Ayon kay Jia Feimao |
Nagbabala ang isang think tank sa US na maaaring mapilit ng China ang Taiwan na sumuko, kahit walang putukan, sa pamamagitan ng pagputol sa linya ng enerhiya nito. Ayon sa bagong ulat ng think tank, sinusubukan ng Beijing na hadlangan ang supply ng gasolina ng isla sa halip na salakayin ito.
Itinuturing ng China ang Taiwan bilang isang suwail na probinsya at hindi nito isinantabi kahit kailan ang paggamit ng puwersa upang sakupin ang demokratikong isla.
Ang pag-aaral, na inilabas noong Nobyembre ng Foundation for Defense of Democracies (FDD) na nakabase sa Washington, ay nagbigay ng mga rekomendasyon tungkol sa "katatagan sa enerhiya," "katatagan sa cyber," "katatagan sa pandagat," at "katatagan ng lipunan."
Ang nangungunang rekomendasyon para sa bawat kategorya, ayon sa pagkakasunud-sunod, ay: "Iba-ibahin ang mga Supply Chain ng LNG [Liquefied Natural Gas]," "Pahusayin ang Kooperasyon ng Publiko at Pribadong Sektor upang Protektahan ang Mahahalagang Imprastruktura," "Bigyang-priyoridad ang Pagpaplano at Pagsasanay ng Convoy at Escort," at "Ipahayag sa Publiko ang mga Planong Pantugon."
![Dumating ang tanker na Grand Aniva na nagdadala ng natural gas sa Kaohsiung, Taiwan, noong Marso 4, 2020. [CPC Corporation]](/gc9/images/2025/12/09/53072-lng-370_237.webp)
Ayon sa FDD, ang mga hakbang na ito ay makatutulong magbigay ng katiyakan sa Taiwan at sa mga katuwang nito na maaaring magpatuloy ang pagpapadala ng fuel kahit sa ilalim ng matinding panggigipit ng Beijing.
Noong Hunyo, nagsagawa ang FDD at ang Centre for Innovative Democracy and Sustainability (CIDS) ng Taiwan ng pagsasanay sa posibleng "energy siege" ng China at kung paano tutugon ang Taiwan at ang mga katuwang nito.
Nakipagpulong muna ang mga analyst ng FDD sa mga opisyal ng pamahalaan ng Europa, mga kinatawan ng industriya, at mga staff ng bipartisan na Kongreso ng US bago ilathala ang ulat na “Chinese Coercion of Taiwan's Energy Lifelines: A Contest Taiwan and the West Can't Afford to Lose.” (Ang Pangigipit ng China sa mga Linya ng Enerhiya ng Taiwan: Isang Labanang Hindi Maaaring Magpatalo ang Taiwan at ang Kanlurang Mundo.)
Humigit-kumulang 98% ng enerhiya ng Taiwan ay nagmumula sa pag-aangkat. Noong 2024, ang Australia, Qatar, at United States ang nag-supply ng humigit-kumulang 38%, 25%, at 10% ng mga inaangkat na LNG ng Taiwan, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ipinakikita ng mga naunang pag-aaral na kulang sa dalawang linggo ang LNG stockpiles at humigit-kumulang pitong linggo ang coal reserves ng isla. Ang pagputol sa supply ng enerhiya ay mabilis na makakaapekto sa produksyon, lalo na sa sektor ng semiconductor na sumusuporta sa pandaigdigang supply chain.
Nanganganib ang supply ng enerhiya
Hindi lamang Taiwan ang apektado. Ayon sa FDD, kung magkaroon ng matinding krisis sa enerhiya sa Taiwan, agad-agad maaapektuhan ang United States, mapuputol ang mga supply chain, at yayanigin nito ang mga merkado ng pananalapi.
Maaaring simulan ng Beijing na hadlangan ang supply ng enerhiya ng Taiwan sa pamamagitan lamang ng mga legal na papeles at mga barkong nagpapatrolya, sa halip na gumamit agad ng pwersa, ayon sa FDD. Binanggit nito ang posibilidad ng umano’y “karaniwang” inspeksyon, mga bagong patakaran sa customs, at mga cyber intrusion na tahimik pero epektibong nakakaabala sa pag-angkat ng enerhiya ng isla.
Hindi layunin ng Beijing na manalakay ngayon, gusto lamang nitong "iparamdam sa Taiwan na wala nang saysay ang paglaban sa hinaharap," ayon kay Craig Singleton, co-author ng pag-aaral, sa panayam sa Fox News.
Inilarawan niya ang kampanyang “gray-zone” bilang isang "dahan-dahang paggigipit" na maaaring biglang lumala sa pamamagitan ng paggamit ng napakalaking pwersa.
Ang “gray zone” ay isang termino para sa mga paraang pamimilit na hindi umaabot sa antas ng digmaan.
Pagre-reflag
Iminumungkahi ng ulat na dapat bigyang-priyoridad ng US Navy ang pagtulong sa mga barkong pangkalakalan na mag-reflag (magpalit ng rehistro) at maghanda ng mga ruta ng escort nang maaga upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga tanker kung magkaroon ng krisis. Ipinapanukala rin nito ang pagpapalawak ng kooperasyon sa convoy kasama ang Japan, Australia, at Pilipinas upang bumuo ng mas malawak at mas organisadong sistema ng pagtutulungan ng mga bansa para sa seguridad sa dagat.
Ginamit na ng Washington ang ganitong mga hakbang noon. Noong 1980s, habang tumataas ang tensyon sa Persian Gulf, ni-reflag at in-escort ng US Navy ang mga tanker ng langis ng Kuwait upang mabawasan ang panganib ng pag-atake.
Sinabi ni Chieh Chung, isang research fellow sa Association of Strategic Foresight ng Taiwan na nakibahagi sa pagsasanay ng FDD–CIDS, na ang isang senaryo ay nakatuon sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga fuel tankers patungong Taiwan.
Pinamunuan ang “Taiwan team,” humiling siya ng mga naval escort para sa isang energy ship, habang ang “US team” na pinangunahan ng dating chairman ng Joint Chiefs of Staff at Adm. (ret.) Michael Mullen ay mabilis na nagplano ng ruta.
Sinabi ni Chieh sa Focus na sa senaryo, isang barkong pandigma ng US ang naglayag mula Australia patungong hilaga at in-escort ang barko malapit sa Indonesia at Pilipinas bago ito pumasok sa isang pantalan ng Taiwan.
Ayon kay Chieh, ang tunay na panangga sa panggigipit ng China sa gray-zone ay ang panatilihing nakikita at naroroon ang mga pwersa ng US.
Muling paganahin ang nuclear power; bumili ng mas maraming LNG mula sa US
Sinabi ni Mark Montgomery, isang retiradong US rear admiral at senior fellow ng FDD at co-author ng ulat, na kumonsulta ang FDD sa mga external analyst kung paano palakasin ang katatagan ng enerhiya ng Taiwan, ayon sa Taiwan's Central News Agency.
Hinimok ng pag-aaral ng FDD ang Taiwan na muling paganahin ang mga nuclear power station nito, na isinara noong 2018–2025 dahil sa mga alalahanin sa kalikasan at kaligtasan. “Kung magkaroon ng matinding labanan sa isla, kung saan mahirap o imposible ang pagdadala ng enerhiya, napakahalaga na may karagdagang mga supply,” ayon sa FDD.
Ipinapayo rin ng FDD na dagdagan ng Taiwan ang pag-angkat ng LNG mula sa United States at payagan itong gumamit ng mga stockpile ng petroleum at LNG ng Japan, Australia, South Korea, at Singapore.
Gayunpaman, maaari ring subukan ng China kung gaano kadeterminado ang Taiwan at ang mga kaalyado nito.
Maaari ring subukan nitong “maghasik ng mga tanong sa mga online platform ng US na idinisenyo upang pahinain ang suporta ng publiko sa patuloy na operasyon ng convoy,” ayon sa FDD.
Maaaring talunin ng Taiwan ang planong panggigipit ng China kung titiisin nito ang “unang panggigipit,” ngunit kailangan ng "nagkakaisang pagkilos para patatagin ang panangga at pahirapin ang plano ng Beijing," ayon sa ulat. Binanggit ang Washington, Tokyo, Canberra, at Brussels bilang mahahalagang katuwang ng Taiwan.
“Ang tibay ng Taipei, at hindi ang paglaban nito, ang pinakamalaking dahilan ng pangamba ng CCP [Chinese Communist Party]," pagtatapos ng FDD.
![Ang Chinese missile frigate na Yuncheng ay naglayag sa mga katubigan ng Hong Kong noong Hulyo 3, kasabay ng pinalakas na aktibidad ng hukbong-dagat ng China, at nagbabala ang mga analyst na maaari itong maging banta sa mga ruta ng pagpapadala ng enerhiya ng Taiwan. [Chen Duo/Xinhua via AFP]](/gc9/images/2025/12/09/53071-afp__20250703__xxjpbee007369_20250703_pepfn0a001__v1__highres__spotnewschinahongkong-370_237.webp)