Seguridad

Di patas na kasunduan, iginigiit ng China sa pinagtatalunang pag-aangkin sa South China Sea

Hangad ng China na magkaroon ng Code of Conduct (COC) ang mga karatig-bansa na susuporta sa mga pinagtatalunang pag-aangkin nito, habang ang hukbong-dagat nito ay patuloy ding gumagamit ng mga agresibong taktika laban sa mga bansang iyon.

Nagsalita si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa isang press conference sa gitna ng ginaganap na National People's Congress sa Beijing noong Marso 7. Kaugnay ng alitan sa South China Sea, nagbabala si Wang sa Pilipinas na ang "paglabag at panunulsol ay magdudulot ng masamang resulta." [Greg Baker/AFP]
Nagsalita si Chinese Foreign Minister Wang Yi sa isang press conference sa gitna ng ginaganap na National People's Congress sa Beijing noong Marso 7. Kaugnay ng alitan sa South China Sea, nagbabala si Wang sa Pilipinas na ang "paglabag at panunulsol ay magdudulot ng masamang resulta." [Greg Baker/AFP]

Ayon sa Focus |

Isinusulong ng China ang mga negosasyon para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa mga karatig-bansa, habang kasabay namang agresibong iginigiit ang mga pag-aangkin sa teritoryo nito na salungat sa pandaigdigang batas.

Sa isang impormal na pahayag sa ginaganap na National People's Congress noong Marso 7, inihayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na natapos na ng kongreso ang ikatlong yugto ng pagrerepaso ng Code of Conduct (COC).

Ang COC ay nahaharap sa mga hamon dahil sa magkakaibang interes.

Iginigiit ng China, na nag-aangkin ng halos 90% ng South China Sea, na saklawin lamang ng COC ang mga lugar na kontrolado nito, sa gayon makakagawa ito ng balangkas na susuporta sa pinagtatalunang pag-aangkin nito. Nais din nito ng isang kasunduang walang obligasyon (nonbinding) na hindi isasama ang mga bansang nasa kapangyarihan, tulad ng United States at ilang bansa sa Europe, sa mga usaping pangseguridad sa rehiyon.

Kuha ang litratong ito noong Oktubre 14 na nagpapakita ng isang helicopter habang lumilipad mula sa guided missile frigate ng Pilipinas, ang BRP Jose Rizal, sa South China Sea. Dinagdagan ng United States, mga bansa sa European Union, at Japan ang kanilang pagpapadala ng hukbong pandagat sa rehiyon sa nakaraang taon. [Sandatahang Lakas ng Pilipinas]
Kuha ang litratong ito noong Oktubre 14 na nagpapakita ng isang helicopter habang lumilipad mula sa guided missile frigate ng Pilipinas, ang BRP Jose Rizal, sa South China Sea. Dinagdagan ng United States, mga bansa sa European Union, at Japan ang kanilang pagpapadala ng hukbong pandagat sa rehiyon sa nakaraang taon. [Sandatahang Lakas ng Pilipinas]

Sa kabaligtaran, isinusulong ng Pilipinas at Vietnam ang malawak na pagsasama ng mga pinagtatalunang teritoryo.

"Malinaw na nakikinabang ang China sa kasalukuyang kalagayan habang pinatitibay at pinalalawak nito ang presensyang militar sa lugar. Ngunit hindi maaaring manatiling walang pakialam ang ASEAN [Association of Southeast Asian Nations] habang patuloy at mapanganib na nagbabago ang mga pinagtatalunang karagatan," isinulat ni Jaime Naval, isang political scientist mula sa University of the Philippines sa Diliman.

Sa isang artikulong inilathala sa East Asia Forum noong Nobyembre, binigyang-diin ni Naval ang madiskarteng hakbang ng China na impluwensyahan ang COC gamit ang mga kondisyong pumapabor sa Beijing, na maaaring maging disbentaha sa mga bansang ASEAN na may mga inaangking teritoryo.

Tumitinding tensiyon

Inaangkin ng Beijing ang malaking bahagi ng South China Sea sa kabila ng isang pandaigdigang desisyon na nagsasabing wala itong legal na batayan. Paulit-ulit ding nagkakasagupaan ang coast guard ng China at ng Pilipinas, na nagpapalala ng pangamba na mauwi sa armadong labanan..

Inakusahan ng Pilipinas ang China ng agresibong aksyon sa karagatan, kabilang ang paggamit ng water cannon, mapanganib na maniobra laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, at pagharang sa mga misyon ng pagdadala ng mga supply ng Pilipinas sa mga outpost sa pinag-aagawang karagatan.

Sa isang panayam noong Marso 5, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na ang tumitinding pananalakay ng China sa pinagtatalunang karagatan ay itinuturing na pinakamalaking banta sa pambansang seguridad ng Pilipinas.

"Ang totoong pinakamalaking banta sa labas ay ang pananalakay ng China, ang pagpapalawak nito, at ang pagtatangka nitong baguhin ang pandaigdigang batas sa pamamagitan ng paggamit ng puwersa o pagpapasang-ayon... o ang pagtatangka nitong baguhin ang pandaigdigang kaayusan ayon sa kontrol nito," ang sabi niya.

Inilarawan ni Wang ang mga komprontasyon sa karagatan sa pagitan ng Beijing at Maynila bilang isang "minanipulang palabas" na sinadya ng Pilipinas upang sirain ang imahe ng China, na sinasabing pinalala ito ng mga makapangyarihang puwersa sa labas at ng Kanlurang media.

Muli niyang pinagtibay ang paninindigan ng Beijing sa pagtatanggol sa soberanya ng teritoryo at mga karapatan nito sa karagatan, kabilang ang pinag-aagawang Second Thomas Shoal at Scarborough Shoal. Nagbabala rin siya na "ang paglabag at panunulsol ay magbubunga ng masamang resulta" at na "ang mga nagpapagamit sa mga makapangyarihang bansa ay tiyak na itatakwil sa huli."

Binatikos din ni Wang ang United States, kinondena ang Indo-Pacific Strategy ng Washington, at inakusahan ito ng "panggagatong sa kaguluhan at paglikha ng mga alitan" sa rehiyon.

Pagkontra sa China

Habang iginigiit ng Beijing ang mga pag-aangkin nito, ang mga bansa sa rehiyon ay lalong nagsisikap na patatagin ang kanilang mga posisyon at palakasin ang mga ugnayan sa mga kaalyadong bansa sa Kanluranin.

Sa nakaraang taon, kitang-kita ang pagdami ng mga ipinapadalang hukbong pandagat mula sa United States, Europe, at Japan sa South China Sea.

Itinampok ng mga diplomat ng Europe ang lumalawak na presensya ng taga-Kanluran, na binibigyang-diin ang kanilang layuning panatilihin ang kaayusang nakabatay sa mga patakaran kaysa direktang makipagkomprontasyon, ayon sa ulat ng Nikkei Asia noong Marso.

"Noong 2024, mas maraming mga Europeo ang narito ... mas maraming frigate kaysa noong mga nakaraang taon. Iyan ay isang katotohanan," sinabi sa outlet ng isang senior na diplomat na taga-Kanluran. Binigyang-diin niya na ang kanilang presensya ay nagpapakita ng "kalayaan sa paglalayag, paggalang sa pandaigdigang batas, at paggalang sa soberanya."

Ang pagiging agresibo ng Beijing sa karagatan, kasabay ng pagdami ng mga ipinapadalang hukbong pandagat ng Kanluran, ay nagpapahiwatig ng isang lalong komplikado at tensyonadong kalagayan sa seguridad sa South China Sea.

Habang umuusad ang mga talakayan tungkol sa COC, nahaharap ang mga bansa ng ASEAN sa hamon ng pakikipag-ugnayang diplomatiko sa China habang pinapalakas ang ugnayang militar sa mga bansa sa labas ng ASEAN.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *