Ayon sa AFP at Focus |
BEIJING -- Binalaan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang katapat sa US na si Donald Trump na ang mga pagkakamali sa usapin ng Taiwan ay maaaring magtulak sa dalawang bansa sa "sigalot," sa isang matinding panimulang pahayag habang sila ay nagpupulong sa isang superpower summit sa Beijing.
Dumating si Trump sa Tsina noong gabi ng Mayo 13 at inimbitahan si Xi na bumisita sa White House sa Setyembre. Tumagal ng dalawang oras at 15 minuto ang kanilang pag-uusap noong Mayo 14.
Mabilis na binigyang-diin ni Xi ang isyu ng Taiwan -- na inaangkin ng Beijing bilang teritoryo nito -- at sinabi na dapat "magkatuwang at hindi magkalaban" ang dalawang panig.
"Ang usapin ng Taiwan ang pinakamahalagang isyu sa relasyon ng Tsina at Estados Unidos," ayon kay Xi, batay sa pahayag na inilabas ng Chinese state media matapos magsimula ang pag-uusap.
![Kinukuhanan ng litrato ng mga dumaraan ang motorcade ng Pangulo ng U.S. habang patungo sa paliparan sa Beijing noong Mayo 15. [Greg Baker/AFP]](/gc9/images/2026/05/15/56163-3-370_237.webp)
![Isang news program sa telebisyon sa isang restawran sa Taipei noong Mayo 14 ang nagpapakita ng pagpupulong sa Beijing nina Pangulong Donald Trump ng US at Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Dapat "magkatuwang at hindi magkalaban" ang dalawang bansa, ayon kay Xi sa kanilang pag-uusap sa Beijing noong Mayo 14. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2026/05/15/56161-afp__20260514__b2tf3a6__v2__highres__taiwanchinausdiplomacy-370_237.webp)
"Kung mali ang pangangasiwa [nito], maaaring magbanggaan ang dalawang bansa o mauwi pa sa sigalot, na magtutulak sa buong relasyon ng Tsina at U.S. sa isang napakadelikadong sitwasyon," dagdag niya.
'Matinding' babala
Beijing lamang ang kinikilala ng Estados Unidos, ngunit sa ilalim ng batas ng U.S. ay obligado pa rin itong magbigay ng armas para sa depensa ng Taiwan na may sariling pamahalaan. Nanindigan ng Tsina na kukunin ang isla sa ilalim ng kanilang kontrol at hindi inaalis ang posibilidad ng paggamit ng puwersa, habang patuloy na pinatitindi ang military pressure sa mga nakalipas na taon.
Sinabi ni Adam Ni, editor ng newsletter na China Neican, sa AFP na bagama’t karaniwan na ang “matinding pananalita” ni Xi sa state media, hindi pangkaraniwan na nanggagaling ito mismo sa lider ng Tsina.
"Nagpapahiwatig ang Tsina ng pagnanais para sa kompromiso ng U.S. sa Taiwan," ani Chong Ja Ian ng National University of Singapore sa AFP. Maaaring mangahulugan ang hiling ni Xi na "nakakakita sila ng pagkakataong makumbinsi si Trump," aniya.
Bilang tugon, tinawag ng Taipei ang Tsina na "tanging banta" sa kapayapaan sa rehiyon at iginiit na "paulit-ulit na muling pinagtibay ng panig ng U.S. ang malinaw at matatag nitong suporta."
Walang pagbabago sa posisyon sa Taiwan
Ipinakita ng Washington na walang pagbabago sa matagal na nitong posisyon sa Taiwan.
Matapos muling igiit ng dalawang panig ang kani-kanilang matagal nang posisyon, nagpatuloy ang usapan nang may "malinaw na pagkakaunawaan" sa paninindigan ng bawat isa, sinabi ng isang senior administration official sa CBS News.
Binigyang-diin ni Secretary of State Marco Rubio na nananatiling walang pagbabago ang polisiya ng Washington.
"Halos walang naging pagbabago sa nagdaang iba’t ibang administrasyon ng pangulo, at nananatiling ganoon hanggang ngayon," sabi ni Rubio sa NBC News.
"Anumang sapilitang pagbabago sa kasalukuyang kalagayan" sa Taiwan ay "magiging masama para sa dalawang bansa," aniya.
"Hindi naging sentrong paksa" sa summit noong Mayo 14 ang pagbebenta ng armas ng U.S. sa Taiwan, dagdag niya.
U.S. malamang na hindi pipilitin ang Tsina hinggil sa Iran
Bago ang biyahe, sinabi ni Trump na plano niyang talakayin kay Xi ang pagbebenta ng armas sa Taiwan. Nagdulot ang kanyang pahayag ng mga haka-haka na maaaring gamitin ng Washington ang isyung ito upang hikayatin ang Beijing na puwersahin ang Iran na tanggapin ang isang kasunduan para wakasan ang digmaan ng US-Israel at Iran na nagsimula noong Pebrero 28.
Gayunman, hindi sinang-ayunan ni Ryan Hass, isang analyst sa Tsina at Taiwan mula sa Brookings Institution na nakabase sa Washington, ang ganitong posibilidad.
"Mas malamang na pagtibayin ng kapwa lider ang kanilang kaparehong interes na patatagin ang relasyon at gumamit ng mga kasunduang pang-ekonomiya at pangkalakalan upang ipakita ang pag-unlad," tweet niya.
"Wala pang napagkasunduan" ang Beijing at Washington sa usapin ng pagbebenta ng armas, sinabi ni Tzeng Wei-feng ng Institute of International Relations ng National Chengchi University sa Taipei sa AFP.
Usaping karapatang pantao
Binanggit ni Trump ang kaso ng nakakulong na Hong Kong media tycoon na si Jimmy Lai, sa pakikipag-usap niya kay Xi, ani Rubio.
"Palaging binabanggit ng pangulo ang kasong iyon," sabi ni Rubio, at idinagdag na umaasa ang Washington sa isang "positibong tugon."
Sakay ng Air Force One noong Mayo 15, sinabi ni Trump na nagtanong din siya tungkol sa nakabilanggong Chinese pastor na si Jin Mingri.
![Nagkamayan sina Pangulong Donald Trump ng U.S. at Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Beijing noong Mayo 15. [Evan Vucci/Pool/AFP]](/gc9/images/2026/05/15/56159-afp__20260515__b2wl3ug__v1__highres__chinausdiplomacy-370_237.webp)