Ayon kay Zarak Khan at sa AFP |
Naglaan ang mga bansang Quad -- ang Estados Unidos, India, Australia at Japan -- ng $20 billion upang siguruhin ang mga supply chain ng kritikal na mineral at inilunsad ang kanilang unang magkasanib na proyektong imprastraktura. Ang mga pagsisikap na ito ay naglalayong palakasin ang kooperasyong rehiyonal sa seguridad pandagat at katatagan sa enerhiya sa buong Indo-Pacific.
Nagpulong ang mga foreign minister sa New Delhi noong Mayo 26, kung saan sumama si U.S. Secretary of State Marco Rubio kina Indian External Affairs Minister Subrahmanyam Jaishankar, Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi at Australian Foreign Minister Penny Wong para sa ikatlong Quad ministerial mula noong Setyembre 2024.
Sinabi ng Quad sa isang pinagsamang pahayag na sama-samang maglilikom ang mga miyembro ng $20 bilyon sa pondo ng pamahalaan at pribadong sektor upang patatagin ang mga supply chain ng kritikal na mineral, kabilang ang pagtukoy ng mga proyekto sa apat na bansa.
Mga kritikal na mineral
Gagabayan ng Quad Critical Minerals Framework kung paano pakikinabangan ng mga miyembro ang mga instrumento sa patakarang pang-ekonomiya at pag-uugnayin ang pamumuhunan, kabilang sa pagmimina, pagproseso at pag-recycle. Sa mga kritikal na mineral, bumaling ang administrasyon ng U.S. sa mas tradisyonal na diplomasya sa pamamagitan ng pagbuo ng mga network kasama ang nga kaalyado sa gitna ng tumitinding pagkabahala sa dominasyon ng Tsina sa mga yaman na mahalaga sa mga industriya ng high-end na teknolohiya.
![Dumalo sina U.S. Secretary of State Marco Rubio (L), Indian External Affairs Minister Subrahmanyam Jaishankar (2L), Australian Foreign Minister Penny Wong (R) at Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi (2R) sa Quad Foreign Ministers Meeting sa New Delhi noong Mayo 26. Inanunsyo ng mga ministro ang mga bagong inisyatibo sa mga kritikal na mineral, seguridad pandagat at imprastraktura sa Pacific. [Julia Demaree Nikhinson/Pool/AFP]](/gc9/images/2026/05/27/56322-afp__20260526__b3zk28v__v2__highres__indiausaustraliajapandiplomacy-370_237.webp)
![Tinalakay ni U.S. Secretary of State Marco Rubio ang ugnayang U.S.-India kasama si Indian Prime Minister Narendra Modi sa New Delhi noong Mayo 23. Naghatid si Rubio ng imbitasyon para kay Modi na bumisita sa White House. [X/U.S. Secretary of State Marco Rubio]](/gc9/images/2026/05/27/56323-photo_2_quad-370_237.webp)
Maaaring mapatunayang lubhang makabuluhan ang hakbang na ito para sa Japan matapos itigil ng Tsina ang pagpapadala ng ilang mineral na ginagamit sa mga industriya ng aerospace, depensa at semiconductor kasunod ng isang diplomatikong alitan na sumiklab noong Nobyembre.
Bukod dito, nagkasundo ang India at Estados Unidos sa isang pinagsamang balangkas upang siguruhin ang mga suplay ng kritikal na mineral at rare earth, kabilang ang kooperasyon sa pagmimina at pagproseso, sabi ni Jaishankar noong Mayo 26.
Mga inisyatiba sa S. Pacific at teknolohiyang pandagat
Sa unang pagkakataon, sinabi ni Wong na nakikipagtulungan ang Quad sa pagsuporta sa pagpapaunlad ng daungan sa Fiji. Isa itong mahalagang islang bansa sa South Pacific, kung saan nagsagawa ang Tsina ng puspusang pagsisikap para sa mas malaking impluwensya sa estratehiya at imprastraktura.
Nagtakda ang Quad ng layunin na pag-ugnayin ang mga isla sa South Pacific sa pamamagitan ng mga undersea cable bago matapos ang taon, upang mas mailapit ang ugnayan ng mga ito sa apat na demokrasya.
"Kinikilala namin ang aming obligasyon -- ang aming pananagutan -- na magbigay ng mga tunay na pagpipilian, lalo na habang lumalala ang estratehikong kalagayan sa aming rehiyon," ani Wong.
Sinabi ng apat na bansa na magtutulungan sila sa dalawang inisyatibong pandagat -- ang isa ay pagsasanib ng kanilang mga kakayahan sa pagmamanman at ang isa pa ay pagbibigay ng mas pinahusay na real-time na impormasyon sa mga komersyal na sasakyang pandagat.
Ayon kay Rubio, humigit-kumulang 60% ng pandaigdigang kalakalang pandagat ang dumaraan sa Indo-Pacific, at tinawag itong "isang mahalagang pambansang interes hindi lamang para sa apat na bansang kinakatawan dito ngayon, kundi pati na rin sa dose-dosenang bansa, at hindi mabilang na mga bansa sa buong mundo."
Mga pagkabahala sa Tsina, Iran
Nananatiling isang pangunahing dahilan ng kooperasyon ng Quad ang mga pagkabahala tungkol sa Tsina, ayon sa mga analyst.
"Ang nagtutulak na puwersa sa likod ng Quad, ang hamon mula sa Tsina, ay kasing permanente ng anumang bagay sa ugnayang pandaigdig,” ayon sa pagsusuri ng Australian Strategic Policy Institute noong Mayo 25.
Ipinahayag ng mga ministro ang isang hakbang sa seguridad sa enerhiya at nanawagan para sa mas malayang pagdaan sa Strait of Hormuz. Kinondena nila ang mga pag-atake sa mga komersyal na sasakyang pandagat at tinutulan ang anumang pagpapataw ng toll, habang binibigyang-diin ang walang patid na daloy ng pandaigdigang kalakalan sa strait at sa Red Sea.
Naging mapanganib ang paglalayag sa strait simula noong Pebrero 28, ang pagsiklab ng digmaan ng US at Israel laban sa Iran.
Alitan hinggil sa katubigan
Magdudulot ng malubhang epekto sa panrehiyong seguridad sa enerhiya ang anumang pagkaantala sa Strait of Hormuz, dahil nahaharap ang Indo-Pacific sa "matinding kagipitan sa ekonomiya," ani Wong.
Sa isang pinagsamang pahayag, sinabi ng apat na ministro na nananatili silang "lubhang nababahala" sa sitwasyon sa South China Sea at East China Sea. Muli nilang iginiit ang kanilang "matinding pagtutol sa anumang nakakagulo o unilateral na hakbang kabilang ang paggamit ng puwersa o pamimilit."
Kinondena nila ang "mga mapanganib at mapilit na hakbang," pati na ang "paghadlang sa kalayaan sa paglalayag" at ang "militarisasyon ng mga pinag-aagawang teritoryo" -- mga pahayag na itinuturing bilang patama sa Beijing.
Binatikos ng Tsina ang mga pinakabagong hakbang ng Quad, sa pamamagitan ng pahayag ng tagapagsalita ng Foreign Ministry na si Mao Ning na tinututulan ng Beijing ang mga "eksklusibong pangkatin" at "tunggalian ng mga bloke."
Inaangkin ng Tsina ang halos buong South China Sea bilang sarili nitong teritoryo at nagtayo na ng mga pasilidad militar sa ilang pinag-aagawang bahagi nito. Sumasapaw ang malawakang pag-aangkin nito sa teritoryo sa mga inaangkin ng ilang bansa sa Southeast Asia, habang may hiwalay na sigalot ang Beijing at Tokyo sa East China Sea.
Mga positibong senyales ng pag-unlad
Nais ng Washington na pagtuunan ng pansin ng Quad ang "mga konkretong resulta" sa halip na mga pagpupulong, ayon kay Rubio. Sumusulong nang "mabilis at masigasig" ang pagtutulungan, dagdag pa niya.
Tinukoy niya ang samahan bilang "isang mahalagang bahagi at haligi ng ating pandaigdigang estratehiya," at sinasabing ang apat na bansa ay nagkakaisa sa "matatag na mga pagpapahalaga -- matatag at masiglang mga demokrasya" na may "maraming magkahanay na interes."
Ipinakita ng pagpupulong na ang Quad ay umuusad mula sa talakayan patungo sa pagpapatupad, ani Jaishankar.
"Naging higit na malinaw ang layunin, higit na makabuluhan, at higit na nakatuon sa mga resulta ang Quad," aniya sa mga mamamahayag.
![Nag-pose para sa isang group photo sina Australian Foreign Minister Penny Wong, Indian External Affairs Minister Subrahmanyam Jaishankar, Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi at U.S. Secretary of State Marco Rubio sa idinaos na Quad Foreign Ministers Meeting sa New Delhi noong Mayo 26. [Julia Demaree Nikhinson/Pool/ AFP]](/gc9/images/2026/05/27/56320-afp__20260526__b3zk28l__v4__highres__correctionindiausaustraliajapandiplomacy-370_237.webp)