Ayon kay Shirin Bhandari |
Siyam na taon matapos manalo sa isang makasaysayang legal na kaso laban sa China, gumagawa na ang Pilipinas ng konkretong hakbang upang itaguyod ang soberanya sa West Philippine Sea. Sa pinagtatalunang Pag-asa Island, nagtayo na ang bansa ng mga bagong imprastrukturang militar at sibilyan, sa kabila ng tumitinding presensya ng China sa rehiyon.
Noong 2016, ibinasura ng Hague Tribunal ang malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea at itinaguyod ang mga karapatang pandagat ng Pilipinas. Ngunit ang desisyong ito ay ipinagwalang-bahala ng Beijing, at hanggang ngayon ay patuloy ang kanilang pagpapalawak at militarisasyon sa mga pinagtalunang teritoryo.
Noong Hulyo, nagtipon ang mga opisyal ng Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan upang idaos ang West Philippine Sea Victory Day, isang simbolikong paggunita sa desisyon ng Hague at isang panawagan para sa muling pagkakaisa ng bansa sa pagtatanggol ng mga karapatang pandagat nito.
"Umasa kayo sa mas marami at mas mahuhusay pang mga proyektong pang-imprastruktura," sabi ni Vice Adm. Alfonso Torres Jr., commander ng Western Command, sa kanyang pahayag sa kaganapan. "Marami pang presensya ang makikita rito, hindi lamang ng mga taga-AFP [Armed Forces of the Philippines], kundi pati na rin ng mga miyembro ng iba pang ahensiya na kabilang sa NTF-WPS [National Task Force on the West Philippine Sea]."
![Isang Chinese coast guard ship (kaliwa) at isa pang sasakyang pandagat malapit sa Pag-asa Island, litratong kuha noong Hunyo 6 mula sa Philippine naval ship na BRP Andres Bonifacio habang nagpapatrolya sa pinagtatalunang South China Sea. [Ted Aljibe/AFP]](/gc9/images/2025/08/15/51556-afp__20250609__49mu3nq__v1__highres__philippineschinapoliticsmaritime__1_-370_237.webp)
![Ang Pag-asa Island, inookupahan ng Pilipinas sa pinagtatalunang South China Sea, litratong kuha mula sa himpapawid noong Hunyo 3. [Ted Aljibe/AFP]](/gc9/images/2025/08/15/51557-afp__20250609__49mu6nq__v1__highres__philippineschinapoliticsmaritime__1_-370_237.webp)
Nakapuwesto sa Spratly Islands, ang Pag-asa Island (na kilala ng pandaigdigang komunidad bilang Thitu Island) ang pinakamalaking outpost na inookupahan ng Pilipinas sa pinagtatalunang rehiyon. Ito rin ay nagsisilbing tahanan ng humigit-kumulang 200 sibilyan. Napapaligiran ng mga tradisyonal na lugar ng pangingisda at mga hindi pa nagagamit na mapagkukunan ng enerhiya, itinuturing na ito bilang simbolo ng soberanya ng Pilipinas at frontline sa geopolitical na pakikilaban para sa kontrol ng mga lugar sa South China Sea.
Sa taong 2025, kinakitaan ang isla ng makahulugang pag-unlad. Nagpagawa ang Manila ng mga pasilidad sa isla. Itinayo roon ang isang beaching ramp, diesel power plant, at paliparan na may pinahabang airstrip, na nagkakahalaga ng 3 bilyong PHP ($52.5 milyon), upang magamit ng mga malalaking military cargo aircraft.
Ang mga kaunlarang ito, bagama't hindi kasinglaki ng mga ginagawa ng China, ay nagpapahiwatig ng intensyon ng Pilipinas na pagtibayin ang kanilang pag-angkin sa teritoryo sa pamamagitan ng imprastruktura, pamamahala, at pagtutulungan ng mga militar at sibilyan.
Walang tigil na pagpapatayo ng mga Chinese
Subali’t, habang paunti-unti ang pagtatayo ng mga istruktura ng Pilipinas, nabago na ng China ang kabuuan ng mga reef sa kanilang teritoryo at ginawa na itong mga base-militar sa nakalipas na dekada.
Ang mga reef tulad ng Mischief Reef, Subi Reef, Fiery Cross Reef, at Cuarteron Reef ay ginawang mga artipisyal na isla ng China, na may mga mahahabang runway, missile system, radar installation, at naval harbor.
Ang mga base-militar na ito ay nagbibigay sa China ng kalamangan sa pagpapalawak ng kapangyarihan sa kailaliman ng mga karagatan ng Southeast Asia, pati na rin ng kakayahang paligiran ang mga islang hawak ng Pilipinas, tulad ng Pag-asa.
Dahil hindi patas ang labanan, gumagamit ang Pilipinas ng mga hindi pangkaraniwang hakbang para sa depensa. Humihingi ang pamahalaan ng tulong mula sa mga mangingisda, at inaanyayahan silang maging katuwang ng gobyerno sa pagpapatrolya at pagmamatyag.
"Iimbitahan namin sila upang maging mga katuwang namin sa pagpapatrolya," sabi ni Torres sa selebrasyong ginanap sa Puerto Princesa. Binigyang-diin niya ang whole-of-government approach sa usapin ng West Philippine Sea.
"Dapat makilahok ang bawat mamamayan, lalo na sa pamamagitan ng social media: ibahagi ang tama, ang mga positibong pagtugon hinggil sa [West Philippine Sea], at kung ano ang ipinaglalaban namin."
Ang pagtutulungan ng mga sibilyan at militar ay sumasalamin sa isang mas malawak na pagbabago sa estratehiya ng Pilipinas sa pagharap sa mga isyung pandagat: ang paglipat mula sa pasibong diplomasya tungo sa aktibong presensya na sinusuportahan ng komunidad.
Ang tumitinding agresyon ng mga Chinese
Subali't ang estratehiyang ito ay sinalubong ng tumitinding agresyon ng mga Chinese.
Noong Agosto 6, hinarang ng tatlong sasakyang pandagat ng Chinese militia ang isang bangka ng BFAR na patungong Sandy Cay. Wala pang pahayag mula sa magkabilang panig tungkol sa insidente, ayon sa ulat ng Manila Times. Isang maritime security analyst na nakabase sa US ang nakapansin sa pangyayari at iniulat ito sa X.
Noong Abril, nagsagawa ang Philippine navy, coast guard, at Maritime Police ng isang hindi pangkaraniwang magkasanib na operasyon sa Cays 1, 2, at 3 — mga sandbar malapit sa Pag-asa Island. Samantala, dalawang sasakyang pandagat ng Philippine Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik malapit sa Sandy Cay, ay nagkaroon ng engkuwentro sa mga Chinese coast guard na gumamit ng water cannon upang paalisin sila.
Noong parehong buwan, sinabi ng China na nakuha nila ang Sandy Cay. Ang pahayag na ito ay nagpalala sa standoff at lalong sumira sa diwa ng 2016 arbitration ruling. Mabilis na pinabulaanan ng Pilipinas ang pahayag ng China.
Ang pagharap sa China
Noong Mayo, inakusahan ng Beijing ang Pilipinas ng pagsasagawa ng 27 na "hindi awtorisadong paglapag" sa mga pinagtatalunang lugar mula pa noong Enero.
Ngunit noong Hulyo, nasubaybayan ng Philippine coast guard ang 46 na Chinese na sasakyang pandagat sa mga bahagi ng karagatang kinikilala bilang sakop ng Pilipinas, kabilang ang mga sasakyang pandagat ng coast guard, ng navy, at mga barkong ginagamit sa pananaliksik.
May ilang sasakyang pandagat ang paulit-ulit na nakapasok sa Philippine Exclusive Economic Zone bago sila nasundan at pinaalis ng mga puwersang Pilipino.
"Kapag may natutunghayan kaming mga [Chinese na nanghihimasok], tinitiyak naming tutugon kami," sabi ni Philippine Rear Adm. Roy Vincent Trinidad nitong Agosto.
![Mga Philippine marine, minamaniobra ang bangka sa maalon na karagatan malapit sa Pag-asa Island sa pinagtatalunang South China Sea; litratong kuha noong Hunyo 4. [Ted Aljibe/AFP]](/gc9/images/2025/08/15/51555-afp__20250609__49mu4zr__v1__highres__philippineschinapoliticsmaritime__1_-370_237.webp)