Ekonomiya

India, Bumaling sa e-waste para sa suplay ng kritikal na mineral

Habang matagal pa ang inaasahang resulta mula sa lokal na pagmimina, sinasaliksik ng New Delhi ang e-waste upang makakuha ng lithium at mga rare earth na mahalaga sa depensa, artificial intelligence, at mga adhikain nito sa malinis na enerhiya.

Sa litratong kuha noong Pebrero 12, makikita ang mga manggagawang nagbubukod ng mga itinapong motherboard ng computer sa Ecowork, isang pasilidad para sa pagre-recycle ng e-waste sa Ghaziabad, India. Kasalukuyang pinaiigting ng India ang pagkuha ng lithium at cobalt mula sa e-waste upang mapalakas ang suplay ng mga estratehikong mineral. [Arun Sankar/AFP]
Sa litratong kuha noong Pebrero 12, makikita ang mga manggagawang nagbubukod ng mga itinapong motherboard ng computer sa Ecowork, isang pasilidad para sa pagre-recycle ng e-waste sa Ghaziabad, India. Kasalukuyang pinaiigting ng India ang pagkuha ng lithium at cobalt mula sa e-waste upang mapalakas ang suplay ng mga estratehikong mineral. [Arun Sankar/AFP]

Ayon sa AFP |

KARNAL, India -- Daan-daang itinapong baterya ang dumadaan sa conveyor belt patungo sa isang crusher ng isang malayong planta sa hilagang India, na nagpapatakbo sa isang multibilyong dolyar na industriya na nagpapalakas sa mga ambisyong geopolitical ng bansa.

Sinasamantala ng India ang lumalagong sektor ng "e-waste" sa pamamagitan ng pagkuha ng mahahalagang mineral tulad ng lithium at cobalt, mga materyales na kailangan sa pagbuo ng lahat ng bagay mula sa mga smartphone hanggang sa mga fighter jet at electric car, na nagmula sa mga karaniwang kagamitang elektroniko.

Habang tumitindi ang pandaigdigang pagkabahala sa dominasyon ng China sa mahahalagang mineral, pinabilis ng New Delhi ang mga pagsisikap na makakuha ng mga materyales na kritikal sa ambisyon nito na maging sentro ng artificial intelligence.

Dahil sa inaasahang mabilis na pagtaas ng pangangailangan at ang lokal na pagmimina ay malabong magbibigay ng sapat na suplay sa loob ng halos isang dekada, bumabaling ang India sa isang matagal nang kinaligtaang mapagkukunan: ang nagtataasang tumpok nito ng e-waste.

Sa litratong kuha noong Pebrero 12, makikita ang mga manggagawang tumitimbang ng mga binaklas na piyesang elektroniko sa Ecowork, isang pasilidad para sa pagre-recycle ng e-waste sa Ghaziabad, India. [Arun Sankar/AFP]
Sa litratong kuha noong Pebrero 12, makikita ang mga manggagawang tumitimbang ng mga binaklas na piyesang elektroniko sa Ecowork, isang pasilidad para sa pagre-recycle ng e-waste sa Ghaziabad, India. [Arun Sankar/AFP]

Ang mga patay na baterya ay nagbibigay ng lithium, cobalt, at nickel; ang mga light-emitting diode (LED) screen ay nagtataglay ng germanium; ang mga circuit board ay mayroong platinum at palladium; at ang mga hard disk ay naglalaman ng mga rare earth metal. Matagal nang tinuturing na "minahan ng ginto" ang e-waste para sa mahahalagang mineral.

Umabot sa halos 1.5 milyong toneladang e-waste ang nalikha ng India noong nakaraang taon batay sa opisyal na datos (sapat para punuin ang 200,000 trak ng basura), subalit ayon sa mga analyst, ang tunay na bilang ay maaaring doble pa rito.

Sa malawak na planta ng Exigo Recycling sa estado ng Haryana, dinudurog ng isang makina ang mga baterya ng e-scooter hanggang sa maging mistulang itim na pulbos. Ang materyal na ito ay tutunawin sa likidong kasingkulay ng alak, sasalain, patutuyuin, at sa huli ay magiging isang pinong puting pulbos: ang lithium.

"Gintong puti," sabi ng lead scientist ng pasilidad, habang binabantayan ang pag-ipon ng huling produkto sa mga tray.

Mga ilegal na talyer

Ayon sa mga pagtataya ng industriya, ang "urban mining" o ang pagkuha ng mga mineral mula sa e-waste, ay maaaring magkaroon ng halagang aabot sa $6 na bilyon sa India bawat taon.

Bagaman hindi sapat upang matugunan ang inaasahang pangangailangan ng India, sinasabi ng mga analyst na makatutulong ito upang maibsan ang mga biglaang krisis sa pag-aangkat at mapalakas ang mga daloy ng suplay.

Karamihan sa e-waste ay binabaklas sa mga impormal na talyer na kumukuha lamang ng mga metal na madaling maibenta tulad ng tanso at aluminyo, nang hindi nagagalaw ang mga kritikal na mineral.

Nananatiling limitado ang opisyal na kapasidad ng India sa pagre-recycle kung ihahambing sa China at European Union, na kapwa naglaan ng malaking puhunan sa mga makabagong teknolohiya at mga sistema ng pagbukod at pagkuha ng mineral.

Ang India ay may "100 porsiyentong pagdepende sa pag-aangkat" ng mga mahahalagang mineral tulad ng lithium, cobalt, at nickel, ayon sa Institute for Energy Economics and Financial Analysis.

Sa layuning mapunan ang pagkukulang na ito, naglaan ang administrasyon ni Prime Minister Narendra Modi ng $170 milyong pondo para sa isang programa noong nakaraang taon na magpapalakas sa opisyal na sektor ng pagre-recycle ng mahahalagang mineral.

Nakabatay ang programa sa Extended Producer Responsibility (EPR), isang polisiya na nag-aatas sa mga manufacturer na dalhin ang kanilang e-waste sa mga opisyal na pasilidad ng gobyerno.

"Ang EPR ang nagsilbing pangunahing katalista sa pagpapalawak ng industriya ng pagre-recycle," ani Raman Singh, punong tagapamahala ng Exigo Recycling, isa sa iilang pasilidad sa India na may kakayahang kumuha ng lithium.

Ayon sa iba pang mga analyst, ang mga panuntunang ito ay nakatulong sa pagdirekta ng mas maraming basura sa mga legal at rehistradong pasilidad.

"Bago ganap na naipatupad ang EPR, 99% ng e-waste ay nirerecycle sa mga impormal na talyer," ani Nitin Gupta ng Attero Recycling, na nagsabing kaya nilang makabawi ng hindi bababa sa 22 kritikal na mineral.

"Nasa 60 porsiyento na ngayon ang nailipat sa pormal na sektor."

Batay sa datos ng pamahalaan, mas malaki pa ang naitalang paglipat sa pormal na sektor, ngunit may mga kritiko na nagdududa sa katumpakan ng sistema sa kabuuang pagsubaybay sa e-waste.

Lubhang mapanganib

Hindi makahabol ang pormal na pagre-recycle sa mga itinakdang layunin ng gobyerno, at mas mabilis pa rin ang pagtambak ng basura kaysa sa kapasidad na i-proseso ito, ayon sa babala ng NITI Aayog, isang think tank na suportado ng pamahalaan.

Lubhang mapanganib ang nakagawiang pagre-recycle sa mga ilegal na talyer. Dahil sa hayagang pagsunog, pagbabad sa asido, at pagbaklas nang walang kaukulang proteksyon, nalalantad ang mga manggagawa sa mga nakalalasong usok, bukod sa pagiging kontaminado ng lupa at katubigan.

Sa Seelampur, isa sa pinakamalaking sentro ng ilegal na pagre-recycle ng e-waste sa India, siksikan sa mga makikitid na eskinita ang mga nagpulupot na kable at mga sirang kagamitang elektroniko.

"Sapat lang para sa sertipikasyon ang kinukuha ng mga bagong kumpanya, pero sa amin pa rin napupunta ang lahat ng sobra," ani Shabbir Khan, isang lokal na mangangalakal. "Lalong lumakas ang negosyo ... hindi humina."

Maging ang mga basurang napupunta sa mga pormal na tagapag-recycle ay dumadaan muna sa mga impormal na mangangalakal, ani Sandip Chatterjee.

Ang pagsasama ng mga impormal na manggagawa sa isang sistemang madaling masubaybayan ay maaaring makatulong na maiwasan ang pagkasayang ng mahahalagang mineral sa proseso ng pagbubukod at pagbaklas ng e-waste, dagdag pa niya.

Sinusubukan ng Ecowork, ang nag-iisang awtorisadong nonprofit recycler sa India, na pagsamahin ang mga sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay at ligtas na lugar para sa pagtatrabaho.

"Tinuturuan namin ang mga impormal na manggagawa sa tamang pagbaklas at sa (kabuuang) proseso ng pagre-recycle," ani operations manager Devesh Tiwari.

"Ipinapaliwanag namin sa kanila ang mga peligro, ang tungkol sa mahahalagang mineral, at ang tamang paraan ng pagre-recycle para hindi bumaba ang halaga ng materyales."

Sa isang pasilidad sa labas ng Delhi, maingat na kinalas ni Rizwan Saifi ang isang itinapong hard drive at inalis ang permanenteng magnet na ilalaan sa isang makabagong pasilidad ng pagre-recycle, kung saan ito ay dudurugin upang makuha ang dysprosium, isang rare earth metal na mahalaga sa makabagong elektronika.

"Tanso at aluminyo lang ang pinahahalagahan namin dati kasi 'yun ang mga mahal sa bentahan ng basura," sabi ni Saifi, 20.

"Pero ngayon, alam na namin kung gaano kahalaga ang magnet na ito."

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link