Pulitika

Magkakaisa ang mga Chinese at Taiwanese, sabi ni Xi sa lider ng oposisyon ng Taiwan

Ang pagbisita ni Cheng Li-wun sa Beijing ay nagpapakita ng pagiging malapit sa pananaw ng Tsina, bagay na ikinabahala ng kanyang mga kritiko sa Taiwan.

Nakipagkamay si Cheng Li-wun, ang unang lider ng oposisyon ng Taiwan na bumisita sa Beijing sa loob ng isang dekada, kay Chinese Communist Party General Secretary Xi Jinping sa Beijing noong Abril 10. [China Central Television]
Nakipagkamay si Cheng Li-wun, ang unang lider ng oposisyon ng Taiwan na bumisita sa Beijing sa loob ng isang dekada, kay Chinese Communist Party General Secretary Xi Jinping sa Beijing noong Abril 10. [China Central Television]

Ayon sa AFP at Focus |

BEIJING -- Tinanggap ni Chinese President Xi Jinping ang lider ng partidong oposisyon ng Taiwan na si Cheng Li-wun sa Beijing noong Abril 9, at sinabi sa delegasyon nito na mayroon siyang "ganap na tiwala" na magkakaisa ang mga Taiwanese at Chinese.

Si Kuomintang (KMT) Party chairwoman Cheng ang unang lider ng KMT na bumisita sa Tsina sa loob ng isang dekada. Ang kanyang pagbisita ay nagpasiklab ng debate sa Taiwan, kung saan binabatikos siya ng kanyang mga kritiko sa pagiging masyadong pabor sa Beijing.

Pinutol ng Tsina ang mataas na antas ng ugnayan sa Taiwan noong 2016 matapos manalo sa pagkapangulo si Tsai Ing-wen ng Democratic Progressive Party (DPP) at tinanggihan ang pahayag ng Beijing na ang isla na may sariling pamamahala ay bahagi ng teritoryo nito.

Ang KMT ang nangunguna sa koalisyon ng oposisyon na may kontrol sa parlamento. Sinusuportahan nito ang mas malapit na ugnayan sa Tsina.

Ipinakita sina Taiwanese Kuomintang Party leader Cheng Li-wun at Chinese Communist Party General Secretary Xi Jinping habang nagpupulong sa Beijing nitong Abril 10, sa unang pagbisita sa Tsina ng isang lider ng oposisyon ng Taiwan sa loob ng isang dekada. [Li Xiang/Xinhua via AFP]
Ipinakita sina Taiwanese Kuomintang Party leader Cheng Li-wun at Chinese Communist Party General Secretary Xi Jinping habang nagpupulong sa Beijing nitong Abril 10, sa unang pagbisita sa Tsina ng isang lider ng oposisyon ng Taiwan sa loob ng isang dekada. [Li Xiang/Xinhua via AFP]

Pahayag ukol sa pagkakaisa

Sa kanyang pakikipag-usap kay Cheng, ipinahayag ni Xi na "hindi magbabago ang direksyon kung saan ang mga kababayan sa magkabilang panig ay lalo pang nagiging malapit at nagkakaisa. ... Lubos kaming naniniwala rito."

"Hinding-hindi papahintulutan" ng Beijing ang kasarinlan ng Taiwan, sabi ni Xi, ayon sa Reuters.

Iginigiit ng Tsina na ang Taiwan ay bahagi ng teritoryo nito at nagbantang sasakupin ito. Nagpapadala ang Tsina ng mga fighter jet at barkong pandigma malapit sa isla halos araw-araw at nagsasagawa ng regular na malakihang pagsasanay militar.

"Kinakailangan ng magkabilang panig na ... humanap ng sistematikong solusyon upang mapigilan at maiwasan ang digmaan, para maging modelo ang Taiwan Strait ng mapayapang resolusyon ng tunggalian sa buong mundo," ani Cheng.

Kapansin-pansin na hindi binanggit ni Cheng ang "Republika ng Tsina" o "Taiwan" sa kanyang pakikipagpulong kay Xi.

Bilang tugon, sinabi ni Lee Kun-cheng, tagapagsalita para sa DPP, na dapat kilalanin ng Tsina ang Republika ng Tsina (Taiwan) at igalang ang demokratikong sistema nito. Nanawagan siya para sa mapayapang pag-uusap sa halip na pamimilit, at idinagdag na ang mga negosasyong pampulitika na walang pampublikong pangangasiwa ay hindi maituturing na "demokratikong konsultasyon."

Nagkakasalungatan ang mga mambabatas ng Taiwan tungkol sa plano ng gobyerno na maglaan ng 1.25 trilyong TWD ($39 bilyon) para sa pagbili ng mga kagamitang pangdepensa sa loob ng walong taon, na ilang buwan nang inantala ng parlamento na kontrolado ng oposisyon.

Gastusin sa depensa

Ang pagbisita ni Cheng ay naganap isang buwan bago ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Beijing para sa isang summit kasama si Xi.

Hinimok ng namumunong DPP ng Taiwan ang oposisyong KMT na pabilisin ang pagsusuri sa naantalang panukalang batas para sa pagbili ng mga kagamitang pangdepensa. Ginawa ang panawagan matapos i-boycott ng mga mambabatas ng KMT ang pag-uusap ng iba’t ibang partido (cross-party talks) noong Abril 9, habang nagbabala si Defense Minister Wellington Koo tungkol sa lumalawak na agwat sa puwersang militar sa magkabilang panig ng Taiwan Strait.

Sinusuportahan ni Cheng ang mas maliit na plano ng KMT na maglaan ng 380 bilyong TWD ($12 bilyon) para sa mga armas mula sa US na may opsyon para sa karagdagang pagbili.

Bagaman regular na pumupunta sa Tsina ang mga miyembro ng KMT para sa mga pakikipag-ugnayan sa mga opisyal, si Hung Hsiu-chu ang huling lider ng partido na bumisita roon noong 2016.

Lalong lumala ang ugnayan sa magkabilang panig ng Taiwan Strait, mula nang mahalal ang kapalit ni Tsai na si Lai Ching-te, na itinuturing ng Beijing na isang separatista.

Sinabi ni Lai sa isang post sa Facebook noong Abril 10 na "ang mga banta ng militar ng Tsina sa loob at paligid ng Taiwan Strait at ng island chain ay lubhang nakasira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon."

Dumating si Cheng sa Shanghai noong gabi ng Abril 7. Nagtungo rin siya sa Nanjing upang bisitahin ang mausoleo ng rebolusyonaryong pinunong si Sun Yat-sen, isa sa iilang makasaysayang personalidad na iginagalang kapwa sa Beijing at Taipei.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link