil sa kanyang matatapang na pahayag, kung saan idineklara niyang dapat ipagmalaki ng mga Taiwanese ang kanilang pagka-Tsino at iginigiit na hindi diktador si Pangulong Vladimir Putin ng Russia.
Lumabas ang kanyang mga pahayag sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng Taiwan at Tsina. Halos araw-araw na nagpapadala ang Tsina ng mga fighter jet at warship sa paligid ng Taiwan at regular na nagsasagawa ng malalaking pagsasanay militar.
Isang matinding kritiko ni Pangulong Lai Ching-te, na miyembro ng DPP, mariing tinututulan ni Cheng ang plano ng pamahalaan na dagdagan ang paggasta sa depensa at bumili ng mas maraming armas na gawang US, habang ang Parlamento, na kontrolado ng oposisyong pinangungunahan ng KMT, ay hinarang ang panukala.
Sinabi ng DPP na sinusunod niya ang utos ng Beijing sa pamamagitan ng pag-antala sa mga plano ng partido.
Estratehiya ng Beijing
"Kung mapayapa at matatag ang ugnayan ng Taiwan at Tsina, hindi natin kailangan ang walang saysay na karera sa armas," sinabi ni Cheng sa AFP.
Ayon sa mga analyst, sinusubukan ng Beijing na ipakita na "hindi tuluyang isusuko ang Taiwan sa Estados Unidos" sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga oposisyon tulad ni Cheng.
Bukod dito, nakikita ng Beijing ang pangangailangang “iligtas si Cheng Li-wun” mula sa posibleng tunggalian para sa kapangyarihan sa loob ng KMT, sinabi ng dating tagapayo ng KMT na si Albert Tzeng sa AFP.
Naputol ang mataas na antas ng komunikasyon sa pagitan ng Taiwan at Tsina mula pa noong 2016, nang ihinto ng Beijing ang opisyal na ugnayan matapos mahalal ang dating Pangulo at miyembro ng DPP na si Tsai Ing-wen. Ang matagal na tensiyon ay nagbibigay ng karagdagang kabuluhan sa planong pagbisita ni Cheng.
![Dumalo si Cheng Li-wun (gitna) sa flag-raising ceremony ng Bagong Taon bilang paggunita sa ika-115 anibersaryo ng Republic of China (Taiwan) sa Presidential Office sa Taipei noong Enero 1. [Cheng Li-wun/Facebook]](/gc9/images/2026/04/06/55452-607960276_1401409748014410_5663952050358723511_n-370_237.webp)