Ekonomiya

US, Pilipinas nagpaplano ng AI-driven industrial hub para bawasan ang pagdepende sa Tsina

Nagsisimula nang umusbong sa Pilipinas ang hakbang ng mga kaalyado na bumuo ng teknolohiyang hindi nakadepende sa Tsina at palakasin ang kapasidad sa pagmamanupaktura sa buong Indo-Pacific.

Isang robotic system ang gumagawa ng semiconductor chip sa isang pang-industriyang demonstrasyon. [David Talukdar/NurPhoto via AFP]
Isang robotic system ang gumagawa ng semiconductor chip sa isang pang-industriyang demonstrasyon. [David Talukdar/NurPhoto via AFP]

Ayon kay Shirin Bhandari |

Nagkasundo ang Estados Unidos at Pilipinas na magtayo ng 4,000-acre (1,620 ektarya) na industrial hub sa isla ng Luzon, ang pinakahuling hakbang ng Washington para patatagin ang mga supply chain ng semiconductor kasama ang mga kaalyado, ayon sa US State Department.

Ang kasunduan, na nilagdaan noong Abril 16, ay nagdaragdag sa Pilipinas bilang ika-13 bansang sumali sa Pax Silica, isang inisyatibang suportado ng Washington na inilunsad noong 2025 upang palakasin ang buong supply chain ng teknolohiya — mula sa mga kritikal na mineral at advanced na pagmamanupaktura hanggang sa imprastruktura ng computing at data.

Ang hub ay inaasahang magiging “AI native,” ibig sabihin, idinisenyo ito upang ang artificial intelligence ay nakapaloob na mula sa simula pa lamang at hindi na idinadagdag sa huli.

Pagpapalakas ng alyansa

Direkta ang layuning estratehiko. "Ang kasalukuyang istruktura ng pandaigdigang supply chain ay hindi na napapanatili," ayon kay Jacob Helberg, US under secretary of state for economic affairs, sa Wall Street Journal. "Kung titingnan ang kabuuang supply chain stack, antas kada antas, ganap na dominado ng Tsina."

Nagpakuha ng larawan ang mga opisyal ng Pilipinas at US, kabilang si US Under Secretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg (gitna), habang nag-uusap tungkol sa isang sentro ng industriya na nakatuon sa artificial-intelligence sa New Clark City, Tarlac, Pilipinas. [Philippine Department of Finance]
Nagpakuha ng larawan ang mga opisyal ng Pilipinas at US, kabilang si US Under Secretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg (gitna), habang nag-uusap tungkol sa isang sentro ng industriya na nakatuon sa artificial-intelligence sa New Clark City, Tarlac, Pilipinas. [Philippine Department of Finance]

“Ito ay inaasahang magsisilbing panimulang punto para sa isang nakalaang plataporma para sa allied manufacturing,” ayon sa State Department. “Nakatutok ang dalawang magkaalyado sa pagpapalakas ng pinagsasaluhang supply chain sa mga kritikal na mineral, semiconductor, electronics at iba pang produkto.”

Itatayo ang hub sa New Clark City, ang pangunahing planadong metropolis ng Pilipinas sa hilaga ng Maynila. Pag-aari at dine-develop ito ng gobyerno sa pamamagitan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Sa kasunduan, gagamitin ng Estados Unidos ang lugar nang walang upa at pamamahalaan ito bilang isang special economic zone, sa ilalim ng dalawang taong lease na maaaring i-renew hanggang 99 taon.

Magkakaroon ng diplomatic immunity ang hub at gagana sa ilalim ng US common law, ang kauna-unahang ganitong kaayusan sa buong mundo.

Gayunman, nananatiling isang konsepto ang proyekto sa kasalukuyan. Ang mga pabrikang aaprubahan sa hub ay inaasahang magiging lubhang automated, gamit ang mga autonomous system na tatakbo nang 24 oras, ayon kay Helberg. Ang puhunan ay magmumula sa mga kumpanya sa pribadong sektor na magsusumite ng bid para makakuha ng puwesto sa hub.

Mga mineral at limitasyon

Malaki ang ambag ng Pilipinas sa likas na yaman sa pakikipagtulungan na ito. May sapat na reserba ang bansa ng nickel, copper, chromite at cobalt — mga mineral na mahalaga sa mga supply chain ng electronics at depensa.

Gayunman, kasalukuyang nag-e-export ang bansa ng hilaw na materyales at kulang sa kakayahang iproseso ang mga ito upang direktang makapasok sa mga advanced technology supply chain, ayon kay Gracelin Baskaran, direktor ng Critical Minerals Security Program sa Center for Strategic and International Studies sa Washington, ayon sa Journal.

“Sa pagsali sa Pax Silica, tinitiyak ng Pilipinas na ang ating mga yamang mineral at estratehikong lokasyon ay hindi lamang nananatiling nasa laylayan ng pandaigdigang industriya, kundi aktibong ginagamit para buuin ang mga industriya ng hinaharap,” ayon kay Finance Secretary Frederick Go.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Beijing. "Matagal nang may mahalaga at positibong papel ang Tsina sa pagpapanatiling ligtas at matatag ang pandaigdigang industriyal at mga supply chain," ayon kay Liu Pengyu, tagapagsalita ng embahada ng Tsina sa Washington, sa Journal. Tutol aniya ang Tsina sa pagtatayo ng eksklusibong trade bloc ng anumang bansa.

Itatayo ang hub sa loob ng Luzon Economic Corridor, isang tatluhang balangkas ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan, na may layuning palawakin ang imprastraktura sa transportasyon, malinis na enerhiya at pagmamanupaktura ng semiconductor.

Nagbibigay ang koridor ng akses sa Subic Bay, isang pangunahing pantalan sa isla ng Luzon. Ilang mga tagagawa mula sa Estados Unidos na nais bawasan ang pagdepende sa supply chain ng Tsina ay mayroon nang mga pabrika sa koridor. Naengganyo ang mga ito ng mas mababang gastos sa operasyon at akses sa pondong panrehiyon.

Mas matibay na alyansa

Pinatitibay ng inisyatibang ito ang ugnayan ng Washington sa isang mahalagang kaalyado sa Southeast Asia. Lalong uminit ang relasyon ng Manila at Washington sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglapit sa bansa sa Estados Unidos. Pinaigting din ng Tsina ang agresibong hakbang laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kaya naging sentral ang bansa sa mas malawak na layunin ng Washington na patibayin ang network ng mga kaalyado sa Indo-Pacific.

Samantala, sinabi ni BCDA Chairman Hilario Paredes na patuloy pang sinusuri ng mga awtoridad ang sapat na lupang magagamit sa New Clark City. "Kailangan pa naming magpulong at plantsahin ang mga detalye," aniya sa Reuters.

Kabilang sa iba pang lumagda sa Pax Silica ang Australia, Finland, India, Qatar, South Korea at Singapore. Nakabatay ang kasunduan ng Pilipinas sa US-Philippines Critical Minerals Framework at kasabay ng paggunita sa ika-80 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link