Ayon kay Shirin Bhandari |
Ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), mga kumpanyang nagpapatakbo ng online gambling sa Pilipinas para sa mga merkado sa labas ng bansa—lalo na sa China—ay nagdulot ng matinding pinsala sa bansa kahit patuloy ang mga opisyal sa pagsugpo ng mga ito.
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagbabawal sa mga POGO sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2024.
Lumobo sa laki ang sektor matapos luwagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga regulasyon sa pagsusugal noong 2017.
Bagama’t nagpapasok ang industriya ng humigit-kumulang $2.85 bilyon taon-taon at nakalilikha ng mga trabaho, tinatayang mas malaki naman ang taunang ginagastos para rito, na umaabot sa $4.55 bilyon. Ayon sa Department of Finance, binuksan ng mga POGO ang pinto para sa mga katiwalian, organisadong krimen, at mga banta sa pambansang seguridad.
![Kita sa mobile phone na ito ang isang tanyag na online gambling app, bahagi ng lumalagong digital na industriya sa Pilipinas na iniugnay sa pagkagumon at sa organisadong krimen. [Shirin Bhandari]](/gc9/images/2025/07/03/51059-shirinbhandari-2-370_237.webp)
![Umani ng kontrobersya ang aktres na si Nadine Lustre matapos itaguyod ang isang online gambling app sa social media, na binatikos ng kanyang mga tagahanga at ng mga pangkat ng adbokasiya. [Bigwin29/Instagram]](/gc9/images/2025/07/03/51060-gamble-370_237.webp)
Humigit-kumulang 50 na lisensya lamang ang iginawad sa mga POGO ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ngunit sa ginawang imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), may mahigit 300 na mga entity ang nagpapatakbo ng mga ganitong operasyon sa buong bansa noong 2024.
Ang ilang legal na POGO ay nagbigay ng mga sub-license sa mga hindi rehistradong grupo, na ang karamihan ay sangkot sa mga ilegal na gawain gaya ng mga cyber scam, human trafficking, pagpapahirap, at money laundering.
Bago ideklara ng gobyerno na ilegal ang lahat ng POGO, may ilang pasugalang tumatakbo malapit sa mga pasilidad ng militar at ng mga pulis sa Pilipinas. Ito’y nagdulot ng mga pangambang maaaring magsilbing "Trojan horse" ang mga pasugalang ito para sa banyagang paniniktik.
Ang mga halimbawa nito’y ang Bamban POGO site na 13 na kilometro lamang ang layo mula sa Clark Air Base, at ang isang resort na ginawang POGO sa Cavite ay malapit naman sa Sangley Point Naval Base.
Bahagi ang mga ito ng mas malaking larawan ng mga pasugalang nagsusulputan malapit sa mga estratehikong lugar.
Lalong tumindi ang mga pangamba noong Hunyo 2024, nang may nakuhang mga uniporme at insignia ng militar ng China sa raid ng isang POGO hub sa Porac, Pampanga.
Paglipat sa ibang bansa
Mula nang ipagbawal ang mga POGO, pina-igting ng PAOCC ang mga raid sa mga ito.
Noong unang bahagi ng 2025, nailigtas ng mga pulis ang 34 na Indonesian mula sa isang POGO sa Pasay kung saan pinilit silang magtrabaho at binantaan ng pagkaalipin dahil sa utang.
Noong huling bahagi naman ng Hunyo, pinaalis ng mga awtoridad mula sa bansa ang 100 na Chinese na nahuli nila sa mga raid sa mga ilegal na POGO simula pa noong nakaraang taon.
Aabot sa 80% ng 400 na mga POGO ang tumigil na sa pagtakbo, at layunin ng pamahalaan na mapuksa ang lahat bago matapos ang 2025, ayon sa anunsiyo ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz noong Pebrero.
“Kapag tuluyan na nating napasara ang natitirang mga operator na ito, saka natin maipapahayag na malaya na ang Pilipinas mula sa POGO,” sabi niya, ayon sa ulat ng Chronicle.
Dahil sa pinaigting na pagpapatupad ng batas sa Pilipinas, ang mga ilegal na network ng pagsusugal ay lumilipat na sa mga bansang tulad ng Cambodia, Timor-Leste, at maaari ring sa Thailand.
Ayon sa DOJ, tinaguriang "Malta ng Asia" ang Timor-Leste, na nakaeengganyo ng mga kumpanya dahil sa maluwag nitong pangangasiwa at sa mga ambisyon nitong maging sentro ng pagsusugal sa rehiyon.
Samantala, ang hakbang naman ng Thailand na gawing legal ang pagsusugal online ay nagdulot ng mga pangambang maaaring gawin itong bagong daan para sa money laundering.
Sa rehiyon, tinalakay ang isyu ng mga cross-border na krimen at mga online scam sa ika-27 na ASEAN-China Summit sa Laos noong Oktubre 2024.
Ayon sa mga manunuri, kailangan ng mas nagkakaisang pagkilos.
“Kung hindi magsasama-sama ang mga bansa upang bumuo ng nagkakaisa at magkakaugnay na tugon, halos imposible nang maresolba ang mga isyu at maging epektibo laban sa mga ito,” ayon kay Benedikt Hofmann, deputy regional representative ng United Nations Office on Drugs and Crime for Southeast Asia and the Pacific, sa isang dokumentaryo ng Channel News Asia na lumabas noong Disyembre.
Bagama’t wala pang malinaw na tugon ang rehiyon, binigyang-pansin niya na ang ASEAN at ang iba pang mga grupo ay nagsisimula nang "magsama-sama upang bumuo ng nagkakaisang tugon."