Seguridad

Taiwan, nahaharap sa kritikal na pakikibaka laban sa mga espiya ng China

Ang pagpasok ng Beijing sa hanay ng mga tauhan ng militar, politiko, at mga influencer sa Taiwan ay nagbabanta sa pambansang seguridad at nagpapalala ng pangamba sa sigalot, babala ng mga analyst.

Ang mga honor guard ng Taiwan ay nagtanghal sa isang kaganapan sa Taipei noong Nobyembre 7, 2020. Ang bilang ng mga Taiwanese na kinasuhan ng paniniktik sa mga Chinese ay dumarami, kung saan higit 67% ng mga kaso ay may kaugnayan sa mga tauhan ng militar noong nakaraang taon. [Ceng Shou/NurPhoto via AFP]
Ang mga honor guard ng Taiwan ay nagtanghal sa isang kaganapan sa Taipei noong Nobyembre 7, 2020. Ang bilang ng mga Taiwanese na kinasuhan ng paniniktik sa mga Chinese ay dumarami, kung saan higit 67% ng mga kaso ay may kaugnayan sa mga tauhan ng militar noong nakaraang taon. [Ceng Shou/NurPhoto via AFP]

Ayon sa Focus at AFP |

Nahaharap ang Taiwan sa patuloy na lumalalang banta mula sa mga sariling mamamayang nag-eespiya sa China, babala ng mga nagmamasid, habang nagsisikap ang gobyerno na higpitan ang mga hakbang para pigilang makapasok ng Beijing at hadlangan ang mga taksil na Taiwanese.

Bagamat matagal nang nag-eespiya sa isa't isa ang Beijing at Taipei, ang paniniktik ay mas malaking banta sa Taiwan dahil sa panganib ng atakeng Chinese, sabi ng mga intelligence analyst sa AFP.

Sinabi ng ahensiya ng intelihensiya ng Taiwan na gumamit ang China ng “iba’t ibang mga channel at taktika” upang mapasok ang militar ng isla, mga ahensya ng gobyerno, at mga organisayong maka-China.

Ang mga pangunahing target ay ang mga retirado at aktibong tauhan ng militar, na hinihikayat ng pera, pananakot, o ideolohiyang maka-China upang magnakaw ng mga lihim ng depensa, mangakong susuko sa militar na Chinese, at magtayo ng mga armadong grupo upang tumulong sa mga puwersang mananakop.

Ipinagpapalagay ng China na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan at matagal nang nagbabantang gumamit ng puwersa upang sakupin ito—na tinututulan ng gobyerno ng Taipei.

Bagamat ang mga operasyong paniniktik ay isinasagawa ng mga gobyerno sa buong mundo, sinabi ng pangulo ng Jamestown Foundation na si Peter Mattis na mas matindi ang banta sa Taiwan.

"Ang espiya na isinasagawa ng China laban sa Taiwan ay naiiba dahil sa lawak, masamang layunin, at ang ultimong hangaring pananakop sa Taiwan," sabi ni Mattis, isang dating counterintelligence analyst ng CIA.

"Ito ay may mas malalim na epekto... sa kaligtasan at soberanya ng isang bansa."

Ang bilang ng mga nasasakdal sa Taiwan dahil sa paniniktik sa Beijing ay tumaas nang malaki sa mga nagdaang taon, ipinapakita ng opisyal na datos.

Sinabi ng National Security Bureau ng Taiwan na 64 na nasasakdal ang kinasuhan dahil sa paniniktik sa China noong nakaraang taon, kumpara sa 48 noong 2023 at 10 noong 2022.

Noong 2024, kabilang sa mga ito ang 15 beterano at 28 aktibong tauhan ng serbisyo, kung saan ang ipinataw na sentensiya ng pagkakakulong ay umaabot ng 20 taon.

Noong Marso 10, ang Ministry of National Defense ay nag-anunsyo ng plano para sa isang panukalang batas na magpapataw ng parusang pagkakakulong mula isa hanggang pitong taon sa mga aktibong tauhan ng militar na mangangako ng katapatan sa kaaway at makapipinsala sa interes ng militar.

“Sa pangkalahatan, ang mga paglabag sa National Security Act ay may mataas na bilang ng prosekusyon sa mga tauhan ng militar," ayon kay Prosecutor-General Hsing Tai-chao.

"Ito ay sapagkat ang militar ay may mas mahigpit na pamantayan dahil sa tungkulin nitong pangalagaan ang pambansang seguridad at kanilang access sa mga sandata," sinabi ni Hsing sa AFP.

"Hindi nangangahulugang ang mga ordinaryong tao ay hindi gumagawa ng katulad na mga pag-eespiya. Ang pagkakaiba ay maaaring hindi ito laging maituturing na isang pagkakasalang kriminal para sa mga ordinaryong tao."

Mga sundalo at mang-aawit

Ang Taiwan at China ay may kasaysayan ng ugnayang pampulitika, pangkultura at pang-edukasyon dahil sa magkaparehong wika, na nagbibigay ng pagkakataon para sa mga recruiter ng China na mag-recruit ng mga espiya.

Dahil humina ang mga ugnayang ito sa mga nagdaang taon bunga ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa at epekto ng pandemya ng COVID-19, nakahanap ang Beijing ng iba pang paraan upang pasukin ang isla, sabi ng mga analyst.

Ang China ay gumamit ng mga kriminal, mga templong panrelihiyon, at mga online platform upang maabot ang mga Taiwanese na retirado at aktibong tauhan ng serbisyo, gamit ang pera at maging ang pampulitikang propaganda upang hikayatin silang maniktik.

Ang mga impormal na bangko ay nag-alok ng pautang sa mga may suliraning pinansyal at pagkatapos ay pinatawad ang kanilang mga utang kapalit ng mga impormasyon.

Ang China ay nag-recruit ng ilang espiya sa pamamagitan ng mga online game.

Ang mga espiya ay inutusan nito na ibahagi ang impormasyong militar, tulad ng lokasyon ng mga base at imbakan, o magtayo ng mga armadong grupo.

Ang ahensiya ng intelihensiya ng Taiwan ay nagsabi na ginamit ng China ang “mga gangster upang mag-recruit ang mga retiradong tauhan ng militar at hikayatin silang organisahin ang dati nilang mga kasamahan sa militar upang bumuo ng mga ‘sniper team’ at magplano ng mga misyon ng pamamaril laban sa mga yunit ng militar ng Taiwan at mga dayuhang embahada.”

Ang China ay namuwersa ng mga mang-aawit, social media influencer, at politiko na sundin ang kanilang kagustuhan, magpalaganap ng maling impormasyon, magpahayag ng mga pananaw na maka-China o kumuha ng intelihensiya, sabi ni Puma Shen, isang mambabatas ng Democratic Progressive Party (DPP).

Ang spy network ng China ay “lumalawak ng lumalawak,” sabi ni Shen, na nag-aral ng mga operasyong impluwensiya ng China at noong nakaraang taon ay pinarusahan ng Beijing dahil sa umano’y “separatismo.”

"Sinusubukan nilang pahinain, hindi lamang ang ating depensa, pati na rin ang buong demokratikong sistema," aniya.

Pagpapalawak ng kamalayan

Si Pangulong Lai Ching-te, na kasapi rin ng DPP, noong unang bahagi ng Marso ay tinawag ang Chiina na isang "dayuhang puwersang salungat," habang siya ay nagmumungkahi ng mga hakbang upang labanan ang paniniktik at pagpasok ng China.

Kabilang dito ang pagiging bukas at malinaw na mga palitang pampulitika at pangkultura sa pagitan ng Taiwan at China at ang pagpapanumbalik ng mga paglilitis sa hukbong sandatahan sa panahon ng kapayapaan—isang sensitibong isyu sa Taiwan, kung saan ipinatupad ang batas militar sa loob ng halos 40 taon.]

Ang mga kamakailang survey ay nagpapakita na karamihan sa mga Taiwanese ay tutol sa pag-iisa sa China.

Ngunit kailangan pang palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa banta na dulot ng paniniktik ng China laban sa Taiwan, ayon kay Jakub Janda ng think tank na European Values Center for Security Policy sa Taipei.

"Kung pagtataksilan mo ang iyong bansa, ito ay dapat maging lubos na hindi katanggap-tanggap," sabi ni Janda, na nagsusulong ng mas mabibigat na parusa.

“Kung may ganitong kalooban sa lipunan, magiging mas mahirap para sa intelihensiya ng China ang mag-recruit ng mga tao.”

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *