Pulitika

Bagong pinuno ng KMT sa Taiwan, pumukaw ng debate sa patakaran para sa Taiwan Strait

Si Cheng Li-wun, bagong tagapangulo ng pangunahing oposisyong partido sa Taiwan, ay dating sumusuporta sa kalayaan ng Taiwan. Ngayon, ang kanyang sigaw: ‘Tayong lahat ay Tsino.’

Si Cheng Li-wun, na nahalal bilang tagapangulo ng oposisyong partidong Kuomintang (KMT) sa Taiwan, ay nanawagan para sa kapayapaan sa kahabaan ng Taiwan Strait at binigyang-diin ang panawagang ‘Tayong lahat ay Tsino’ sa Taipei noong Oktubre 18. [Cheng Li-wun/Facebook]
Si Cheng Li-wun, na nahalal bilang tagapangulo ng oposisyong partidong Kuomintang (KMT) sa Taiwan, ay nanawagan para sa kapayapaan sa kahabaan ng Taiwan Strait at binigyang-diin ang panawagang ‘Tayong lahat ay Tsino’ sa Taipei noong Oktubre 18. [Cheng Li-wun/Facebook]

Ayon kay Li Hsien-chih |

Ang dating mambabatas na si Cheng Li-wun ay nanalo ng higit sa kalahati ng mga boto sa kamakailang halalan sa pamunuan ng Kuomintang (KMT), kaya’t siya'y naging pangalawa pa lamang na babaeng namuno sa partido.

Sa kabila ng pagkatalo sa tatlong sunod-sunod na halalan sa pagkapangulo laban sa naghaharing Democratic Progressive Party (DPP), nananatiling malakas ang impluwensya ng KMT sa Taiwan. Ang isang koalisyong pinamumunuan ng KMT ang kumokontrol sa parlamento , kung kaya't nahahadlangan ang mga gustong mangyari ng DPP.

Ang KMT, na itinatag sa China mahigit isang siglo na ang nakalilipas, ay tumakas patungong Taiwan noong 1949 pagkatapos nilang matalo sa digmaang sibil. Hindi tulad ng DPP, itinuturing ng KMT ang Taiwan bilang bahagi pa rin ng China at sinusuportahan nito ang muling pag-iisa balang araw.

Hindi kailanman tinalikuran ng Beijing ang posibilidad ng paggamit ng puwersa upang mapasailalim sa kontrol nito ang Taiwan.Iginiit nito na ang magkabilang panig ng Taiwan Strait ay kabilang sa “iisang Tsina,” kung saan ang People’s Republic of China ang itinuturing na tanging lehitimong pamahalaan.

Mga raliyista sa Taiwan na may hawak na mga karatula sa isang kilos-protestang inorganisa ng oposisyong partido na KMT laban kay Pangulong Lai Ching-te sa Taipei noong Abril 26. [I-Hwa Cheng/AFP]
Mga raliyista sa Taiwan na may hawak na mga karatula sa isang kilos-protestang inorganisa ng oposisyong partido na KMT laban kay Pangulong Lai Ching-te sa Taipei noong Abril 26. [I-Hwa Cheng/AFP]

Dating miyembro ng DPP

Si Cheng, 55, ay nagsimula ng kanyang karera sa DPP bago sumapi sa KMT noong 2005.

Kinatawan niya ang magkabilang partido sa iba’t ibang pagkakataon sa parlamento.

Tumakbo si Cheng para sa pagkapangulo ng KMT sa platapormang "nagsusulong ng kapayapaan sa kahabaan ng Taiwan Strait."

Nangako siyang wawakasan niya ang sunod-sunod na pagkatalo ng KMT sa mga karera sa pagkapangulo, babawiin ang kapangyarihan sa 2028, at gagawing posible para sa lahat ng Taiwanese na buong kumpiyansa at ipagmamalaking sabihing, ‘Ako ay Tsino.’

Itinuturing ng marami ang pagkakahalal kay Cheng bilang mahalagang punto ng pagbabago para sa kanyang tumatandang partido at bilang bagong pagmumulan ng kawalang-katiyakan sa patakarang pang-Taiwan Strait.

Panghihimasok ng China

Ngunit sa panahon ng kampanya, lumitaw ang malawakang mga paratang ng panghihimasok ng China.

Iniulat ng Mirror Weekly noong huling bahagi ng Oktubre na nagkaroon ng pagbaha ng maiikling mga video at mga virtual anchor na binuo gamit ang artipisyal na intelihensiya na nagsusulong kay Cheng sa social media.

Ayon daw sa mga hindi nagpapakilalang pinagmulan ng impormasyon, sinabi ng ulat na malamang, ang Cyberspace Force ng Chinese People's Liberation Army ang nagkoordina ng operasyon, at pagkatapos ay ipinadaan ito sa mga negosyanteng Taiwanese at mga network ng partido upang maimpluwensyahan ang pagboto ng mga delegado.

Humigit-kumulang 1,000 TikTok at YouTube na video na may kaugnayan sa halalan sa pamumuno ng KMT ang natuklasan ng mga imbestigador. Kalahati ng mga YouTube account ay nakarehistro sa labas ng Taiwan, pag-uulat ni Tsai Ming-yen, Direktor-Heneral ng National Security Bureau sa mga mambabatas.

Ayon sa kanya, wala sa National Security Act o sa Anti-Infiltration Act ang tahasang sumasaklaw sa mga halalan sa loob ng mga partido.

Hinimok ni Justin Wu, tagapagsalita ng DPP, ang KMT na magbantay laban sa pagpasok ng mga puwersa ng China at huwag maging “kasabwat sa cognitive warfare ng CCP [Chinese Communist Party].”

Tinawag ni Cheng ang mga paratang bilang "mababang uri ng pampulitikang pag-label na minamaliit ang katalinuhan ng mga botante.“

Pagbati mula kay Xi

Wala pang 24 na oras mula sa tagumpay ni Cheng nang magpadala si Xi Jinping, pinuno ng China, ng mensahe ng pagbati.

Iniulat ng Xinhua na hinimok ni Xi ang magkabilang panig na 'itaguyod ang pambansang muling pagkakaisa' batay sa 1992 Consensus.

Sa ilalim ng kasunduang iyon, ipinagtitibay ng KMT at CCP na bahagi ng China ang Taiwan. Tumatanggi ang DPP na suportahan ito.

Sa kanyang tugon kay Xi, binigyang-diin ni Cheng na kabilang sa China ang magkabilang panig ng Strait at inilarawan niya ang “isang engrandeng kinabukasan para sa muling pagbangon ng bansa.”

Ginagamit ng Beijing ang palitang ito upang ilarawan ang KMT bilang katuwang sa pulitika at sa pagsusulong ng muling pagkakaisa, sabi ng mga manunuri.

Plataporma ni Cheng na pabor sa Beijing

Isang lantad na kaibigan ng Beijing ang namumuno ngayon sa KMT.

Sa kanyang kampanya, itinaguyod ni Cheng ang pagpapanumbalik ng 1992 Consensus at binigyang-diin na ang magkabilang panig ng Taiwan Strait ay 'bahagi ng iisang China."

Itinaguyod din niya ang slogan na “Pagtutulungan ng malalakas – ang isa at isa ay higit sa dalawa.”

Ayon kay Cheng, kung magpapakita ng mabuting kalooban ang Beijing, siya'y "handang makipagkita kay Xi Jinping ng isang daang beses.”

Ayon sa BBC Chinese, inilarawan ni Chen Shih-min, propesor ng agham pampulitika sa National Taiwan University, si Cheng Li-wun bilang "pinaka-pro-China at pro-muling pagkakaisa" sa anim na kandidato sa pagkapangulo ng partido.

Ayon kay Akio Yaita, isang Taiwanese-Japanese na mamamahayag, ang halalan ay “nagpabago sa KMT --mula asul, naging pula,” na tumutukoy sa paglipat mula sa opisyal na kulay ng KMT patungo sa kulay ng CCP.

Ayon sa kanya, maaaring direktang manghimasok ang mga puwersa ng CCP sa pulitika ng Taiwan, at “ang mga kontradiksyon at hidwaan sa pagitan ng magkabilang panig ng Strait ay magiging mas malapitang labanan.”

Posibleng pagkontra

Bagama’t kontrolado ng KMT ang parlamento, maaaring magdulot ng pagkontra ng publiko ang labis na pro-Beijing na paninindigan, ayon sa mga lokal na tagamasid.

Sa isang survey sa Taiwan noong 2023, 3% lamang sa mga tumugon ang nagsabing sila ay “pangunahing mga Chinese”.

Pagpasok sa tungkulin, ang agarang hamon kay Cheng ay ang paghahanda para sa lokal na halalan sa 2026. Ayon sa mga manunuri, magiging pangunahing pagsubok ang pagharap sa mga isyu sa Taiwan Strait.

“Hindi magiging madali ang pagpapaandar sa barkong ito, ngunit kailangan nating iwasan ang mga kitang-kitang hadlang,” sabi ni Pai Chiao-yin, secretary-general ng KMT caucus sa Kaohsiung City Council, na hinihimok ang bagong chairwoman na huwag mapalayo sa mga centrist na botante.

Bumaba ng 3.3 na puntos ang suporta ng publiko para sa KMT ilang araw bago ang halalan. Mula 25.2%, nahulog sila sa 21.9% ayon sa survey ng Taiwan Foundation for Democracy na isinagawa mula Oktubre 13 hanggang 15, at inilathala noong Oktubre 21.

Kung ano ang tingin ng nakararami sa pagyakap ni Cheng sa China, at kung paano babalansehin ng Taiwan ang soberanya at seguridad -- ito ang mga huhubog sa hinaharap ng ugnayang cross-strait.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *