Ayon sa AFP at Focus |
Unang beses na dumaong ang isang barkong pandigma ng US sa Cambodian naval base mula nang ayusin ito ng Tsina, na nagdulot ng pangamba sa Washington.
Ayon sa Estados Unidos, ang Ream Naval Base sa timog baybayin ng Cambodia ay maaaring magbigay sa Tsina ng estratehikong posisyon sa Gulf of Thailand malapit sa pinag-aagawang South China Sea, na halos buong inaangkin ng Beijing.
Isang makasaysayang pagbisita
Dumaong ang littoral combat ship na USS Cincinnati (LCS-20) noong Enero 24 sa isa sa mga pantalan ng base, 150 metro ang layo mula sa dalawang barkong pandigma ng Tsina.
"Isa itong pribilehiyo at karangalan para sa amin na narito na maging unang barkong pandigma ng US na dumaong sa Ream Naval Base, at umaasa kaming ito ang simula ng pangmatagalang tradisyon at pagkakaibigan,” sabi ni Andrew J. Recame, commanding officer ng barko, sa mga reporter.
![Nakahanay ang mga tauhang pandagat ng Cambodia habang sinasalubong ang USS Cincinnati (LCS-20) para sa pagbisita sa Ream Naval Base sa lalawigan ng Preah Sihanouk, Cambodia, Enero 24. [Suy Se/AFP]](/gc9/images/2026/01/28/54077-afp__20260124__93uz4nr__v1__highres__cambodiausdefence-370_237.webp)
Ayon sa pahayag ng Ream base, layon ng limang araw na pagbisita ng US na “itaguyod ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa” at ipakita ang “paninindigan ng Cambodia sa bukas na patakaran, pagiging malinaw, at pakikipagtulungan sa mga internasyonal na katuwang.”
Ayon sa pahayag, kasama sa pagbisita ang palitan ng kaalaman sa seguridad sa karagatan at koordinasyon sa operasyon na layong palakasin ang ugnayang militar ng dalawang bansa.
Humigit-kumulang 100 tauhan mula sa USS Cincinnati ang nakibahagi sa palitan kasama ang pwersa ng Cambodia, kabilang ang isang friendly na laro ng soccer, ayon sa lokal na media.
Mga hinala tungkol sa Tsina
Paulit-ulit na itinanggi ng mga lider ng Cambodia na ang base ay para lamang sa paggamit ng iisang banyagang kapangyarihan, kasunod ng ulat ng US media noong 2022 na nagsasabing ang mga bagong pasilidad sa Ream, isang base na orihinal na itinayo sa tulong ng pondo ng US, ay eksklusibong para sa Chinese navy.
Pinangunahan nina Cambodian Prime Minister Hun Manet at isang delegasyon mula sa People's Liberation Army ng Tsina, ang inagurasyon ng na-renovate na base noong Abril ng nakaraang taon.
Itinanggi ni Hun Manet na ang bago at pinahusay na pasilidad ay para lamang sa "ekslusibong" paggamit ng Beijing, at sinabi niyang maari ring dumaong ang mga barko mula sa ibang bansa.
Dalawang linggo matapos ang inagurasyon, dalawang barkong pandigma ng Japan ang unang dumaong sa base.
Mula pa noong 2022, tumutulong na ang Beijing sa pag-renovate ng base.
Nagsimula pa noong 2019 ang mga pangamba ng Kanluran tungkol sa base, nang iulat ng Wall Street Journal ang isang secret draft na kasunduan na magpapahintulot sa Tsina na dumaong ang mga barkong pandigma doon.
Noong huling bahagi ng 2023, unang dumaong ang mga barkong pandigma ng Tsina sa 363-metrong pantalan sa nag-iisang baybayin ng Cambodia sa timog ng bansa, sa pagitan ng Thailand at Vietnam.
Noong Disyembre 2024, dumaong ang isang barkong pandigma ng US sa commercial port ng Sihanoukville, sa kauna-unahang pagbisita ng barko ng US sa Cambodia sa loob ng walong taon, nang bumisita ang Independence-variant littoral combat ship na USS Savannah (LCS-28) sa bansa.
Pag-uusap ng US at Cambodia
Sa kasalukuyang pagbisita, sumakay si Adm. Samuel Paparo, commander ng US Indo-Pacific Command, sa USS Cincinnati at nakipagpulong kina Cambodian Defense Minister Tea Seiha at Cambodian armed forces chief Vong Pisen, ayon sa pahayag ng US Navy.
Ayon sa pahayag, ipinapakita ng pagbisita ang lumalalim na kooperasyon at lumalawak na pagkakaibigan ng mga hukbong dagat ng US at Cambodia, at na ang dalawang bansa ay “magkatuwang na kumikilos para panatilihing malaya at bukas ang Indo-Pacific.”
Ayon kay Paparo, ang kamakailang pagbisita ng US sa Cambodia, kabilang ang pagbisita ng USS Cincinnati, ay nagsisilbing tanda ng kumpiyansa sa soberanya ng Cambodia.
“Mula 2006, may 37 pagbisita sa mga pantalan sa Cambodia,” sabi ni Paparo. “Higit pa sa taunang pagdaong ang aming layunin, at nagtutulungan kaming maparami pa ang mga pagbisita sa pantalan at mga pagsasanay sa dagat.”
“Magkasama naming pinapalakas ang aming kakayahan at pinauunlad ang interoperability sa pamamagitan ng paggalang sa isa’t isa,” ayon sa ulat ng Cambodianess na sinabi ni Paparo.
Nagpakita ng interes ang US na palawakin ang kooperasyong militar sa Cambodia, kabilang ang planong buhayin muli ang magkasanib na pagsasanay militar na Angkor Sentinel, na isinuspinde ng Cambodia noong 2017.
Matagal nang isa ang Cambodia sa matitibay na mga kaalyado ng Tsina sa Southeast Asia, at pinalawak ng Beijing ang impluwensiya nito sa Phnom Penh sa mga nakaraang taon.
Sa ilalim ng dating lider na si Hun Sen, ama ni Hun Manet, nag-invest ang Tsina ng bilyon-bilyong dolyar sa mga proyektong pang-imprastruktura, habang ang mga kamakailang pagbisita ng US Navy ay senyales ng paglapit muli ng ugnayan ng Washington at Phnom Penh.
![Dumating ang littoral combat ship na USS Cincinnati (LCS-20) ng US Navy para sa pagbisita sa Ream Naval Base sa lalawigan ng Preah Sihanouk, Cambodia, Enero 24. [Suy Se/AFP]](/gc9/images/2026/01/28/54075-afp__20260124__93uy8g6__v1__highres__cambodiausdefence-370_237.webp)