Ayon sa AFP |
LASHIO, Burma -- Binabatikos sa ibang bansa at hindi sinusuportahan sa loob ng bansa ang mga halalang pinamamahalaan ng militar ng Burma, ngunit ang karatig-bansang Tsina ay lumilitaw bilang masigasig na tagasuporta ng kontrobersyal na halalan.
Ayon sa mga internasyonal na tagamasid, palabas lamang ang botohan na magsisimula sa Disyembre 28 na layong pagandahin ang imahe ng pamamahalang militar ng Burma matapos ang kudeta noong 2021 na nagpasiklab ng digmaang sibil.
Nagbabala ang United Nations (UN) na kapwa gumagamit ng karahasan at pananakot ang mga awtoridad ng militar ng Burma at ang mga armadong grupong oposisyon. Binatikos ng hepe ng karapatang pantao ng UN na si Volker Türk ang “kapaligiran ng takot at panunupil” na bumabalot sa mga halalan.
Ngunit dahil sa pamamamagitan ng Beijing, naitatag ang mga mahalagang tigil-putukan at umatras ang mga grupong rebelde, na nagbaligtad sa takbo ng labanan at nagpalakas sa posisyon ng junta bago ang botohang tatagal nang ilang linggo.
![Nangampanya si Kyaw Kyaw Htwe, kandidato ng People's Party, sa bayan ng Kawhmu, rehiyon ng Rangoon, Burma, noong Disyembre 14. Minsan nang ipinakulong ng junta ng Burma dahil sa kanyang aktibismong pro-demokrasya, ngayon ay humihingi siya ng boto sa halalang pinamumunuan ng militar para sa dating puwesto ni Aung San Suu Kyi. [Sai Aung Main/AFP]](/gc9/images/2025/12/26/53283-afp__20251223__889q6dv__v1__highres__myanmarvotesuukyi-370_237.webp)
![Hawak ang mga asul na lobo, dumalo ang mga tagasuporta sa isang kampanya ni Thet Thet Khine, tagapangulo ng People's Pioneer Party, sa Rangoon, Burma, noong Disyembre 25. [Sai Aung Main/AFP]](/gc9/images/2025/12/26/53282-afp__20251225__88zl92a-370_237.webp)
Dati’y sinusuportahan ng Tsina ang mga pangkat ng oposisyon, ngunit ngayon ay ibinabaling na nito ang buong suporta sa militar at sa mga halalan nito habang isinusulong ng Beijing ang sarili nitong mga interes sa Burma, ang muling pag-aayos ng pamumuno ng bansa, ayon sa mga analyst.
“Para bang may nakikialam na tagalabas sa aming mga usaping pampamilya,” reklamo ng isang residente ng lungsod ng Lashio sa hilaga, na dating pinakamalaking nasakop ng mga rebelde ngunit ibinalik sa junta sa pamamagitan ng interbensyon ng Beijing noong Abril.
“Gusto naming ayusin ang aming mga usaping pampamilya nang kami-kami lang,” sabi ng 30-anyos na babae na tumangging magpakilala dahil sa seguridad. “Ayokong may nakikialam na iba.”
Hindi papayagan ng Beijing ang 'pagbagsak ng estado'
Kinansela ng militar ng Burma ang demokrasya halos limang taon na ang nakalipas nang ipadetine nito ang lider-sibilyan na si Aung San Suu Kyi dahil sa pinagtatalunang alegasyon ng pandaraya. Matapos ang kanilang landslide na panalo noong 2020, binuwag ang National League for Democracy ni Suu Kyi at dose-dosenang partidong etniko dahil sa pagtanggi nilang magparehistro sa komisyong panghalalan na suportado ng junta, na nagkumpleto sa malawakang paglilinis sa pulitika.
Pumasok sa digmaang sibil ang bansa nang ang mga aktibistang pro-demokrasya ay maging magkakahalong gerilya, nakikipaglaban kasama ang mga hukbo ng pangkat etniko na matagal nang tumututol sa pamahalaang sentral.
Dati’y tahimik lang ang Tsina nang kontrolin ng militar ang gobyerno, pero nang dumami ang mga internet scam sa border ng Tsina at Burma ay napilitan itong kumilos.
Maraming online scam ang kumikita nang malaki at nakahuhuli ng maraming Tsino -- kabilang na ang ilan na pinilit maging trabahador nang walang pahintulot at ang iba bilang biktima ng mga panlilinlang sa romansa at cryptocurrency.
Nainis sa kabiguan ng junta na magsagawa ng pagsugpo, tinalikuran ng Beijing ang pagiging neutral nito at kahit paano’y nagbigay ng tahimik na suporta sa pinagsamang opensiba ng mga rebelde, ayon sa mga tagamasid.
Ang “Three Brotherhood Alliance,” na binubuo ng tatlong hukbong etniko, ay nagtagumpay sa mga pananakop, kabilang ang Lashio noong tag-init ng 2024 -- ang kauna-unahang pagsakop sa isang kabisera ng estado at isang regional military command.
“Ang nakikita ko, kaya ng Tsina na pamahalaan o kontrolin ang mga organisasyong galing sa labas,” sabi ng isa pang 30-anyos na residente ng Lashio, na ayaw ding magpakilala para sa kanyang kaligtasan.
Umusad ang mga rebelde malapit sa Mandalay, ang pangalawang pinakamalaking lungsod ng Burma, bago pinigilan ng Beijing ang kanilang pag-usad, sabi ni Morgan Michaels, researcher sa International Institute for Strategic Studies, isang think tank.
“Ang polisiya ng Beijing ay walang dapat bumagsak na estado,” sabi niya sa AFP. “Nang mukhang matatalo ang militar, itinuring nila iyon bilang pagbagsak ng bansa kaya nakialam sila para pigilan iyon.”
Muling pag-oorganisa
Maaaring pinili ng Tsina na suportahan ang militar, ngunit sabi ni Michaels, may malalim pa ring pagdududa tungkol sa hepe ng militar na si Min Aung Hlaing, na nagdala sa bansa sa isang matinding krisis.
“Sa tingin ko, marami ang naniniwalang matigas ang ulo niya at hindi ganoon kagaling sa kanyang trabaho,” sabi ni Michaels. “Gusto nilang mailipat siya sa ibang puwesto o mabawasan ang kanyang kapangyarihan.”
Maraming tagamasid, kabilang si UN analyst Tom Andrews, ang naglarawan sa halalan bilang isang ‘sham’ o palabas lamang.
Sinabi ng mga rebeldeng laban sa militar na hindi nila papayagan ang halalan sa kanilang lugar -- para sa kanila, palabas lamang ito upang mapahaba ni Min Aung Hlaing ang kanyang pamumuno sa pamamagitan ng pagpapakita na siya ay isang sibilyan.
Ngunit ayon kay Michaels, ang pansamantalang pagbabalik sa pamahalaang sibilyan ay hindi tuluyang mag-aalis sa kapangyarihan ni Min Aung Hlaing. Pipili siya sa pagitan ng pagkapangulo o pagiging hepe ng sandatahang lakas -- dalawang posisyong sabay niyang hinahawakan sa ilalim ng pamamahalang militar.
“Maaaring humantong ito sa pagbawas ng kanyang kapangyarihan, o mapilitan siyang gumawa ng ilang kompromiso,” sabi ng analyst.
Matapos ilatag ng junta ang schedule ng halalan, nagkaroon si Min Aung Hlaing ng kanyang unang pagpupulong kay Pangulong Xi Jinping noong Mayo, mula nang maganap ang kudeta.
Samantala, sinimulan ng Tsina na pakalmahin ang Three Brotherhood Alliance -- inihiwalay ang dalawa nitong paksyon na nasa border sa pamamagitan ng mga tigil-putukan.
Pumayag ang Ta’ang National Liberation Army sa tigil-putukan noong Oktubre, matapos mabawi ng Myanmar National Democratic Alliance Army ang dating matinding pinagtatalunang Lashio noong Abril.
“Naguguluhan ako bilang isang mamamayan,” sabi ng isang babae sa Lashio na ayaw magpakilala.
“Ang ilan sa mga kaibigan ko ay hindi na makabalik. Ang iba ay pumanaw na. Wala na sila sa mundong ito.”
Sinabi ng tagapagsalita ng Foreign Ministry ng Tsina sa AFP: "Sinusuportahan ng Tsina [ang Burma] na pag-isahin ang mga puwersang pampulitika sa loob ng bansa, maayos na isulong ang mga plano nito, at maibalik ang katatagan at pag-unlad."
Bilang tugon sa pambabatikos ng ibang bansa sa halalan noong nakaraang linggo, sinabi ng tagapagsalita ng junta na si Zaw Min Tun sa mga mamamahayag: "Hindi ito isinasagawa para sa pandaigdigang komunidad."
Ang mga "kaalyadong bansa” ay “tumutulong at sumusuporta sa halalan” -- ginagawa ito “dahil sa hangaring mapabuti ang kalagayan ng [Burma]," aniya.
![Isang babae ang dumaraang nakabisikleta sa may mga billboard ng kampanya sa halalan sa Pyin Oo Lwin, rehiyon ng Mandalay, Burma, noong Disyembre 9. Sinabi ng militar ng Burma na ang halalang isasagawa nang paunti-unti simula Disyembre 28 sa humigit-kumulang isang-katlo ng mga bayan ay magpapababa ng tensyon at magbabalik ng pamumunong sibilyan. [Sai Aung Main/AFP]](/gc9/images/2025/12/26/53285-afp__20251216__87je6fz__v1__highres__myanmarvotepolitics-370_237.webp)