Ayon kay Hua Ziliang |
Kahit na nagsasagawa ang People's Liberation Army (PLA) ng China ng mga military exercises sa South China Sea at Western Pacific, sila ay higit na nakatuon sa pagbabantay sa pamumuno ng Chinese Communist Party (CCP) kaysa mga labanang militar, ayon sa isang kamakailang ulat mula sa RAND.
Ang ulat, na pinamagatang "Political Legitimacy and the People's Liberation Army", ay inilathala noong huling bahagi ng Enero ng naturang think tank na nakabase sa Estados Unidos.
Tinalakay nito ang pagbabago sa political legitimacy ng China mula noong 1949-- mula sa karismang rebolusyonaryo ni Mao Zedong, tungo sa modelo ng kaunlarang pang-ekonomiya ni Deng Xiaoping, at ngayon,sa pambansang populismo ni Xi Jinping.
Ang pagsalalay ni Xi sa pambansang populismo ay nagpatibay sa papel ng PLA bilang tagapakita ng lakas ng bansa sa pamamagitan ng modernisasyon ng militar, ayon sa mga may-akda ng ulat.
Gayunpaman, patuloy na "umiiwas ang PLA sa matinding paglala (ng sitwasyon) na maaaring magdulot ng pagkasawi ng marami," dahil ang mga ganitong negatibong sitwasyon ay maaaring magpahina sa pagiging lehitiimo ng CCP.
Inilatag ng ulat ang apat na posibleng mangyari sa hinaharap. Tatlo sa mga senaryong ito -- Rejuvenated China, Radicalized China, at Fortress China -- ang nakikitang may malalim na epekto sa Taiwan at sa seguridad ng rehiyon.
Sa senaryong Rejuvenated China, malalampasan ng CCP ang mga hamong pang-ekonomiya at mapalalakas nila ang ekonomiya, na makadadagdag sa kakayahan ng PLA na harapin ang militar ng Estados Unidos.
Maaaring piliin ng Beijing ang mga mas mapanganib na hakbang, tulad ng paglulunsad ng aksyong militar laban sa Taiwan. Ngunit malamang, pipiliin nito ang blockade o ang pagsakop sa mga offshore island kaysa malawakang pagsalakay.
Kung magkaroon naman ng kaguluhang pulitikal sa loob ng bansa sa senaryo ng Radicalized China, maaaring gamitin ng CCP ang sukdulang nasyonalismo upang ilihis ang pansin mula sa panloob na tensyon. Ito'y magpapataas ng posibilidad ng pagsasagawa ng mga mapanganib na hakbang tulad ng blockade, o ng air strike sa Taiwan. Gayunpaman, ang ganitong mga hakbang ay maaaring humantong sa isang labanang hindi kakayanin sa pangmatagalan.
Sa kabilang banda, kung ang pagbagsak ng ekonomiya at mga kabiguan sa pamamahala ay magtulak sa China sa isang depensibong posisyon sa senaryong Fortress China, uunahin ng PLA ang katatagan sa loob ng bansa kaysa mga panlabas na tunggalian. Gayunpaman, maaari pa ring magpatuloy ang Beijing sa panggigipit sa Taiwan sa pamamagitan ng mga cyberattack at economic coercion.
Aksyong militar
Bagama't ipinapahiwatig sa ulat ng RAND na malamang ay hindi maglulunsad ang China ng malawakang digmaan laban sa Taiwan sa malapit na hinaharap, pinabilis na ng China ang pagpapalakas ng kanilang puwersang militar upang "maging handa sa pagsakop sa Taiwan pagsapit ng 2027," babala ni Gen. Anthony J. Cotton, Commander ng US Strategic Command, sa isang defense conference noong Marso.
Nagtalaga na ang China ng kanilang mga target sa kahandaang militar para sa mga taong 2027 at 2030, alinsunod sa mga mas malawak nitong layunin para sa pagsulong ng kanilang kakayahang militar. Ito ay ipinahayag ni Chieh Chung, isang research fellow ng Association of Strategic Foresight sa Taiwan, sa isang panayam ng Epoch Times noong Pebrero.
Iniugnay ni Xi ang pangmatagalang layunin ng CCP para sa “great rejuvenation” ng China pagsapit ng 2049 sa "cross-strait reunification." Kung mukhang malabo ang mapayapang reunification, maaaring tingnan nila ang aksyong militar bilang isang posibilidad, paliwanag ni Chieh.
Ayon sa RAND, ang kahandaang makipaglaban ng CCP sa isang malawakang digmaan ay nakasalalay sa lakas ng political legitimacy nito.
Ang isang matatag at malakas na China ay maaaring gumawa ng kalkuladong aksyong militar, samantalang ang panloob na kawalang-katatagan ay maaaring magtulak sa CCP na gamitin ang nasyonalismo, na posibleng humantong sa mas agresibong mga hakbang.
Upang mapaghandaan ang mga posibleng banta, inirerekomenda ng RAND na palakasin ng Taiwan ang mga kakayahan nito sa depensa, masusing subaybayan ang mga panloob na galawan sa China, at paigtingin ang ugnayan sa mga pandaigdigang kaalyado upang mapanatili ang katatagan ng rehiyon at maiwasan ang paglala ng tensyong militar.