Ayon kay Li Xian |
Malaki na ang iniunlad ng hukbong-dagat ng India sa iba't ibang larangan habang naghahanda itong tapatan ang China sa Indian Ocean, kabilang na ang pagpapasinaya ng mga barkong pandigma, pagsubok ng mga missile, pagbili ng mga fighter aircraft, at pagtatayo ng mga base militar.
Noong Abril 28, bumili ang Ministry of Defense ng India sa France ng 26 na Rafale-M fighter jet na maaaring gamitin sa pakikipaglaban mula sa aircraft carrier. Inaasahang maipadadala sa kanila ang mga ito sa pagitan ng 2028 at 2030.
Bilang isa pang hakbang sa pagpapatibay ng paninindigan ng hukbong-dagat, sinimulan na ang pagtayo ng estratehikong base ng mga nuclear submarine sa Rambilli, Andhra Pradesh, isang mahalagang pasilidad na dinisenyo upang palakasin ang kakayahan ng India na pigilan ang lumalawak na kapangyarihang pandagat ng China.
Ayon sa ulat ng Times of India noong Abril, ang base na may mga submarine tunnel at mga pasilidad na pandepensa sa dagat ay makatutulong sa pagpapalabas nang palihim sa mga nuclear submarine ng India at sa pagsasagawa ng mga misyong pangmalayuan.
![Makikita ang mga miyembro ng hukbong-dagat ng India sakay ng stealth guided missile destroyer na INS Surat sa Naval Dockyard ng Mumbai noong Enero 11. [Indranil Mukherjee/AFP]](/gc9/images/2025/05/12/50355-afp__20250115__36tp2pl__v1__highres__indiadefencepolitics_optimized_5000-370_237.webp)
![Isang miyembro ng hukbong-dagat ng India ang naglalakad sa loob ng submarine na INS Vaghsheer sa Mumbai noong Enero 11, habang pinalalakas ng India ang sariling kakayahan sa pambansang depensa. [Indranil Mukherjee/AFP]](/gc9/images/2025/05/12/50356-afp__20250115__36th9k4__v1__highres__indiadefencepolitics_optimized_5000-370_237.webp)
Sinabi ni Walter Ladwig, isang iskolar sa seguridad ng Timog Asya mula sa King's College London, sa South China Morning Post noong Abril na susuportahan ng base sa Rambilli ang puwersa ng mga nuclear ballistic missile submarine ng India, kabilang na ang bagong submarinong INS Aridhaman.
Dagdag pa niya, ang base ay “magpapalakas sa kakayahan ng [hukbong-dagat] habang pinananatiling lihim ang operasyon ng kanilang mga nuclear submarine, na mahalaga upang matiyak ang posibilidad ng pagsagawa ng isa pang pagsalakay."
Samantala, noong Enero, sabay-sabay na kinomisyon ng hukbong dagat ng India ang tatlong barkong pandigma na gawa sa bansa. Kabilang rito ang INS Vaghsheer submarine.
Personal na pinamunuan ni Prime Minister Narendra Modi ang seremonya ng paglulunsad at binigyang-diin niya na, “Ang India ngayon ay nagiging isa na sa mga nangungunang makapangyarihan sa karagatan sa buong mundo.”
Ayon sa kanya, ang paglulunsad ng tatlong barkong pandigma ay mahalaga para sa “pagtamo ng sariling kakayahan” ng India habang pinalalakas ng New Delhi ang depensa laban sa mga katunggali sa rehiyon.
Tumitinding banta
Ang hukbong-dagat ng China ay mabilis na ginawang moderno sa mga nagdaang taon at ngayon ay itinuturing na pinakamalaking hukbong-dagat sa buong mundo, taglay ang mahigit 370 na mga barkong pandigma. Kabilang rito ang mga aircraft carrier, nuclear submarine, at mga makabagong destroyer.
Kasabay nito, patuloy na pinalalawak ng China ang impluwensiya nito sa Indian Ocean. Pinalilibutan nito ang India sa pamamagitan ng “String of Pearls strategy,” kung saan pinalalakas ng China ang base nila sa Djibouti at nagtatayo ng mga daungan sa mga karatig-bansa tulad ng Myanmar.
Habang palakas nang palakas ang kapangyarihang pandagat ng China, lalo ring tumitindi ang mga hamon sa rehiyon ng Indian Ocean.
Paulit-ulit na ipinahayag ni Adm. Dinesh Tripathi, hepe ng Naval Staff ng India, ang kanyang pag-aalala sa lumalawak na presensyang militar ng China sa Indian Ocean.
Aniya, bagaman sa simula ay ipinadala ng China ang kanilang mga barko sa pagkukunwaring paglaban sa piracy, patuloy pa rin nitong pinananatili ang anim hanggang walong barkong pandigma sa rehiyon kahit hindi na madalas ang naturang aktibidad.
“Matagal nang pinalalawak ng China ang presensya nito sa rehiyon ng Indian Ocean, sa lupa man o sa dagat,” sabi niya noong Pebrero sa isang forum sa Guwahati, India, ayon sa Assam Tribune.
Dagdag pa niya, itinatag ng India ang mga progresibong kakayahan sa maritime domain awareness sa pamamagitan ng integrasyon ng mga unmanned system, satellite-based tracking, at pandaigdigang pagbabahagi ng intelihensiya upang epektibong masubaybayan ang mga galaw ng China.
"Kapag alam mo na ang galaw ng iyong katunggali, lamang ka na sa laban," pagbibigay-diin ni Tripathi.
Tugon sa partikular na banta ng China
Ang kasalukuyang pagpapalakas ng pwersang militar ng India "ay tugon sa partikular na banta ng China," sabi ni Shen Ming-shih, isang researcher mula sa Institute for National Defense and Security Research ng Taiwan, sa Focus.
Aniya, ang pagpapadala ng China ng mga J-20 fighter sa Xinjiang ay banta mula sa himpapawid, laban sa India.
Upang mapalakas ang kakayahang sagupain ang mga ito, patuloy ang pagbili ng India ng mga Rafale fighter jet. Pinag-iisipan naman ng United States ang pagbebenta ng mga F-35 sa India.
Ang mga biniling Rafale-M ay hindi lang maaaring paliparin mula sa mga aircraft carrier, maaari rin itong lumipad mula sa mga air base sa hilagang India, ayon sa isang mataas na opisyal ng India, batay sa ulat ng India Today noong Mayo.
“Tinitiyak ng kakayahang ito na maipapakita ng India ang lakas nito sa iba’t ibang panig, mula sa makikitid na daanang-dagat tulad ng Malacca Strait hanggang sa mga pinagtatalunang hangganan sa Himalayas, bilang pantapat sa pagpapalawak ng kapangyarihan ng China sa pamamagitan ng mga aircraft carrier,” ayon sa opisyal.
Ayon pa kay Shen, ang estratehiya ng India ay “depensa sa hilaga at opensa sa timog,” na nagbibigay-diin sa mas malakas na mga maritime projection capability sa gitna at katimugang bahagi ng India.
Kabilang sa estratehiyang ito ang pagpapaunlad ng mga intercontinental missile at pagpapalakas ng kapangyarihang pangdigma ng mga aircraft carrier at mga nuclear submarine, na may layuning palakasin ang “pagpigil sa banta gamit ang mga sandatang nukleyar at kakayahang supilin ang China sa karagatan.”
Ayon pa rin kay Shen, nagsagawa ang India ng maraming ehersisyo sa South China Sea kasama ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya, Japan, at iba pang mga bansa, na nagpapatunay sa kakayahan ng hukbong-dagat nito na magpadala ng puwersa sa malalayong karagatan.