Kakayahan

To Lam, muling nahalal na pinuno ng partido sa Vietnam sa 'nagkakaisang boto'

Maaaring maging Xi Jinping ng Vietnam si To Lam, habang lalo niyang pinalalakas ang kapangyarihan sa kanyang mga kamay.

Nagparada ang mga honor guard sa harap ng billboard para sa 14th Communist Party Congress ng Vietnam sa Hanoi noong Enero 21. Muling nahalal si To Lam bilang general secretary noong Enero 23, na tiyak na mananatili sa pamumuno sa susunod na limang taon. [Nhac Nguyen/AFP]
Nagparada ang mga honor guard sa harap ng billboard para sa 14th Communist Party Congress ng Vietnam sa Hanoi noong Enero 21. Muling nahalal si To Lam bilang general secretary noong Enero 23, na tiyak na mananatili sa pamumuno sa susunod na limang taon. [Nhac Nguyen/AFP]

Ayon sa AFP |

HANOI, Vietnam -- Muling nahalal ng "nagkakaisang boto" si To Lam bilang general secretary ng namumunong Partido Komunista ng Vietnam noong Enero 23, na nagpatibay sa dating tagapagpatupad ng seguridad bilang pinakamataas na pinuno ng bansa sa susunod na limang taon at sumusuporta sa kanyang pananaw para sa pagbabago tungo sa paglago.

Sa loob lamang ng 17 buwan mula nang maging pinuno ng partido, naalis na ni Lam ang kanyang mga kalaban at nakapokus ang kapangyarihan sa inilarawan ng mga opisyal bilang isang agresibong kampanya ng reporma na tinawag nilang isang “ebolusyon.”

Ang bansa sa Southeast Asia na may 100 milyong mamamayan ay nananatiling isang mapaniil na estado na pinamumunuan ng iisang partido, at isang mahalagang sentro ng ekonomiya sa rehiyon. Nagsikap ang Partido Komunista na maghatid ng mabilis na paglago upang patatagin ang kanilang pagkakakilanlan bilang lehitimong pamahalaan.

Bukod sa pananatili bilang general secretary, inaasam din ni Lam ang pagkapangulo, ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa pulitika ng Vietnam. Ang kasalukuyang nasa puwesto ay si Heneral Luong Cuong.

Muling nahalal bilang pinuno ng Partido Komunista ng Vietnam, nagsalita si To Lam sa isang press conference matapos ang closing ceremony ng ika-14 na kongreso ng partido sa Hanoi noong Enero 23. [Nhac Nguyen/AFP]
Muling nahalal bilang pinuno ng Partido Komunista ng Vietnam, nagsalita si To Lam sa isang press conference matapos ang closing ceremony ng ika-14 na kongreso ng partido sa Hanoi noong Enero 23. [Nhac Nguyen/AFP]

Kung magiging pangulo si Lam, magiging salamin ito ng pamamayani ng pinuno ng Tsina na si Xi Jinping at magsisilbing hudyat ng pagbabago mula sa tradisyonal na mas nagkakaisang proseso ng paggawa ng desisyon sa Vietnam.

Walang opisyal na anunsyo na ginawa, ngunit ayon sa mga analyst, ang komposisyon ng 19 na miyembro ng politburo, ang pinakamataas na lupon sa paggawa ng desisyon ng partido, ay nagpapahiwatig na malamang na magtagumpay siya sa layuning iyon.

Dalawang pangunahing grupo sa partido ang nakikitang naglalaban para sa kapangyarihan, ang grupo ng seguridad na kaalyado ni Lam at isang mas konserbatibong grupo ng militar.

Nangibabaw ang grupo ni Lam sa bagong politburo, habang ang pinakamahigpit niyang kalaban, na si defense chief Phan Van Giang, ay naitalaga lamang sa ikapitong puwesto.

"Batay sa paraan ng pagpapakita ng listahan, kasama ang impresyon na dulot nito, ay malinaw na nagpapahiwatig na nakatakda si To Lam na hawakan ang parehong posisyon," ayon kay Nguyen Khac Giang ng ISEAS – Yusof Ishak Institute sa Singapore.

Isang litrato na inilathala ng pahayagang pag-aari ng estado sa pagtatapos ng limang-taunang kongreso ng partido ang nagpapakita kay Lam na nagwagi, kasama ang kanyang mga kaalyadong sina Tran Thanh Man, Tran Cam Tu, at Le Minh Hung, ang susunod na tatlong pinakamataas na miyembro ng politburo.

Ipinahiwatig nito na ang limang "haligi" ng kolektibong sistema ng pamumuno sa Vietnam ay hahawakan ng apat na lalaki, ayon sa mga analyst.

"Matagumpay nang naipon ni Lam ang kanyang kapangyarihan, ang personal niyang kapangyarihan at ang pamamayani sa politburo," ayon kay Tuong Vu, isang analyst sa Vietnam.

“Ipinakita ng buong proseso na wala nang makakapigil sa kaniya," sabi niya, idinagdag pa na "natupad ni Lam ang kaniyang ninanais.”

'Kamangha-manghang tagumpay'

Itinaas bilang pinuno ng partido matapos ang pagkamatay ni general secretary Nguyen Phu Trong noong 2024, ginulat ni Lam ang bansa sa bilis ng kaniyang mga pagbabago.

Inalis niya ang buong hanay ng pamahalaan, pinawalang-bisa ang walong ministry o ahensya at tinanggal ang halos 150,000 na trabaho mula sa payroll ng estado, habang isinusulong ang mga ambisyosong proyekto sa riles at enerhiya.

Matapos niyang patatagin ang kanyang posisyon sa partido, inaasahan na magpopokus siya sa pagpapasigla ng pribadong sektor, gayundin sa pagpapalago sa larangan ng digital, at teknolohiya.

Sa isang press conference na nagwakas sa kongreso ng partido, nanawagan siya para sa isang "bagong modelo ng paglago" na magpapabilis sa paggawa ng desisyon at magpapalakas sa pribadong sektor upang makamit ang 10% taunang paglago sa susunod na limang taon.

Napatunayan ng Vietnam ang pambihirang tatag kahit na ipinataw ng Washington ang bagong 20% taripa, na nagtala ng 8% paglago noong nakaraang taon, isa sa pinakamabilis sa Asya.

Pero mas naging mahirap ang pagbalanse sa pagitan ng Estados Unidos -- ang pangunahing merkado ng export nito -- at ng pinakamalaking supplier nito, ang Tsina, dahil tinutukan ng Washington ang ilegal na muling pagpapadala ng mga produkto.

Sa kabila ng mga pandaigdigang “mga kahirapan at pabagu-bagong sitwasyon,” sinabi ni Lam na itataas ng Vietnam ang antas ng ugnayang panlabas sa "parehong antas ng mga tungkulin ng depensa at seguridad,” habang naghahanap ng mga bagong estratehikong pakikipag-alyansa at ugnayang pangkalakalan.

Kakaunti lamang ang tinatanggap na pagtutol ng namumunong partido at madalas nitong ikinukulong ang mga kritiko, higit sa 160 sa kanila ang nasa bilangguan, ayon sa Human Rights Watch.

Ayon kay Le Hong Hiep, senior researcher sa ISEAS -- Yusof Ishak Institute, sinabi niya sa Reuters na ang hakbang ni Lam na pagsamahin ang mga tungkulin ng pangulo at general secretary ng Partido Komunista ay "maaaring magdulot ng panganib sa sistemang pampolitika ng Vietnam."

Hindi tulad ng kasalukuyang Tsina o ng North Korea ng dinastiyang Kim, ang kapangyarihang pampulitika sa Vietnam ay hindi dating nakatuon sa iisang pinakamataas na pinuno.

Si Lam ang magiging kauna-unahang makakakuha ng dalawang pinakamataas na posisyon sa isang kongreso ng partido, sa halip na pumalit lamang matapos mamatay ang naunang opisyal na may hawak ng tungkulin. Ang nominasyon sa pagka-pangulo ay mangangailangan pa ng pormal na kumpirmasyon mula sa pambansang asembleya.

Si Lam ay “patuloy na mangunguna sa paggawa ng mga polisiya” anuman ang kalagayan, ayon kay Laura Schwartz, isang analyst sa risk intelligence firm na Verisk Maplecroft.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link