Seguridad

Pagpapalawak ng paggalugad ng China sa ilalim ng dagat, pinangangambahan ng militar

Nangongolekta diumano ang mga research vessel ng China ng mga sensitibong datos militar, na ikinababahala ng ilang mga bansa.

Ang Chinese research vessel na Xiangyanghong 01 ay nagsasagawa ng mga misyon ng pananaliksik para sa 2025 East Indian Ocean Scientific Expedition. Ayon sa mga analyst, ginagamit ng China ang oceanography para sa estratehikong pangingibabaw. [File/Ministry of Natural Resources ng China]
Ang Chinese research vessel na Xiangyanghong 01 ay nagsasagawa ng mga misyon ng pananaliksik para sa 2025 East Indian Ocean Scientific Expedition. Ayon sa mga analyst, ginagamit ng China ang oceanography para sa estratehikong pangingibabaw. [File/Ministry of Natural Resources ng China]

Ayon kay Wu Qiaoxi |

Malaking halaga ang ibinubuhos ng China para sa pamumuhunan ng pinakamalaking kalipunan ng mga research vessel sa buong mundo upang gawan ng mapa ang ilalim ng dagat, magsagawa ng mga siyentipikong pananaliksik, at posibleng sumuporta sa mga operasyong militar. Ito'y isang hakbang na ayon sa ilang mga tagapagmasid ay maaaring magdulot ng banta sa seguridad ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nito.

Ayon sa ulat ng Wall Street Journal noong Marso 12, ang mga advanced research vessel ng China na Xiangyanghong 01 at Dongfanghong 3 ay nangongolekta ng komprehensibong hydrological data sa silangang bahagi ng Indian Ocean nitong mga nakaraang linggo.

Sa mga nakaraang taon, ang mga research vessel ng China ay naging lubhang aktibo sa mga pandaigdigang pag-aaral sa karagatan, pangongolekta ng datos tungkol sa topograpiya ng ilalim ng dagat, mga agos ng dagat, at iba pang mga bagay na may kinalaman sa katubigan.

Bagaman ang impormasyong ito ay maaaring pakinabangan nang malaki sa pananaliksik tungkol sa pagbabago ng klima, pamamahala ng yamang-dagat, pagkabit ng submarine cable, at pagmimina sa kailaliman ng dagat, maaari rin itong magbigay sa People's Liberation Army (PLA) ng bentahe sa labanan.

Sa larawang ito na kuha noong 2016, makikita ang ROV Deep Discoverer na kinukunan ang isang bagong tuklas na hydrothermal vent field sa Chammoro Seamount. [NOAA Office of Ocean Exploration and Research]
Sa larawang ito na kuha noong 2016, makikita ang ROV Deep Discoverer na kinukunan ang isang bagong tuklas na hydrothermal vent field sa Chammoro Seamount. [NOAA Office of Ocean Exploration and Research]

Ang datos mula sa pananaliksik sa karagatan ay maaaring gamitin para sa mga layuning militar, tulad ng pagpapahusay sa pagposisyon ng mga mina, pagpapabuti ng sonar detection, at pagtulong sa mga submarino na makaiwas sa pagsubaybay.

Sinabi ni Matthew Funaiole, isang senior fellow ng China Power Project ng Center for Strategic and International Studies (CSIS), sa Wall Street Journal, “Kung may partikular na datos na mahalaga sa militar ng China at nais nilang makuha iyon, makukuha nila iyon. Walang makapipigil sa kanila.”

Samantala, sinabi ng dating opisyal ng CIA na si Nick Thompson sa The Cipher Brief na ang mga pagkilos ng China ay hindi lamang simpleng pananaliksik na pang-agham. Ang mga ito ay "lubhang nakaugnay rin sa pangangalap ng intelihensya."

Madalas na makikita ang mga research vessel ng China malapit sa India, Australia, Pilipinas, at Taiwan. Ayon kay Thompson, ang mga aktibidad na ito ay tila sumusubok sa mga hangganang teritoryal at unti-unting “ginagawang normal ang ganitong mga gawain.”

Kahina-hinalang kilos

Ayon sa pananaliksik ng CSIS, sa pagitan ng 2020 at 2024, ang mga survey vessel ng China ay gumugol ng daan-daang libong oras sa pagsasagawa ng mga operasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa 64 na aktibong survey vessel ng China, mahigit 80% ang konektado sa PLA o sa mga kaugnay nitong institusyon.

Ang ilan sa mga sasakyang-dagat na ito ay bumisita sa mga daungan ng militar kung saan ang mga ito'y naging bahagi ng mga kahina-hinalang aktibidad, tulad ng pagpapanggap bilang ibang barko, hindi pagpapagana ng identification system, at pag-iwas sa pagsubaybay ng radar. Ang mga gawaing ito ay maaaring bahagi ng pagpapalakas ng pampulitikang heograpiya na agenda ng Beijing.

Paulit-ulit na pumapasok ang mga research vessel ng China sa Exclusive Economic Zones (EEZ) ng ibang mga bansa, na nagpasiklab ng mga protesta mula sa Japan, India, at iba pang mga pamahalaan.

Ang paraan ng pangongolekta ng mga datos ng katubigan -- kasama ng hindi malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng sibilyan at militar sa China -- ay dahilan upang "mag-alala ang India," ayon kay Anushka Saxena, isang research analyst mula sa Takshashila Institution, isang Indian think tank, sa panayam ng Journal.

Inaamin ng mga Chinese media na ang ilan sa kanilang mga misyon ng pananaliksik ay may kasamang "komprehensibong obserbasyon sa larangan ng military oceanography."

Ang mga natuklasan mula sa mga ekspedisyong ito ay maaaring magpahusay sa mga kakayahan ng PLA, upang mapalawak ang impluwensiyang militar nito sa malalayong karagatan at sa mundo sa kailaliman ng karagatan.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *