Libangan

Pelikula ng China sa Nanjing Massacre, binatikos dahil sa kontra-Japanese na tema

Ilang batang nakapanood ng pelikula ang nagsabing nais nilang 'patayin ang lahat ng mga Japanese' at 'bugbigin ang mga Japanese hanggang sila'y mamatay.'

Nakapila ang mga manonood sa China sa ilalim ng poster ng Dead to Rights, na tumabo sa takilya ngunit umani ng kontrobersya sa ibang bansa dahil sa makabayang mensahe nito. [CCTV Asia Pacific/Facebook]
Nakapila ang mga manonood sa China sa ilalim ng poster ng Dead to Rights, na tumabo sa takilya ngunit umani ng kontrobersya sa ibang bansa dahil sa makabayang mensahe nito. [CCTV Asia Pacific/Facebook]

Ayon kay Wu Qiaoxi |

Ang mga Chinese na pelikula na muling binabalikan sa mga pighating dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagdudulot ng pangamba na sinasadyang pasiklabin ng Beijing ang damdamin ng nasyonalismo at matinding galit laban sa mga Japanese.

80 taon nang matapos ang digmaan, ang pelikulang Chinese tungkol sa Nanjing Massacre,Dead to Rights, ay kumita ng mahigit 2.7 bilyong CNY ($377.5 milyon), isang buwan matapos itong ipalabas noong Hulyo.

Ang massacre ay naganap mula Disyembre 1937 hanggang Enero 1938. Daan-daang libong Chinese ang pinaslang, at hindi mabilang na kababaihan ang ginahasa ng mga mananakop na sundalong Japanese.

Ang pelikula ay nanguna sa takilya, ngunit ang sunod-sunod na mga pelikulang may katulad na tema ay nagdulot ng pangamba sa mga tagamasid kung ano ang nais ipahiwatig ng Beijing.

Makikita sa isang kuha mula sa isang lokal na programang balita ang siyam na taong gulang na batang lalaki sa Henan, China, kasama ang kanyang kapatid na babae, na galít na pinupunit ang kanyang koleksyon ng Japanese anime cards matapos mapanood ang pelikula. Inulit pa ng mga bata ang tanyag na linya mula sa pelikula: 'Hindi natin isusuko ang kahit isang pulgada ng ating malawak na lupain.' [Sohu News]
Makikita sa isang kuha mula sa isang lokal na programang balita ang siyam na taong gulang na batang lalaki sa Henan, China, kasama ang kanyang kapatid na babae, na galít na pinupunit ang kanyang koleksyon ng Japanese anime cards matapos mapanood ang pelikula. Inulit pa ng mga bata ang tanyag na linya mula sa pelikula: 'Hindi natin isusuko ang kahit isang pulgada ng ating malawak na lupain.' [Sohu News]

Mula Agosto, ipalalabas na rin ang pelikula sa iba pang rehiyon tulad ng mga bansa sa Asia-Pacific, North America, at iba pang bahagi ng mundo.

Ayon sa Xinhua, ang Dead to Rights ay batay sa tunay na buhay ng isang baguhang litratista sa isang Nanjing photo studio, na habang nagpoproseso ng mga litrato para sa mga opisyal na Japanese ay natuklasan ang mga insidente ng kalupitan.

Inilagay niya sa panganib ang kanyang buhay upang maitago ang mga litratong sa kalaunan ay ginamit bilang katibayan laban sa mga Japanese na kriminal sa digmaan. Sa kasalukuyan, ang mga litrato ay nasa Second Historical Archives ng China.

Bata at matanda, pumutok sa galit

Ang ipinakitang krimen sa digmaan ng mga Japanese sa pelikula ay nagpasiklab ng panibagong bugso ng sentimyentong kontra-Japan.

May mga video na kumakalat sa social media na nagpapakita ng mga manonood na lumuluha matapos mapanood ang pelikula. Pagkatapos nito, uudyukan silang isigaw ang tanyag na linya mula sa pelikula: "HIndi natin isusuko ang kahit isang pulgada ng ating malawak na lupain.'

Maraming magulang ang isinama ang kanilang mga anak sa panonood upang mabigyan sila ng "aral sa pagiging makabayan." Hindi kinaya ng mga bata ang matinding emosyon at naiiyak na sinabi sa kanilang mga ina na "gusto (nilang) patayin ang lahat ng mga Japanese."

Ang mga batang nasa edad na upang pumasok sa paaralan ay maririnig na nagsasabing, "Kinasusuklaman ko ang mga Japanese! Paglaki ko, gusto kong maging sundalo at barilin silang lahat!” o kaya’y, “Gusto kong bugbugin ang mga Japanese hanggang sa sila’y mamatay!”

Batay sa mga lokal na ulat mula sa Henan, China, inilarawan kung paano ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki, matapos mapanood ang pelikula, ay pinagugupit ang kanyang pinakiingatang koleksyon ng mga Japanese anime card. Ang ulat na ito ay hindi na mahahanap sa website ng Xinhua.

Dahil sa ganitong mga reaksyon, maraming netizen ang nagbigay-puna na maaaring nagpapalaganap ng pagkamuhi ang pelikula. Noong Hulyo 31, naglathala ang The Global Times ng isang editoryal na kinokondena ang mga komentong ito at tinawag itong “cyber bullying” laban sa pelikula.

Subalit noong araw ding iyon, isang Japanese na naglalakad kasama ang isang bata ang tinamaan ng bato na ipinukol ng isang hindi kilalang tao sa loob ng isang Suzhou subway station, ayon sa pahayag ng Japanese Embassy sa Beijing.

Inaresto na ng pulis ang isang pinaghihinalaang suspek, sabi ng Chinese Foreign Ministry sa AFP.

Paulit-ulit na karahasan laban sa mga Japanese

Ang nangyaring pagbato ay hindi isang pambihirang pangyayari sa buhay ng mga Japanese sa China.

Noong Hunyo 2024, isang Japanese na ina at ang kanyang anak ang sinaktan ng isang lalaking may dalang kutsilyo sa isang bus stop sa Suzhou, at isang Chinese na babae ang napatay. Ang babae ay attendant ng bus na sasakyan ng batang Japanese papuntang paaralan at nagtangkang pigilan ang salarin.

Noong Setyembre ng parehong taon, sinaksak ng isang lalaki ang isang batang Japanese habang naglalakad papunta sa kanyang paaralan sa Shenzhen. Namatay ang bata kinabukasan.

May ilang pelikulang makabayan din na may temang katulad ng tinalakay sa Dead to Rights ang lumabas kamakailan, o ipalalabas sa mga mahahalagang araw sa kasaysayan ng China.

Halimbawa, ang Mountains and Rivers Bearing Witness at ang Scholars under Fire ay unang ipinalabas noong Agosto 15, ang anibersaryo ng pagsuko ng Japan. Ang Against All Odds ay nakatakdang ipalabas sa Setyembre 3, anibersaryo ng araw noong 1945 nang ideklara ng Republic of China ang tagumpay laban sa Japan sa digmaan. Ipalalabas naman ang 731 sa Setyembre 18, ang anibersaryo ng Mukden Incident noong 1931.

Ang mga pelikulang ito ay ipinagmamalaki ng official media ng China dahil sa kanilang "pagbibigay-diin sa dakilang diwa ng pakikipaglaban ... at dahil batay ang mga ito sa totoong pangyayari sa kasaysayan."

Ang sunod-sunod na pagpapalabas ng mga pelikulang ito ay nagdudulot ng pangamba sa posibleng karagdagang karahasan laban sa mga Japanese.

Isinulat ni Akio Yaita, isang Japanese na mamamahayag na naninirahan sa Taiwan, sa X na ang kanyang mga kapwa Japanese sa China ay nagbigay ng babala sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan: “Sa ngayon, mas mabuti kung hindi muna kayo pupunta sa China. Kahit sa Japan, iwasan muna ang mga lugar kung saan maraming naninirahang Chinese.”

Pagtulak sa nasyonalismo

Itinataguyod ng Chinese state media ang damdaming kontra-Japanese sa buong bansa, kasabay ng parada militar ng China noong Setyembre 3 bilang pag-alala sa ika-80 na anibersaryo ng tagumpay ng China laban sa Japan, ayon kay Yaita.

Ang mga pelikulang tulad ng Dead to Rights ay sumasalamin sa ginagawa ng pinuno ng China na si Xi Jinping na "pag-udyok ng makitid na pananaw sa nasyonalismo mula noong siya'y naluklok sa puwesto ng kapangyarihan," sabi ng political commentator na si Lin Pao-hua, ayon sa Liberty Times.

"Dapat [nating] harapin ang mga katotohanan sa kasaysayan nang makatwiran at iwasan ang pagmamalabis, sensasyonalismo, at piling panlilinlang," sabi ni Lee Hsiao-feng, professor emeritus ng National Taipei University of Education, sa Facebook.

Pinalakas ng Beijing ang kampanya nito upang itaguyod ang “tamang pananaw” sa World War II, kung saan itinuturing ang China at ang USSR bilang mga nagtagumpay sa digmaan, ayon sa ulat ng Reuters noong Agosto 22.

Ang paglaban ng China noong panahon ng digmaan ay “piling binalewala at minamaliit,” habang ang papel ng Chinese Communist Party (CCP) ay “sadyang minata at siniraan,” ayon sa komentaryong inilathala sa People's Daily.

Samantala, inakusahan ng Mainland Affairs Council (MAC) ng Taiwan ang Beijing ng “paulit-ulit na pagbaluktot sa katotohanan” ng kasaysayan noong panahon ng digmaan, at binigyang-diin na ang People's Republic of China “ay wala pa” noong naganap ang digmaan sa pagitan ng China at Japan.

Gumawa ang CCP ng hindi totoong pag-aangkin na sila ang namuno sa pakikipaglaban at ginamit pa ang salaysay na ito upang idiin na ang Taiwan ay kabilang sa sakop ng China, ayon sa chairman ng MAC na si Chiu Chui-cheng.

Hinadlangan ng MAC ang paglahok ng mga opisyal ng Taiwan at mga tauhan para sa pambansang seguridad sa parada.

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Policy Link

Captcha */Patunay na Hindi Robot *