Diplomasya

UK at Pilipinas, pinalalakas ang ugnayang pangdepensa para sa malayang paglalayag

Mula Oceania hanggang North America ay may mga katuwang na sa seguridad ang Manila, at maaaring mapabilang ang UK sa mga ito kung magtatagumpay ang mga pag-uusap.

Kasama ni Philippine Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang UK Minister of State for Defense na si Lord Vernon Coaker sa Camp Aguinaldo noong Setyembre 16, kung saan ibinigay ni Coaker ang panukala ng United Kingdom para sa kasunduang pangdepensa. [Philippine Department of National Defense]
Kasama ni Philippine Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang UK Minister of State for Defense na si Lord Vernon Coaker sa Camp Aguinaldo noong Setyembre 16, kung saan ibinigay ni Coaker ang panukala ng United Kingdom para sa kasunduang pangdepensa. [Philippine Department of National Defense]

Ayon kay Shirin Bhandari |

Isang hakbang na palapit ang United Kingdom at Pilipinas sa pagpapalakas ng ugnayang pangdepensa, matapos magkasundo ang dalawang bansa na simulan ang negosasyon para sa panukalang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA).

Ayon sa mga lokal na media, ang kasunduang ito'y indikasyon ng kagustuhan ng London na pagtibayin ang presensya nito sa Indo-Pasipiko sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea.

Inaangkin ng China ang mahigit 80% ng South China Sea, at itinuturing ang Taiwan bilang probinsyang tumiwalag mula sa kanila.

Sa kanyang pagbisita sa Manila noong Setyembre 16, ibinigay ni UK Minister of State for Defense Lord Vernon Coaker sa Philippine Defense Secretary na si Gilberto C. Teodoro Jr. ang isang liham mula kay UK Defense Secretary John Healey bilang panimulang hakbang sa mga talakayan tungkol sa SOVFA.

Makikita ang HMS Richmond sa paglubog ng araw noong Hulyo, habang nagaganap ang Operation Highmast sa Indo-Pasipiko. [Royal Navy/X]
Makikita ang HMS Richmond sa paglubog ng araw noong Hulyo, habang nagaganap ang Operation Highmast sa Indo-Pasipiko. [Royal Navy/X]

Masinsinang pakikipagtulungan sa London

Kung maisasakatuparan, bibigyang daan ng kasunduan ang pansamantalang presensya ng mga hukbo ng UK sa Pilipinas para sa mga magkasanib na aktibidad militar, at palalawakin nito ang kooperasyong pangdepensa ng UK at ng Pilipinas.

Sa huling bahagi ng taong ito, sasali ang UK sa ikaapat na pagkakataon sa Sama Sama, isang magkasanib na pagsasanay pandagat ng iba't ibang bansa.

"Iyan ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng suporta na maaaring ipakita ng isang bansa para sa ating pag-angkin sa West Philippine Sea," sabi ni Teodoro ukol sa kagustuhan ng UK na gawing opisyal ang pakikipagtulungang pangdepensa.

Ang anunsyo ay kasabay ng pagbisita ng HMS Richmond sa pantalan ng Maynila.

Ang HMS Richmond ay isa sa mga sasakyang pandagat na walong buwang itatalaga ng UK Carrier Strike Group para sa Operation Highmast sa rehiyong Indo-Pasipiko. Sa pamamagitan ng mga ehersisyo at pagbisita sa mga pantalan sa buong Asia at sa iba pang rehiyon, nakikipag-ugnayan ang grupo sa 30 na bansa.

"Ang deployment ng UK Carrier Strike Group sa Indo-Pasipiko ay nagpapakita ng kahalagahan ng rehiyon para sa seguridad at kaunlaran ng UK," sabi ni Coaker sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.

"Kailanman ay hindi naging ganito katugma ang UK at Pilipinas," sabi pa niya habang sakay ng HMS Richmond.

Ang susunod na hakbang sa SOVFA ay ang pagpapahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas sa pormal na negosasyon.

Binigyang-pansin ni Teodoro ang "maraming pagkakatugma" ng Pilipinas at UK.

Ipinahayag niya sa Philippine House of Representatives na handa rin ang UK na pag-ugnayin ang kanilang mga dominyong pandagat sa rehiyong Indo-Pasipiko.

"Umaasa kaming dadami pa ang ating mga kaalyadong bumibisitang puwersa, dahil ito ang pinakamataas na pagpapahayag ng suporta para (makamtan natin ang) Arbitral Award, para sa ating mga karapatang soberano, para sa ating teritoryal na integridad at soberanya, at para sa mga pagpapahalagang ating pinaninindigan," dagdag ni Teodoro.

Pagtaas ng paggastos para sa depensa

Samantala, nagsumite ang DND ng panukala para sa 295.2 bilyong PHP ($5.1 bilyon) na budget para sa 2026. 95% nito ay ilalaan sa Armed Forces of the Philippines.

Kung maaaprabuhan, ang pinakamalaking porsyento ng pagtaas ay mapupunta sa hukbong dagat, na makakuha ng 8.3 bilyong PHP ($143 milyon) o 16.4% na dagdag sa 51 bilyong PHP ($880 milyon) ngayong taon.

Ayon kay Teodoro, makatatanggap ang hukbong dagat ng walong bagong frigate,at nangangailangan sila ng mga karagdagang pasilidad para sa mga dockyard at shipyard.

"Ang katatagan ng Pilipinas, sa konteksto ng pambansang depensa, ay mahalaga. Kung mas maliit ang isang bansa, mas matibay ang pagpigil," paglalahad ni Teodoro sa mga miyembro ng American Chamber of Commerce sa Pilipinas noong Setyembre 17.

Tumututol ang China

Paulit-ulit na nagbabala ang China laban sa presensya ng mga banyagang puwersang militar sa South China Sea, dahil ito raw ay nagpapataas ng tensyon at nagbabanta sa kanilang mga karapatang soberano.

Sinubaybayan ng hukbong pandagat at panghimpapawid ng China ang US destroyer na Higgins at ang HMS Richmond habang dumadaan ang mga ito sa Taiwan Strait, sabi ni Shi Yi, tagapagsalita ng Eastern Theater Command ng Chinese People's Liberation Army (PLA), noong Setyembre 12.

Ayon kay Shi, ang mga ginagawa ng US at UK ay nagbibigay ng maling impresyon at nagpapahina sa kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.

Ayon sa The Times of London, nagpakita ng mga constructive kill na maneuver ang mga fighter jet ng China sa paligid ng British frigate at gumawa ng mga simulasyon ng mga pagsalakay nang walang ginagamit na live fire. Samantala, ang mga barkong pandigma ng China ay nagmamanman sa grupo, na kinabibilangan ng HMS Prince of Wales, habang dumadaan ang mga ito sa Spratly Islands.

Pinalalawak na mga kasunduan

Ang Manila ay nakapasok na sa magkakakaugnay sa kasunduang militar sa pagharap nito sa mas malaking China. .

Ang Pilipinas ay may mga kasunduan na sa Japan, Australia, at New Zealand, at inaasahan nitong pipirma ng kasunduan sa Canada sa lalong madaling panahon.

Noong Mayo, ipinadala ng US Marine Corps ang kanilang Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System, na "ship-killer," sa Hilagang Luzon at sa Batanes, na halos 140 na kilometro ang distansiya mula sa Taiwan.

Kung maisasakatuparan, ang UK ay magiging ikalawang bansa sa Europe, kasunod ng France, na magtutuloy ng ganitong kasunduan sa kapuluan.

“Ang ugnayan ng UK atng Pilipinas ay matatag at patuloy na umuunlad. Sama-sama tayong magtutulungan sa paghubog ng isang mapayapa, matatag, at maunlad na Indo-Pasipiko,” sabi ni Coaker.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *