Karapatang Pantao

Pagpapalabas sa TV ng China ng mga pag-amin ng mga Pilipino, umani ng batikos

Nagpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa pag-aresto kamakailan lang ng China sa mga umano'y Pilipinong espiya at sa pagpapalabas ng kanilang mga pag-amin na tila isinadula.

Sa screenshot na ito na kuha noong Abril 3, isang tagapahayag ng China Central Television (CCTV) ang nag-uulat ungkol sa pag-aresto sa tatlong Pilipino habang ipinakikita ang kanilang mga larawan. Ang pagpapalabas ng kanilang mga pag-amin sa telebisyon ay nagdulot ng mga alalahanin ukol sa pamimilit at paglabag sa karapatang pantao. [CCTV]
Sa screenshot na ito na kuha noong Abril 3, isang tagapahayag ng China Central Television (CCTV) ang nag-uulat ungkol sa pag-aresto sa tatlong Pilipino habang ipinakikita ang kanilang mga larawan. Ang pagpapalabas ng kanilang mga pag-amin sa telebisyon ay nagdulot ng mga alalahanin ukol sa pamimilit at paglabag sa karapatang pantao. [CCTV]

Ayon kay Shirin Bhandari |

Ngayon, matapos ang ilang taong paghinto, muling ipinalalabas ng China sa telebisyon ang mga pag-amin sa paglabag sa batas ng mga dayuhang kanilang ikinulong.

Isang masusing ulat mula sa Safeguard Defenders, isang non-government organization na nagtataguyod sa karapatang pantao, ang nagdedetalye kung paano idinidikta ng China ang mga sapilitang pag-amin para ipalabas sa telebisyon.

Ang ganitong gawain ay nagbunsod sa mga regulator sa United Kingdom, Australia, at sa ilang bahagi ng Europa na tanggalan ng broadcast rights ang China Global Television Network (CGTN) at China Central Television (CCTV). Itinigil ng China ang ganitong mga pagpapaamin matapos nilang arestuhin ang negosyanteng Taiwanese na si Morrison Li noong 2019.

Ngunit ngayon, muling ginagamit ng China ang taktikang ito laban sa tatlong Pilipinong inakusahan nila ng pagiging espiya. Noong Abril 3, inaresto ng mga awtoridad ng China sina David Servañez, Albert Endencia, at Nathalie Plizardo sa sala ng paniniktik.

Sa isa pang screenshot mula sa CCTV, makikita ang isa sa mga Pilipinong inakusahan na may takip sa ulo at nakaposas habang inaakay ng mga opisyal ng China sa isang pasilyo. [CCTV]
Sa isa pang screenshot mula sa CCTV, makikita ang isa sa mga Pilipinong inakusahan na may takip sa ulo at nakaposas habang inaakay ng mga opisyal ng China sa isang pasilyo. [CCTV]

Ayon sa state media ng China, isang taong nagngangalang "Richie Herrera" ang kumuha sa tatlong Pilipino upang mangalap ng impormasyong militar para sa intelihensiya ng PIlipinas. Dalawang channel ng state TV ng China, ang CCTV-13 at CCTV-4, ang nagpalabas ng pag-amin ng mga akusado.

Mula pa noong 2021 ay inaakusahan na ng mga opisyal ng China ang intelihensiya ng Pilipinas ng pagpuntirya sa mga mlitary site ng ChIna at pagpapadala ng sensitibong video footage.

Ayon sa state media ng China, sinanay at binayaran ni Herrera ang tatlong akusado buwan-buwan, at binibigyan pa sila ng mga bonus batay sa impormasyong kanilang nakakalap. Hindi pa rin ipinapaalam kung nasaan si Herrera.

Itim na mga takip sa ulo, posas

Ang mga sinasabing pag-amin ay "tila may sinusundang script, na nagpapahiwatig na hindi ito kusang nanggaling sa kanila," pahayag ng Philippine National Security Council (NSC) noong Abril 5.

Ayon sa NSC, ang mga akusado ay mga walang kasanayang militar. Sila'y mga dating iskolar na kabilang sa isang programa ng lalawigan ng Palawan sa Pilipinas, at ng lalawigan ng Hainan, China. Dagdag pa ng NSC, bago pa man dumating ang mga akusado ay nabigyan na sila ng security clearance ng mga awtoridad ng China.

Ang mga video ng pag-amin ay ipinalabas ng mga lokal na channel ng balita at sa mga online platform sa Pilipinas.

Makikita sa footage ang mga nakakulong na inaakay ng mga pulis. Sila ay nakaposas at may suot na itim na takip sa ulo. Pinilit silang pumirma ng mga dokumentong nasa wikang Chinese, kahit na hindi nila ito katutubong wika.

Sa isang limang minutong broadcast, ipinahayag ng tagapag-ulat ng balita na ang mga akusado ay "nagbanta sa pambansang seguridad ng China." Pinalalabas sa ulat na ang mga akusasyon ay katotohanan.

Nanawagan ang youth council ng Palawan sa pamahalaan na protektahan ang mga nakakulong na dating mga iskolar ng lalawigan na "nasa likod ng mga banyagang pader, inakusahan ng paniniktik at hinatulan hindi sa mga lantad na hukuman, kundi sa mga pinapatakbong media ng estado."

Nangako ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na bibigyan ang mga akusado ng legal aid at hinimok ang China na igalang ang proseso ayon sa batas at ang mga karapatan ng mga nakakulong.

Pamilyar na modelo

Inilarawan sa pananaliksik ng Safeguard Defenders, kung saan sinuri nila ang mahigit 100 na video ng pag-amin, kung paano pinalabas ng mga awtoridad ng China na totoo ang mga pag-aming ito. Inutusan ang mga nakakulong kung ano ang isusuot, sasabihin, at kung paano kumilos.

Sa broadcast, sinabi ni Servañez sa wikang Mandarin: "Habang ang pamahalaan ng China ay nagbigay sa akin ng magandang pamumuhay, ako ay gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa interes ng China. Pinagsisisihan ko ang aking ginawa."

"Kung may mga taong nakaranas gaya ng naranasan ko, hihikayatin ko silang sumuko sa kaukulang awtoridad ng China," sabi naman ni Endencia sa video sa wikang Ingles.

Nagtatapos ang video sa isang babala sa mga dayuhang mamamayan na huwag makisangkot sa paniniktik sa China.

Ang pagkakasunod-sunod ng mga pahayag ng mga akusado ay maihahalintulad ng mga nakaraang kaso, tulad ng pag-aresto sa dalawang Canadian sa China mula 2018 hanggang 2021.

Sa masusing pagsusuri, ang mga pag-amin ay naaayon sa isang pamilyar na modelo na may mga sumusunod na hakbang: pag-amin ng kasalanan, pasasalamat sa China, at babala sa iba. Walang konkretong ebidensya o detalyadong paliwanag ng diumano'y ginawa nilang krimen.

Inilarawan ng Safeguard Defenders ang broadcast bilang "isa pang halimbawa ng hostage diplomacy ng China, kung saan ang mga dayuhang mamamayan ay ginagamit bilang mga tau-tauhan sa mga geopolitikal na alitan ng Beijing."

Ang mga inereng pag-amin ng mga nakakulong, na nagpapakita ng kanilang pagsisisi at ng positibong paglalarawan sa China, ay tila may sinusundang script, ayon sa NSC. Binigyang- pansin din ng NSC ang pagbanggit sa isang hindi umiiral na "Philippine Spy Intelligence Service."

Lumalalang Tensyon

Ang mga pag-aresto ay "maaaring ituring bilang ganti sa mga lehitimong pag-aresto sa mga ahente ng China at ng kanilang mga kasabwat," pahayag ng NSC noong Abril 5.

Inaresto ng mga awtoridad ng Pilipinas ang hindi bababa sa isang dosenang Chinese national sa nakalipas na tatlong buwan dahil sa hinalang paniniktik. Inakusahan silang ilegal na kumukuha ng sensitibong impormasyon tungkol sa mga kampong militar at mga kritikal na imprastruktura na maaaring maging banta sa pambansang seguridad at depensa ng Pilipinas.

Habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa mga alegasyon ng paniniktik, nananatiling nakatutok ang mga tagapagmasid sa mga implikasyon nito sa pangrehiyong katatagan at sa pakikipag-ugnayan ng China at Pilipinas.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na si Teresita "Tess" Daza na ang konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou ay nagbibigay ng kinakailangang tulong, kabilang ang legal, at inuuna ang mga karapatan ng mga nakakulong na Pilipino.

Binanggit ng Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian na ang konsulado ang may hawak ng lahat ng kinakailangang koordinasyon dahil sa pangyayaring ito, kabilang ang posibleng pagbisita ng pamilya ng mga nakakulong.

Nananatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng mga alitan sa teritoryo sa South China Sea. Pinag-aaralan ng Pilipinas ang mga batas nito laban sa paniniktik at nagpahayag ng pagkabahala sa pambansang seguridad.

Samantala, pinalalakas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ugnayang pangseguridad sa US, kabilang ang isang panukalang kasunduan na nagkakahalaga ng $5.6 bilyon at kinabibilangan ng mga fighter jet at mga missile.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *