Seguridad

Ang mga 'research' vessel ng China ay talagang tungkol sa paniniktik

Inilalarawan ng mga aktibidad ng mga reasearch vessel ng China ang gray zone operations -- nagmamaniobra sa malabong linya sa pagitan ng siyentipikong pananaliksik at lihim na pangangalap ng impormasyon.

Ang research vessel ng China na Kexue, na makikita sa larawang ito na walang petsa, ay nakatapos ng dalawang buwang siyentipikong ekspedisyon sa kanlurang Pasipiko matapos umalis mula sa Xiamen noong Abril. [China Academy of Sciences]
Ang research vessel ng China na Kexue, na makikita sa larawang ito na walang petsa, ay nakatapos ng dalawang buwang siyentipikong ekspedisyon sa kanlurang Pasipiko matapos umalis mula sa Xiamen noong Abril. [China Academy of Sciences]

Ayon kay Chen Mei-hua |

Ang pagpapadala ng China ng mga oceanographic research vessel ay halimbawa ng tinatawag na gray zone tactics -- bagaman tila nagsasagawa ng mga siyentipikong misyon, pero ang totoo, madalas itong ginagamit sa pangangalap ng impormasyong militar at pagsulong ng mas malawak na estratehikong layunin sa karagatan.

Noong Hunyo, bumalik ang Chinese research vessel na Kexue matapos ang dalawang buwang siyentipikong pagsasaliksik sa kanlurang Pasipiko, ayon sa pahayag ng Qingdao Customs, ang awtoridad ng customs para sa lungsod ng Qingdao.

Sa taong ito, sinabi ng awtoridad na naiproseso nito ng walong beses ang pagpasok at paglabas ng limang research vessel. Idinagdag pa na “epektibong nasuportahan nito ang mga pagsisikap ng China sa oceanographic research sa malalalim na karagatan.”

Gayunpaman, madalas umanong magkunwaring mga barkong pang-siyentipikong pananaliksik ang mga vessel gaya ng Kexue, habang ang totoo ay nagsasagawa ng mga sensitibong mga misyon, isinulat ni Jun Kajee, isang analyst sa maritime transparency initiative na SeaLight, noong Hunyo 3.

Ang Chinese research vessel na Song Hang ay nakitaan ng kahina-hinalang galaw na parang grid (makikita sa kaliwa) -- isang matinding kaibahan kumpara sa mga ruta ng ibang barko, ayon sa rebelasyon ng Maritime AI ng Windward. [Windward/x.com]
Ang Chinese research vessel na Song Hang ay nakitaan ng kahina-hinalang galaw na parang grid (makikita sa kaliwa) -- isang matinding kaibahan kumpara sa mga ruta ng ibang barko, ayon sa rebelasyon ng Maritime AI ng Windward. [Windward/x.com]

Kabilang sa mga misyong ito ang pagsasagawa ng seabed mapping at pagmamanman sa aktibidad ng mga dayuhang militar at komersyal, na kalaunan ay sumusuporta sa mga operasyon ng submarine ng China, pagsasamantala sa yamang-dagat, at mga pag-angkin ng soberanya.

Gamit ang ship-tracking data mula sa Starboard Maritime Intelligence, naitala ni Kajee ang ilang kahina-hinalang operasyon.

Noong 2023, halimbawa, naglayag ang Xiang Yang Hong 10 sa isang ruta na tila "ginaya ang Chinese character na “中” (“China”) sa pinag-aagawang karagatan ng Vietnam.

Maaaring nagsilbi ito bilang simbolikong "psychological signaling o pag-aangkin ng teritoryo," ayon sa isinulat ni Kajee.

Sa parehong taon, nagsagawa ng matagalang pagsisiyasat ang Haiyang Dizhi 8 sa Exclusive Economic Zone ng Malaysia, at namataan naman ng coast guard ng Japan ang Xiang Yang Hong 18 na kahina-hinalang kumikilos malapit sa pinag-aagawang Senkaku Islands.

Sa maagang bahagi ng taong ito, sinuri ng Dong Fang Hong 3 ang seabed ng Indian Ocean, habang matagal namang nag-operate ang Tan Suo Yi Hao sa paligid ng New Zealand at Australia.

Madalas samahan ng mga barko ng coast guard at maritime militia ng China ang mga survey mission na ito upang takutin ang mga bansa sa rehiyon, sinabi ni Kajee.

“Ang pagtuligsa sa isang itinuturing na sibilyang barko ay may panganib na humantong sa eskalasyon at batikos mula sa pandaigdigang komunidad,” aniya. Dagdag pa niya, “bahagi umano ang mga operasyong ito ng mas malawak na estratehiyang tinatawag na 'salami-slicing,' kung saan unti-unting itinataguyod ng China ang mga interes nito sa paraang hindi pa umaabot sa antas ng hayagang tunggalian.”

'Pagtatago ng talim'

Marami sa mga research vessel ng China ang may high-precision underwater acoustic positioning systems, ayon kay Zhou Feng, isang propesor mula sa Harbin Engineering University, batay sa ulat ng Guangming Daily noong Hunyo,.

Ang mga sistemang ito ay kayang tukuyin ang mga target sa loob ng isang metrong saklaw, na nagsisilbing parang “mata” ng mga deep-sea submersible, aniya.

Madalas maglagay ang mga barkong ito ng malalaking sonar array na idinisenyo para sa detalyadong pagma-map ng ilalim ng dagat, sinabi ni Taiwanese military analyst Wu Ming-chieh sa Focus.

Ang impormasyong ito ay tumutulong sa mga Chinese submarine na mag-navigate sa malalalim na bahagi ng dagat at matukoy ang mga paborableng lugar para sa pananambang, na posibleng kabilang ang mga ruta ng pagpapatrolya ng mga submarine ng US.

Inilarawan niya ang mga pagsisikap na ito bilang isang uri ng “paghahanda sa larangan ng digmaan” sa buong Indo-Pacific, at tinawag itong kasangkapan ng gray zone tactics para sa palihim na panghihimasok sa ilalim ng dagat.

Ang mga gray zone tactic ng China sa paligid ng Taiwan ay mga “quasi-aggressive action," sinabi ni Huang Tsung-ting, isang associate research fellow sa Taiwan's Institute for National Defense and Security Research, sa Focus.

Habang ang mga military drill ng China ay kumakatawan sa “pagpapakita ng tabak,” ang mga research vessel naman na "tahimik na naglilibot" malapit sa mga karagatan ng Taiwan ay anyo ng “pagtatago ng talim,” aniya.

Madalas maglayag ang mga barkong ito malapit sa 24-nautical-mile contiguous zone ng Taiwan sa ilalim ng pagpapanggap na ito'y para sa siyentipikong gawain, pero ang totoo, nangangalap sila ng sensitibong datos na hydrological at maaaring gamitin sa militar, ayon kay Huang.

Ayon sa imbestigasyon ng New York Times noong Hulyo, paulit-ulit na nagsagawa noong 2024 ang mga barko ng China tulad ng Xiang Yang Hong 6 ng pagsisiyasat sa seabed sa silangang baybayin ng Taiwan.

Sumunod ang mga ito sa mabagal, magkahanay, at parang grid na mga ruta -- na angkop para sa sonar-based na bathymetric mapping. Ang ilan sa mga barko ay lumapit sa 12-nautical-mile na hangganan ng teritoryo ng Taiwan.

“Ang pangunahing punto para sa akin ay ito: Mukhang sinisikap ng China na mangalap ng bathymetric data sa bahaging iyon ng karagatan nang hindi halatang nagsasagawa ito ng bathymetric survey,” ayon kay Ryan D. Martinson, assistant professor sa US Naval War College, na nagsalita sa personal na kapasidad sa ulat.

Pagbawas ng kawalang katiyakan

Maliban sa mga barkong pang-survey, nagdulot ng pangamba ang mga emergency cable-laying vessel na pinaghihinalaang pumutol ng mga undersea telecom cable sa Taiwan Strait.

Ang paglalarawan sa mga naturang aksyon bilang “gray zone” lamang ay nanganganib na maliitin ang kanilang kalubhaan, sinabi ni Huang.

Bagamat matagal nang ginagamit ng ibang mga bansa ang oceanographic survey para sa layuning militar, naiiba ang China sa pagsasama nito ng pangangalap ng impormasyon sa mapang-aping pag-angkin ng soberanya, sinabi sa Focus ni Ian Chong, isang political scientist mula sa National University of Singapore.

Sa ilalim ng pagbabantay ng militar at coast guard ng China, parami ng parami ang mga misyong isinasagawa ng mga barko sa karagatan ng Indo-Pacific.

“Ang diwa ng mga gray zone tactic ay nasa kawalang katiyakan, na nagpapahirap sa kabilang panig na makapagbigay ng malinaw na tugon. Isa sa mga kontra-estratehiya rito ay ang pagpapalakas ng transparency at pagbabawas ng kawalang-katiyakan,” ayon kay Chong.

Tinukoy niya ang tagumpay ng Pilipinas sa pagbawas ng mga direktang pang-uudyok ng Beijing sa pamamagitan ng hayagang pagdodokumento ng mga aktibidad nito sa karagatan.

Gayunman, babala niya, ang anumang pangmatagalang tugon ay mangangailangan ng tiyaga at tibay ng loob laban sa patuloy na panggigipit mula sa China -- katulad ng matagal na tensyon at unti-unting pagbalanse noong Cold War.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *