Ayon sa AFP at Focus |
TAIPEI -- Nagbabala si Pangulong Lai Ching-te na kung sakaling masakop ng Beijing ang demokratikong isla, ang mga bansa sa rehiyon ang magiging susunod na target ng Tsina. Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangang lubos na palakasin ng Taiwan ang depensa nito.
Iginigiit ng Tsina na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan at nagbanta itong gagamit ng puwersa upang makontrol nila ang isla, na sa kasalukuyan ay may sariling pamamahala.
Sa kanyang kauna-unahang panayam sa isang pandaigdigang ahensya ng pamamahayag mula nang manungkulan noong Mayo 2024, ipinahayag ni Lai sa AFP ang kanyang tiwala na aaprubahan ng parlamento ang karagdagang $40 bilyon na budget para pondohan ang mahahalagang kagamitang pangdepensa, kabilang ang mga armas mula sa US.
Nagbabala si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Washington laban sa pagbebenta ng mga armas sa Taiwan, ngunit sinabi ni Lai na mananatiling kampi ang US sa Taiwan at hindi ito gagamitin sa pakikipag-negosasyon sa Beijing.
![Ang pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te sa isang panayam ng AFP sa Taipei noong Pebrero 10. Nagbabala si Lai tungkol sa mas malawak na panganib sa rehiyon kung sasakupin ng Tsina ang Taiwan, at sinabing inaasahan niyang aaprubahan ng parlamento ang iminungkahing $40 bilyon na dagdag-pondo para sa depensa. [Yu chen cheng/AFP]](/gc9/images/2026/02/12/54608-afp__20260212__96xw6pp__v2__highres__taiwanuschinadefence-370_237.webp)
![Sinusuri ni Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan (gitna) ang mga reservist na nagpapatakbo ng Hummer 2 drone sa isang pagsasanay sa Yilan County noong Disyembre 2, bilang bahagi ng pagsisikap ng Taipei na palakasin ang kahandaan nito sa depensa. [I-Hwa Cheng/AFP]](/gc9/images/2026/02/12/54609-afp__20251202__86rq6ud__v2__highres__taiwanmilitarytrainningtraining-370_237.webp)
Binatikos ng Beijing ang mga pahayag ni Lai, at tinawag siyang isang "tagasira ng kapayapaan, tagalikha ng krisis, at pasimuno ng digmaan.”
“Ang paghahanap ng kasarinlan sa pamamagitan ng tulong na galing sa labas, at ang paglaban sa muling pagsasama gamit ang puwersa ay parang pagsisikap ng isang langgam na itumba ang isang puno -- tiyak na mabibigo ito," pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Lin Jian sa isang regular na briefing.
Sinabi ni Lai na kung sakaling makuha ng Tsina ang Taiwan, ang Beijing ay magiging "higit na agresibo, na sisira sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific at sa pandaigdigang kaayusan na nakabatay sa mga tuntunin."
"Kung sasakupin ng Tsina ang Taiwan, hindi hihinto doon ang kanilang ambisyon sa pagpapalawak (ng teritoryo)," pahayag ni Lai sa AFP sa isang eksklusibong panayam noong Pebrero 10 sa Presidential Office Building sa Taipei.
"Ang mga susunod na bansang malalagay sa panganib ay ang Japan, Pilipinas, at iba pang mga nasa rehiyon ng Indo-Pacific, at ang mga epekto nito ay kalaunang aabot hanggang sa Amerika at Europe," sinabi niya.
‘Pagsisikap para sa pagtataguyod ng kapayapaan’
Itinuturing ng Taiwan na mahalaga ang posisyon nito sa estratehikong "first island chain" para sa seguridad ng rehiyon at pandaigdigang kalakalan, lalo na’t ang mga pag-aangkin sa teritoryo ng Tsina ay sumasalungat sa mga karatig-bansa nito at nagbabanta sa ruta ng mga barko sa Taiwan Strait.
Ang naturang hanay ng mga isla ay kinabibilangan ng Japan, Taiwan, at Pilipinas.
Kung sasalakayin ng Tsina ang Taiwan, iminungkahi ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi noong Nobyembre na maaaring makialam ang Tokyo sa aspetong militar, isang pahayag na nagdulot ng matinding galit mula sa Beijing.
Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas na ang bansa ay "hindi maiiwasang" madamay sa isang posibleng digmaan dahil sa Taiwan, lalo na’t may access ang pwersa ng US sa siyam na base militar sa Pilipinas.
"Sa nagbabagong mundong ito, ang mga bansa ay nabibilang sa isang pandaigdigang komunidad -- ang sitwasyon sa alinmang bansa ay tiyak na makakaapekto sa iba,” sabi ni Lai.
Bago ang nakatakdang pakikipagpulong ni Pangulong Donald Trump ng US kay Xi sa Beijing ngayong Abril, sinabi ni Lai na natinatanggap ng Taiwan ang anumang pag-uusap na makatutulong sa pagpapanatili ng kasalukuyang kalagayan.
Pinuri ni Lai si Trump sa "pagsasagawa ng mahirap na pagsisikap para sa pagtaguyod ng kapayapaan, kung saan kasama ang pagprotekta sa mga interes ng US at pagpigil sa pagpapalawak ng Tsina sa maikling panahon," sabi ni Lai.
Dagdag ni Lai, hindi kailangan ng US na "gamitin ang Taiwan sa pakikipag-negosasyon sa Tsina."
"Sa konteksto ng kumpetisyon sa kalakalan sa pagitan ng US at Tsina, mas marami ang hinahangad ng Tsina mula sa US kaysa hinahangad ng US mula sa Tsina," sabi niya.
‘Pigilan ang agresyon’
Sa kabila ng pagputol ng kanilang pormal na ugnayan noong 1979, nananatiling pangunahing tagapagtaguyod ng seguridad ng Taiwan ang US habang pinapanatili ang “estratehikong kawalan ng katiyakan” pagdating sa direktang pakikialam ng militar.
Tumindi ang panggigipit ng militar ng Tsina sa ilalim ni Xi, na iniuugnay ang pagsakop sa Taiwan sa kanyang mithiin para sa "dakilang pagpapanibagong-sigla ng bansang Tsina."
Halos araw-araw nagpapadala ang Tsina ng mga barkong pandigma at mga fighter jet sa paligid ng Taiwan, at nagsagawa na ng anim na serye ng mga malawakang pagsasanay mula noong 2022, na ang pinakahuli ay noong Disyembre.
Habang ang mga kamakailang pagtatanggal ni Xi sa mga matataas na heneral ay "isang hindi pangkaraniwang sitwasyon," sinabi ni Lai na hindi nito binabago ang agarang pangangailangan ng Taiwan na manatiling handa para sa posibleng agresyon.
"Dapat ay may kakayahan tayong pigilan ang agresyon ng Tsina sa anumang oras," sabi ni Lai.
"Nais nating matiyak na, para sa Tsina, walang araw na magiging tamang pagkakataon upang lusubin ang Taiwan."
Pakikpag-ugnayan sa US: ‘kasintatag ng bato’
Bilyon-bilyon na ang inilaan ng Taiwan sa pagpapahusay ng kanilang militar at pagpapalawak ng kanilang industriya ng depensa. Gayunpaman, sa isang aktwal na labanan, hindi kakayanin ng mga puwersa ng isla ang bilang at lakas ng mga armas ng Tsina.
Sa ilalim ng panggigipit mula sa US, nangako si Lai na dadagdagan ang budget para sa depensa ng Taiwan sa higit 3% ng GDP ngayong taon at 5% sa taong 2030.
"Ang Taiwan ang may responsibilidad sa pagtatanggol sa aming sariling bansa," pahayag ni Lai sa AFP, habang iginigiit na ang relasyong US-Taiwan ay “kasintatag ng bato.” Nagpahayag din siya ng pag-asa para sa mas malawak na kooperasyon sa industriya ng depensa kasama ang Europe.
Upang maabot ang target na budget, nagmungkahi ang pamahalaan ng isang $40 bilyon na plano sa loob ng walong taon upang pondohan ang mga inisyatiba gaya ng "T-Dome" air defense system.
Gayunpaman, sampung beses nang hinarang ng mga partido ng oposisyon ang pagpasa ng batas mula noong Disyembre, gamit ang kanilang pagiging mayorya sa parlamento upang mapigilan ang nais ng pamahalaan.
Binatikos ng mga senador ng US ang nangyayaring pagkaantala sa Taiwan, at hinimok ang mga mambabatas doon na "magtulungan nang may mabuting hangarin sa kabila ng magkakaibang partido" upang aprubahan ang naturang panukala.
Sa kabila ng mga pagkaantalang ito, nagpahayag ng positibong pananaw si Pangulong Lai na maaaprubahan din ang budget ng parlamento.
"Sa isang demokratikong lipunan, ang bawat partidong politikal ay sa kahuli-hulihan, may pananagutan sa mamamayan," sinabi ni Lai.
"Kaya’t kumpiyansa ako na makukuha ng budget na ito ang kanilang suporta."