Seguridad

India, nagtatayo ng estratehikong tunnel malapit sa border ng Tsina

Kapag natapos na ang Himalayan tunnel, makatitiyak ang India ng buong taon na access ng militar sa Ladakh at paliitin ang matagal nang lamang sa lohistika ng Tsina sa pinagtatalunang border ng India at Tsina.

Isang litratong kuha noong Setyembre ang nagpapakita ng mga truck ng militar ng India na dumaraan sa Kargil sa Ladakh, malapit sa border ng Tsina. [Indian Ministry of Defense]
Isang litratong kuha noong Setyembre ang nagpapakita ng mga truck ng militar ng India na dumaraan sa Kargil sa Ladakh, malapit sa border ng Tsina. [Indian Ministry of Defense]

Ayon kay Zarak Khan |

Pinabibilis ng India ang pagtatayo ng Zojila Tunnel sa kanlurang Himalayas, isang mahalagang proyekto sa pagsisikap ng New Delhi na palakasin ang imprastruktura sa border sa rehiyon ng Ladakh at paliitin ang lamang sa lohistika ng Tsina sa kanilang pinagtatalunang border.

Ang 13.25-kilometrong tunnel ang magsisilbing kauna-unahang kalsadang maaaring daanan sa kahit anong panahon na nag-uugnay sa Kashmir Valley at sa mataas na rehiyon ng Ladakh. Inaasahang matatapos ito sa loob ng humigit-kumulang dalawang taon, ayon sa ulat ng Wall Street Journal noong Disyembre.

Kapag natapos, makapagpapalipat ang militar ng India ng mga sundalo, tangke, at mabibigat na armas sa buong taon patungo sa mga puwesto malapit sa Line of Actual Control (LAC), ang de facto at mahigpit na militarisadong border na naghihiwalay sa dalawang bansang may sandatang nuklear.

Tuwing taglamig, dahil sa matinding pag-ulan ng niyebe, halos limang buwan na hindi nadaraanan ang Zojila Pass na nasa 3,505 metro ang taas.

Isang opisyal ng pamahalaan ng India ang nag-iinspeksyon sa progreso ng proyektong Zojila Tunnel noong Oktubre. Layunin ng estratehikong tunnel na magkaroon ng daan papuntang Ladakh na magagamit sa kahit anong panahon. [Ladakh Autonomous Hill Development Council, Kargil/X]
Isang opisyal ng pamahalaan ng India ang nag-iinspeksyon sa progreso ng proyektong Zojila Tunnel noong Oktubre. Layunin ng estratehikong tunnel na magkaroon ng daan papuntang Ladakh na magagamit sa kahit anong panahon. [Ladakh Autonomous Hill Development Council, Kargil/X]

Pinabibilis ng New Delhi ang proyektong sinimulan noong 2018, bilang tugon sa malalaking kalsada at riles ng Tsina sa Tibetan Plateau.

May 3,380-kilometro na border ang India at Tsina na nananatiling walang malinaw na marka nang pagmamay-ari at matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa militar at diplomasiya.

Mabilis na pagpapadala ng mga sundalo

Mula sa pagiging daang madalas mahirap madaanan tuwing taglamig, ang Zojila Pass ngayon ay naging mahalagang haligi ng pambansang seguridad ng India.

Tuwing taglamig, nagiging parang estratehikong isla ang Ladakh, na umaasa sa mahal na airlift para matustusan ang pangangailangan ng mga sibilyan at libu-libong sundalong nakatalaga sa border at nakaharap sa People's Liberation Army (PLA) ng Tsina.

Sa kabilang banda, ginagamit ng Tsina ang malawak nitong mga kalsada, tren, at lohistika sa Tibetan Plateau para mapanatili ang maayos na paggalaw sa buong taon.

Dahil sa pagkakaibang ito, mabilis na nakakapagpadala ng karagdagang sundalo ang mga puwersa ng Tsina sa mga pinagtatalunang lugar sa loob lamang ng ilang oras, samantalang ang mga yunit ng India ay karaniwang nangangailangan ng ilang araw upang mailipat ang katulad na mga kagamitan.

Ayon sa mga analyst sa seguridad ng India, bahagi ang Zojila Tunnel ng mas malaking plano para ayusin ang mga kahinaan na lumitaw matapos ang nakamamatay na labanan sa Galwan Valley sa Ladakh noong 2020.

Nagdulot ang sagupaan ng pagkamatay ng 20 sundalong Indian at apat na sundalong Chinese, na itinuturing na pinakamalalang karahasan sa kahabaan ng LAC sa loob ng ilang dekada at ang kauna-unahang pagkamatay sa labanan mula pa noong 1975.

Ang labanan nang harapan sa taas na humigit-kumulang 4,270 metro ay nagdulot ng "malaking pagbabago sa pananaw" ng pamahalaan ng India, ayon kay Maj. Gen. (ret.) Amrit Pal Singh, dating hepe ng operational logistics sa Ladakh.

“Napagtanto namin na kailangan naming baguhin ang buong paraan ng aming ginagawa,” sinabi ni Maj. Gen. Singh sa Wall Street Journal noong Disyembre 24.

Madadaanan sa kahit anong panahon

Layunin ng Zojila Tunnel na alisin ang hindi pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kalsadang maaaring daanan buong taon papuntang Ladakh, ayon sa mga opisyal ng India.

Karaniwang umaabot ng tatlong oras ang pagdaan sa Zojila Pass kung maganda ang panahon. Ayon sa Ministry of Road Transport and Highways noong 2023, halos 20 minuto na lang ang biyahe kung sa tunnel daraan.

“Sa kabuuang haba ng tunnel na 13.25km, natapos na ang paghuhukay sa 12 km, at humigit-kumulang 1 km na lang ang natitira,” sinabi ni Harpal Singh, joint chief operating officer ng Hyderabad-based Megha Engineering and Infrastructures Ltd., sa New Indian Express noong Disyembre.

Kumpiyansa ang kumpanya na makokonekta na ang tunnel mula sa dalawang dulo pagsapit ng Mayo, sabi ni Harpal Singh. Pagkatapos ng breakthrough, mas mabilis na gagawin ang "pagtatapos, paglalagay ng lining, at mga safety installation," sabi niya.

“Kung walang magiging malaking aberya, matatapos ang tunnel sa pagitan ng Mayo at Setyembre 2028,” sabi pa niya.

Kapag tapos na, inaasahang lubos na mapapalakas ng tunnel ang kakayahan ng hukbo ng India para sa “mabilis na pagpapadala ng mga sundalo sa kahabaan ng kanlurang border sa Pakistan at sa silangang Ladakh na katapat ng Tsina,” iniulat ng Tribune (India) noong Disyembre 28.

Sa ngayon, tuwing taglamig, nahaharangan ng niyebe ang mga kalsada papuntang Ladakh, mula sa Kashmir at Himachal Pradesh.

Paglaban sa Tsina

Ang pinalawak na imprastraktura ng Tsina sa kahabaan ng L, gayundin sa Kashmir na hawak ng Pakistan, ay nagdudulot ng takot sa India ng posibilidad ng digmaan laban sa dalawang panig at nagdaragdag sa pangamba na mapalibutan ng kalaban, ayon sa pagsusuri ng 2024 ng Observer Research Foundation, isang think-tank na nakabase sa New Delhi.

“Ginamit ng Tsina ang tulong ng iba sa pagtatayo ng imprastrakturang ito, at nagbigay din ng tulong militar sa Pakistan,” ayon sa ulat.

“Upang hindi palibutan ng Tsina ang hilagang teritoryo nito ... sinimulan ng India ang malalaking proyekto upang mapadali ang koneksyon sa Kashmir Valley at Ladakh,” dagdag pa rito.

Ang pagpapalawak ng imprastraktura ay hindi lang limitado sa Zojila Tunnel.

Patuloy na pinalawak ng India ang network ng mga tunnel, tulay, kalsada, at paliparan sa buong Ladakh upang mas mabilis makagalaw ang mga sundalo sa isa sa mga pinakamapanganib na mataas na lugar sa mundo.

Noong Nobyembre, binuksan ng India ang Mudh-Nyoma Air Force Station sa silangang Ladakh, isang paliparang nasa mataas na lugar na 35 kilometro mula sa border ng Tsina.

Pinabibilis din ng New Delhi ang modernisasyon ng Darbuk–Shyok–Daulat Beg Oldie road, isang mahalagang kalsada para sa mga operasyon ng mga militar sa matataas na lugar at para mas mapalakas ang presensya ng India sa kahabaan ng LAC.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link