Lipunan

Pagyakap ng Southeast Asia sa Belt and Road ng China, nakababahala para sa demokrasya

Ang pagluwas ng Beijing ng mga kagamitan para sa digital surveillance at ng mga policy playbook ay nagpadali para sa mga hindi liberal na mga pinuno na limitahan ang mga karapatang sibil ng mga mamamayan.

Ang konstruksyon ng China-Thailand Railway sa Ayutthaya, Thailand noong Mayo 1, 2024. [Wang Teng/Xinhua via AFP]
Ang konstruksyon ng China-Thailand Railway sa Ayutthaya, Thailand noong Mayo 1, 2024. [Wang Teng/Xinhua via AFP]

Ayon kay Jarvis Lee |

Ang mga proyekto ng China sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI) sa Southeast Asia ay nakadaragdag ng pangambang maaaring iang mga ito'y isa sa mga sanhi ng pagsadsad ng demokrasya sa rehiyon.

Noong Enero 2025, inanunsyo ng Thailand na 36% ng unang bahagi ng China–Thailand high-speed railway ang natapos na, at inaasahang magagamit na ito pagsapit ng 2030.

Layunin ng proyektong matulungan ang Thailand na maging isang rehiyonal na sentrong pang-logistik. Inilarawan ito ng tagapagsalita ng pamahalaan na si Jirayu Houngsub bilang “isang oportunidad para sa Thailand na makipag-ugnayan sa pandaigdigang ekonomiya.”

Gayunpaman, ang pangunahing proyektong ito ng Belt and Road Initiative (BRI) — tulad ng marami pang iba na suportado ng China — ay humaharap sa kontrobersiya mula pa noong ito ay sinimulan.

Mga dumaraang sasakyan sa Sihanoukville, Cambodia, noong Abril 8. Matapos ang pagdagsa ng pamumuhunan mula sa China, ang dating tahimik na bayan ng pangingisda ay naging sentro na ng pagsusugal na winawasak ng korapsyon, krimen, at ng mga alalahanin ukol sa kaligtasan.[Tang Chhin Sothy/AFP]
Mga dumaraang sasakyan sa Sihanoukville, Cambodia, noong Abril 8. Matapos ang pagdagsa ng pamumuhunan mula sa China, ang dating tahimik na bayan ng pangingisda ay naging sentro na ng pagsusugal na winawasak ng korapsyon, krimen, at ng mga alalahanin ukol sa kaligtasan.[Tang Chhin Sothy/AFP]

Ang mga pagkaantalang dulot ng mga isyu sa pagpopondo, hindi pagkakasundo sa disenyo, at ang pandemya ng COVID-19 ay nagpaliban sa proyekto nang halos isang dekada, na lalong nagdulot ng pagkadismaya ng publiko.

Kinuwestiyon ng mga kritiko kung ginagamit ng namumunong Pheu Thai Party ang proyekto upang makapagbigay ng mga benepisyong pang-ekonomiya sa mga kaalyado nito sa pulitika. Ito’y lalong nagpalalim ng kanilang ugnayan sa mga lokal na makapangyarihang personalidad at mga piling tao sa negosyo.

Pinuna ni Prem Singh Gill, isang miyembro ng oposisyong Thai People's Party, ang proyekto sa isang panayam sa Focus.

“Ang mga kontrata sa konstruksyon, mga karapatan sa pagpapaunlad ng lupa malapit sa mga magiging estasyon, at mga posisyon ng tagapayo ay inilalaan sa mga taong pinili gamit ang mga sistemang padrino,” sabi niya.

Dagdag pa niya, ang mga proyektong nagkakahalaga nang malaki ay kadalasang pinagpapasyahan sa mga “closed-door na negosasyon sa pagitan ng mga pinuno sa pulitika at mga negosyante, nang hindi dumaraan sa parlyamento at sa mga pampublikong konsultasyon.”

Binanggit niya ang proyektong high-speed rail bilang halimbawa kung paanong “ang pangako ng pamumuhunan mula sa China ay lumikha ng sariling istruktura ng pagpapasya na kaagapay – at kung minsan ay kapalit pa – ng mga pormal na demokratikong institusyon.”

Paglaganap ng katiwalian

Bukod sa Thailand, ang Cambodia, na nakipag-alyansa sa BRI, ay itinuturing bilang bansa sa Southeast Asia na pinakanaiimpluwesyahan ng China.

Pumapangalawa ang Cambodia sa buong mundo, kasunod ng Pakistan, pagdating sa impluwensya mula sa China, lalo na sa larangan ng domestikong pulitika, teknolohiya, at pagpapatupad ng batas, ayon sa 2024 China Index na inilabas ng Doublethink Lab, isang nonprofit na nakabase sa Taiwan.

Agresibong pumasok ang kapital ng China sa Phnom Penh, kung saan nangingibabaw ito sa real estate, turismo, mga industriyal na parke, at sektor ng enerhiya, ayon sa isinulat ni Chen Chien-fu, associate professor sa Department of Diplomacy and International Relations ng Tamkang University, noong 2023 sa Taiwan International Studies Quarterly.

Ayon kay Chen, lalong pinalala ng perang galing sa China ang "katiwalian ng mga lokal na opisyal, dahil sa mga suhol na ibinibigay ng mga negosyanteng Chinese—sa pamamagitan ng koneksyon o pera."

Sa Sihanoukville, binago ng pagdagsa ng pamumuhunang Chinese ang dating tahimik na bayan ng pangingisda at ginawa itong sentro ng online na pandaraya at ng money laundering, na nagdulot ng pagdami ng krimen at pagkasira ng pampublikong seguridad, sabi niya.

Nang inatras ang pamumuhunan ng China, iniwan nila ang siyudad nang may mga abandonadong construction site, nagtataasang halaga ng mga bilihin, at lumalalang tensyon sa lipunan.

Ang Myanmar (Burma) naman ay isa pang nakababahalang halimbawa.

Sa kabila ng kasalukuyang digmaang sibil, ipinagpapatuloy pa rin ng China ang proyekto ng China–Myanmar Economic Corridor (CMEC), na mula sa baybaying pantalan ng Kyaukphyu patungo sa hangganan ng China. Mahigit 1,000 na kilometro ang haba at may halagang lampas $15 bilyon ang proyektong ito.

Ngunit, ang konstruksyon ay napahinto dahil sa digmaang sibil. Sa kasalukuyan, ang umuusad lamang ay ang nasa Kyaukphyu at ang ilang maliliit na proyektong nag-uugnay sa mga naturang lugar.

Ang CMEC ay konektado sa mas malawak na mga komersyal na aktibidad ng China sa Burma. Kabilang rito ang mga operasyon kung saan kinukuha ang mga likas na yaman ng Burma, na lubhang nakapipinsala sa kapaligiran at nag-aambag sa pagkasira ng ekonomiya, dulot ng digmaan sa bansa.

Isang artikulo noong Mayo 2024 sa The Pacific Review ang nag-ulat na sa gitna ng kaguluhang pampulitika matapos ang kudeta sa Burma, nagsagawa ang mga kumpanyang Chinese ng mga hindi awtorisado at, sa ilang kaso, kriminal na pagmimina nang walang wastong pangangasiwa, na siyang nagbunsod ng galit ng publiko.

Paghihigpit sa mga karapatang sibil

Isang ulat noong 2021 mula sa Brookings Institution sa United States ang nagbabala na habang pinalalawak ng China ang mga imprastrukturang proyekto sa Southeast Asia, "dumarami ang mga insidente ng katiwalian ng mga piling tao na may kapangyarihan."

Binanggit ng ulat na "ang pagluwas ng Beijing ng mga kagamitan para sa digital surveillance at ng mga policy playbook na bukas upang magamit" ay "nagpadali para sa mga hindi liberal na mga pinuno na limitahan ang mga karapatang sibil ng mga mamamayan."

Habang patuloy na pinaiigting ng China ang pagkasangkot nito sa imprastruktura at ekonomiya ng Southeast Asia, nagiging mas mapanghamon para sa mga pinuno ng rehiyon at sa mga organisasyong panlipunan ang pagbabalanse ng pag-engganyo sa dayuhang kapital at ng pangangalaga sa demokratikong pamamahala.

[Ika-apat sa apat na bahagi ng serye tungkol sa Belt and Road Initiative ng China sa Southeast Asia]

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *