Ayon kay Jia Feimao |
Ipinapakita ng bagong dokumento ng US hinggil sa estratehiya ang kahalagahan ng Taiwan sa pananaw ng Pentagon.
Ang 2025 US National Security Strategy (NSS) ng administrasyong Trump, na inilabas noong Disyembre 5, ay nakatuon sa pagpigil sa tensyon sa Taiwan Strait bilang sentro ng estratehiya nito sa Indo-Pacific, na nagsasabing ang pagpigil sa isang labanan tungkol sa Taiwan ay prayoridad at ang pagpapanatili ng "kalamangan" ng militar ng US ang susi.
Ayon sa mga analyst, mas matindi ang tono ng dokumento tungkol sa Taiwan kumpara sa bersyong inilabas noong unang termino ni Pangulong Donald Trump. Binanggit nito ang Taiwan nang walong beses at binibigyang-diin ang kahalagahan ng Taiwan Strait sa seguridad ng rehiyon.
Itinuturing ng Tsina ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito at hindi kailanman isinantabi ang posibilidad na sakupin ito sa pamamagitan ng pwersa.
![Ipinapakita ang isang Chiang-Kong missile at launcher na binuo ng National Chung-Shan Institute of Science and Technology ng Taiwan sa Taipei Aerospace Defense & Technology Exhibition sa Taipei noong Setyembre 17. Nangako si Pangulong Lai Ching-te na palalakasin ang sariling depensa ng Taiwan habang iminungkahi ng pamahalaan ang karagdagang $40 bilyon para sa depensa, kabilang ang T-Dome air defense plan. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2025/12/29/53289-afp__20251130__86jp766__v1__highres__filestaiwanchinadefence-370_237.webp)
Pagpigil sa pamamagitan ng lakas
Ito ang unang estratehiya ng administrasyong ito mula nang manungkulan noong Enero. Layunin nitong “pigilan ang sigalot sa Taiwan, na ang pinakamabisang paraan ay panatilihin ang kalamangan sa militar."
Ipinaliwanag ng ulat ang kahalagahan ng Taiwan sa ekonomiya at heopolitika, na binibigyang-diin ang pangunahing papel ng isla sa paggawa ng semiconductor. Sinabi rin nito na nagbibigay ang Taiwan ng direktang access sa ikalawang island chain at naghahati sa Northeast Asia and Southeast Asia sa dalawang magkahiwalay na rehiyon, na sinasabing "nararapat lamang na marami ang nakatuon sa Taiwan.”
Ang ikalawang island chain ay nagsisimula sa Japan hanggang sa isla ng New Guinea at kasama ang Guam, na teritoryo ng US.
Samantalang sa 2017 NSS na inilabas noong unang termino ni Trump, tatlong beses binanggit ang Taiwan sa iisang pangungusap.
Sa pagpapatupad, nananawagan ang estratehiya sa "pagpapalakas ng kakayahan ng US at ng mga kaalyado nito na hadlangan ang anumang pagtatangkang sakupin ang Taiwan," at upang pigilan ang anumang sitwasyon na "magiging imposible ang pagtatanggol sa isla (Taiwan)."
Ang paglalagay ng Taiwan sa seksyong "Pagpigil sa Mga Banta sa Militar" ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa kung paano tinitingnan ng mga gumagawa ng patakaran sa US ang isyu, ayon kay Yaqi Li, isang mananaliksik sa S. Rajaratnam School of International Studies, Nanyang Technological University (Singapore), na isinulat sa Modern Diplomacy.
“Hindi inilalarawan ang Taiwan bilang isang karaniwang isyu sa patakaran sa Tsina; ito ay ipinakikita bilang isang mekanismo upang maiwasan ang maaaring mangyari sa militar na makasasama sa ekonomiya at posisyon ng US sa rehiyon."
Gumagamit ang estratehiya ng hindi karaniwang tuwirang wikang heopolitikal upang muling tukuyin ang Taiwan bilang isang “geopolitical hub” sa unang island chain, ayon kay Tang Ming-hua, associate research fellow sa Taiwan's Institute for National Defense and Security Studies, sa isinulat niya noong Disyembre 9.
Ang unang island chain ay kinabibilangan ng Japan, Taiwan at Pilipinas.
Panawagan sa Taiwan sa mas malaking reponsibilidad
Ayon kay Tang, nagbago ang papel ng Taiwan mula sa pagiging isang protektadong entitad tungo sa pagiging bahagi ng Indo-Pacific deterrence system. "Ang halaga ng Taiwan ay hindi lamang sa kakayahan nitong ipagtanggol ang sarili kundi pati na rin sa kung kaya nitong maging isa sa mga 'linya ng depensa' sa unang island chain na sapat upang pigilan ang estratehikong hakbang ng Tsina." Dagdag pa niya, ang pagtaas ng katayuang ito ay nangangahulugan na kailangang gampanan ng Taiwan ang mas malaking responsibilidad sa pagpapanatili ng balanse sa rehiyon.
Ang Estados Unidos "ay bubuo ng puwersang militar na may kakayahang hadlangan ang anumang agresyon saanman sa First Island Chain. Pero hindi magagawa, at hindi dapat gawin, ng militar ng Amerika nang mag-isa. Kailangang kumilos at gumastos ang ating mga kaalyado -- at mas mahalaga na gumawa pa -- ng mas maraming sama-samang depensa," ayon sa isinulat ng White House sa NSS.
Magpapatuloy ang Taiwan bilang maaasahang kaalyado at mananatiling nakatuon sa pagpapalakas ng sariling depensa upang panatilihin ang kapayapaan sa rehiyon, ayon sa tweet ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan noong Disyembre 5.
Gastos sa depensa ng Taiwan
Inanunsyo ni Lai ang $40 bilyong plano sa depensa noong Nobyembre, na nakatuon sa pagbili ng mga bagong armas sa US at pagpapalawak ng kakayahan ng Taiwan sa asymmetric warfare upang pigilan ang posibleng agresyon ng Tsina laban sa isla.
Ayon kay William Chih-tung Chung, isa pang scholar sa Institute for National Defense and Security Studies, na isinulat noong Disyembre 8, ang gastusin ng Taiwan sa depensa ay naaayon sa mga inaasahan ng NSS para sa mga kaalyado.
"Hindi lang dapat basta tumanggap ng tulong panseguridad ang Taiwan, dapat din itong maging aktibo bilang tagapagbigay ng seguridad para matugunan ang mga hinihingi ng National Security Strategy ni Trump," isinulat niya sa isang post para sa kanyang institusyon.
Ayon sa kanya, naging mahalaga na sa plano ng US sa Indo-Pacific ang pagpigil sa paggamit ng puwersa ng Tsina laban sa Taiwan. Idinagdag niya na ang pagbabago ng Taiwan mula sa "pagdedepende" patungo sa "pagbabahagi ng mga responsibilidad" ay su upang mapanatili ang estratehikong ugnayan sa US.
Binanggit ng kasamahan ni Chung na si Tang, ang mga paraan para gampanan ng Taiwan ang mas maraming responsibilidad sa seguridad. Kabilang dito ang tuluy-tuloy na pagtaas ng paggastos sa depensa, pagbabago sa sistema ng reserba, at mas mabilis na maramihang paggawa ng mga missile at unmanned combat systems.
Dapat palawakin ng Taiwan ang kanyang all-of-society defense mobilization system at patibayin ang mahahalagang imprastruktura sa mga sitwasyong may matinding labanan, ipinayo niya.
![Naglagay ng mga harang sa Ilog Tamsui ang mga sundalong Taiwanese sa New Taipei City sa panahon ng Han Kuang military exercise noong Hulyo 12. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2025/12/29/53288-afp__20250712__66kr8z2__v1__highres__taiwanchinadefencepolitics-370_237.webp)